Para sa iba, ang
pagmamanok ay isa lamang libangan dahil nakatatanggal ito ng pagod at
pagkainip. Nakabubuti rin ito sa kalusugan dahil laging maganda ang pakiramdam.
Kahit nga medyo may edad na basta’t nagmamanok ay medyo malakas pa kumpara sa
matatanda na nakapirme lang palagi sa bahay. Nagsisilbi kasing ehersisyo ang
pagmamanok.
Pero mayroon ding mga
magmamanok na ginawa na itong kabuhayan kabilang na rito ang mga tinatawag
natin na ‘fulltime breeder’. Totoo na sa
manok ay puwede ka nang mabuhay o makabuhay ng pamilya. Bakit hindi,
napaka-indemand ng sabong sa ngayon. Itinuturing nga ito na bilyong industriya.
Kaya’t ang makasambot ka lang sa merkado ng sabong ay napakalaki ng bagay.
Biruin mo ilang mga manok ang inilalaban sa sabungan kada araw? Siyempre,
kailangan ng mga sabungero ng materyales o panlaban. Saan pa ba sila kukuha
kundi doon sa mga commercial breeder?
Napakaraming fulltime
breeder ngayon sa Pilipinas kabilang na r’yan sina Biboy Enriquez ng Firebird
Gamefarm, Baby Canillas ng Spanichi Gamefarm, Mike Mendoza ng 4 Lines Gamefarm
at iba pa. Ang iba sa mga breeder ay nag-fulltime pagkatapos nilang magretiro
sa kanilang propesyon. Hilig naman nila ang pagmamanok kaya’t ano pa ba ang
gagawin nila para mag-breed? Mayroon din naman na ito na talaga ang napili nilang
negosyo dahil kabisado na nila ang kalakaran sa industriya ng sabong. Bata pa
lang ay talagang hilig na nila ang pagmamanok. Iba raw kasi ang ibinibigay na
pakiramdam nito sa kanila. Kaya’t ito na lang din ang hanapbuhay na kanilang
napili. Naglilibang ka na ay kumikita ka pa. ‘Di ba’t napakasarap ng buhay
kapag ganito?
Siyempre, ‘di rin naman
basta ganun-ganun na lang kapag gusto mong mag-fulltime sa pagpapalahi ng
manok. Ayon na rin sa aming mga nakausap na fulltime breeder. Kinakailangan na
mayroon kang sapat na pondo na pang-maintain sa iyong farm kabilang na ang
bayad sa mga tauhan. ‘Di ka rin naman kasi basta-basta kikita agad. Tulad din
ito ng ibang negosyo kung saan ay kailangan mong mag-invest. Kailangan mo ring
maglalaban para makita ng mga tao ang performance ng iyong mga manok. Kapag
nagpapanalo ka, asahan mo na ang mga buyer na ang kusang lalapit sa iyo dahil
nagalingan sila sa mga manok mo.
Ilan sa mga fulltime
breeder ay nagkaroon muna sila ng pangalan bago naisipan na ituon ang buong atensyon
sa pagmamanok. Mas naibibenta nila ang kanilang manok sa mas magandang presyo.
Kumbaga, sa produkto ay branded ang dating nila. Gusto mong bilhin dahil sa
tatak o pangalan kasi sigurado ka na may quality ito. Pero kahit ‘di naman
sikat ay puwedeng-puwedeng mag-fulltime basta’t marami kang kuneksyon o mga
nagtitiwala sa bloodlines mo.
Ang iba sa kanila ay
nagsasali rin kapag may gamefowl expo. Siyempre, kung nasaan ang mga mamimili
andun din sila dapat. Hindi rin mawawala ang pagbibenta sa pamamagitan ng
online partikular na sa Facebook. Maging maingat nga lang sa pagbili sa online
dahil maraming nanggagamit ng pangalan ng may pangalan sa social media. Mas
maganda pa rin ang personal na bumisita sa farm ng breeder para personal na
makapamili. Mayroon kasing mga nagrireklamo na ‘di nila nagustuhan ang
ipinadalang manok ng breeder. Hassle ito sa magkabilang panig.
Ikaw kasabong, may
balak ka rin bang maging fulltime breeder o tama na sa iyo na gawing libangan
lang ang pagmamanok o pagsasabong? Kung ikaw man ay isang fulltime breeder na,
hanga kami sa iyo dahil nagawa mong hanapbuhay ang dati-rati ay libangan mo
lang.