Friday, July 12, 2019

Pera o Karangalan sa Sabong?


Ang premyo at karangalan sa sabong ay laging magkasama. Pero kung papipiliin ka lang ng isa sa dalawa, ano ang mas gugustuhin mo? Ang premyo na makukuha o ang titulo at karangalan na kaakibat nang iyong pagkakapanalo sa derby?

Kung titingnan kasi ang mga papremyo ngayon sa iba’t ibang pa-derby ay napakalaki na. Milyunan na ang nakataya rito. Maeengganyo nga naman na sumali ang ating mga kasabong. Napakalaking bagay na ito para sa karamihan. Marami na kasi silang magagawa sa premyong makukuha kasama na rito ang pag-a-upgrade ng facilities o ng bloodlines sa farm. Kaya’t ang bawat laban ay pinaghahandaan nila nang husto at umaasa na sana ay makamit nila ang kampeonato.

Samantalang mayroon din namang hindi ang premyo ang kanilang prayoridad kundi ang karangalan na makukuha mula sa derby. Gusto nilang mapasama ang kanilang pangalan sa talaan ng mga nagkampeon alinman sa prestihiyosong pasabong sa bansa gaya ng BAKBAKAN, Digmaan, Barkadahan, World Slasher Cup at iba pa. Magsisilbi kasi itong legacy para sa kanila. Nais nilang mabanggit o maisulat ang kanilang pangalan sa kasaysayan ng sabong. Nakaka-proud nga naman ito, 'di lang para sa kanila kundi sa kanilang pamilya at mga kaibigan.

Marahil ay sasabihin ng iba na kaya ‘di masyadong pinapahalagahan ng ilang sabungero ang pera ay marami sila nito. Balewala sa kanila ang premyo dahil sa perang ipinampupusta pa lang nila ay napakalaki nang halaga. Kumbaga ang sabong ay nagsisilbi lang libangan sa mga ito kaya’t balewala na ang premyo. Samantalang mayroon naman na kung magbitaw ng pera ay hanggang minimum lang. 

Depende na rin siguro sa tao kung ano ang kanilang pipiliin. ‘Di natin maiaalis na mayroong mga indibiduwal na ang kanilang prayoridad ay ang magsugal bagama’t alam naman nilang walang yumayaman dito. Maliban na lang kung magtatayo ka ng negosyo na may kinalaman sa sabong, puwede pang yumaman. Pero kung aasa sa mga premyong makukuha ay mukhang malabo. Oo, mayroong mga breeder na ang premyong nakukuha nila sa sabong ang kanilang ginagamit sa pagpapatakbo ng farm. Pero 'di lang naman ito sa premyo, kasama na rito ang sales nila sa farm. Kapag nagpapanalo kasi ay nadagdagan o dumadami ang buyers ng manok. Maganda ito, pero buti sana kung palagi kang mananalo. Alam natin na ang panalo sa sabong ay pana-panahon lang.

Ang malalaking premyo ay dinisenyo para ganahang sumali ang mga sabungero. Kumbaga, para magkaroon ng thrill and excitement ang laro. Kung ano ang mas pipiliin mo, pera o karangalan ay nasa iyo na ‘yun. Basta’t ang sabong ay isang napakagandang isport. Ito ‘yung laro na ‘di lang nakasentro sa pera kundi nag-iinvest ka rin para sa iyong kaligayahan. Kaya kahit natatalo ay masaya ka pa rin at patuloy na nagmamanok. Dahil kung tungkol lang ito sa pera baka tumigil ka na dahil sa laki na nang nagastos o nawala sa iyo.


Kung tutuusin, ang premyo sa sabong ay nagsisilbing bonus na lamang at ‘di ito ang pinakadahilan kung bakit sumasali ka sa mga pa-derby. Isa lang ang sigurado, walang aayaw sa premyo at karangalan na makukuha sa sabong. Ang pinag-uusapan lang natin dito ay kung ano ang mas matimbang sa iyo? 
Loading...

Recent Posts