Sa dami na nang aming mga nakausap o nakakuwentuhan na sabungero ay iba-iba ang kanilang pananaw pagdating sa tinatawag na suwerte sa sabong. Hati ang paniniwala nila hinggil dito. Mayroong mga ‘di naniniwala at mayroon din naman na nagsasabi na totoo ang suwerte.
Ayon sa mga 'di naniniwala sa suwerte, ang tao lang naman ang gumagawa ng suwerte at hindi ang senaryo o pagkakataon. Kapag tiwala kang magaling ang iyong manok at naikundisyon nang husto ay malaki ang posibilidad na manalo ka sa derby. Kinakailangan diumano, sa pag-aalaga ng manok o pagsasabong ay siyetipikong pamaraan ang dapat pagbasehan. Ang paniniwala kasi sa suwerte sa kanila ay para ring pagkapit sa pamahiin o kung hindi naman ay ala-tsamba lang.
Siyempre, mariin namang tinututulan ng mga naniniwala sa suwerte ang sinasabi ng mga ayaw maniwala rito. Para kasi sa kanila, kahit ano pang galing ng manok mo at kahit inihanda mo pa ito nang husto kapag ‘di para sa iyo ang panalo ay ‘di ito ibibigay. In short, malas ka at suwerte ang iyong kalaban. Mayroon daw kasi na kahit putol na ang paa o bagsak na ang manok ay nagagawa pa ring manalo. ‘Yun bang ‘di mo na inaasahan, pero nangyayari pa rin. Magbabayad ka na nga sana sa kalaban mo, pero biglang nanalo ang pinustahan mo. Ito raw ang totoong suwerte sa sabong.
Minsan, ang pagsasabi nang sinuwerte ay tanda nang pagpapakumbaba ng ilang mga sabungero. Kapag tinanong mo kasi kung ano ang kanilang ginawa kung bakit sila nanalo, ang isasagot nila sa iyo ay ‘sinuwerte lang o nakatsamba lang.’ Pero siyempre, sa likod nang kanilang pagkakapanalo ay matinding preparasyon ang kanilang ginawa. Ibig sabihin, ang suwerte ay may kaakibat na responsibilidad. Hindi uubra rito ang papetiks-petiks lang.
Para mabalanse, dapat ang minamanok mo ay talagang magaling at naihanda nang husto. Kapag ganito ay lagi kang malapit sa panalo o sabihin na nating suwerte. Lalo na sa panahong ito na talagang napakatindi na ng kumpetisyon dahil lahat ay may access na sa magagandang materyales. Kapag ginawa naman ang dapat gawin at natalo pa, huwag nang isipin na minamalas lang tayo. Alam naman natin na sa sabong, hindi puwede na lagi kang mananalo. Kahit ang mga sikat na sabungero o bigtime breeder ay namumulot din ng patay namanok sa ruweda. Kung ‘di ka natatalo, aba’y wala nang gustong lumaban pa sa iyo n’yan. Ang mahalaga, nag-i-enjoy ka sport na ito, manalo man o matalo!