Tuesday, July 9, 2019

Nanalong Manok, Kanino ang Karangalan?

Pinagtatalunan ng ilang mga sabungero ang pagbibigay ng credit kapag ang manok mo ay nabili mo sa isang breeder. Dapat mo pa bang sabihin ang pinanggalingan kapag nanalo ka sa isang derby lalo na’t ito ay isang prestihiyoso?

Ang nangyayari kasi kapag sinabi mo ang pinagkunan mo ng manok, imbes na ikaw ang makilala ay ang breeder ang mas lalong nakikilala. Kumbaga, ang breeder ang pinag-uusapan at hindi ang may-ari nang nanalong entry. Kung natural lang ang ganitong senaryo aba’y wala nang dapat pagtalunan dahil may nanalo na. Pero kung gusto mong magkaroon din ng pangalan, aba’y para ngang may mali.  

Ang iba kasing mga breeder ay ‘di masyadong nakatutok sa breeding. Kaya’t ang ginagawa na lang ay bumibili ng ready to fight na manok para ikukundisyon na lang nila pagkatapos ay ilalaban. Kapag nanalo ang manok, kanino ba dapat mapunta ang credit? Sabi ng iba, wala namang masama kung sasabihin mo kung saan mo binili ang manok mo. Mas makatutulong pa nga raw ito sa iyo lalo’t ang pinagkunan mo ng manok ay kilalang breeder. Kumbaga, nabahaginan ka ng galing ng manok nito kaya’t dapat ka lang na magpasalamat.

Pero sa kabilang banda, may mga nagsasabi rin na nabili mo na ang manok kaya’t pag-aari mo na ‘yun. Oo nga’t magaling o winning line ang manok at galing sa isang kilalang breeder, pero nabili mo na ito. Kaya’t kapag nanalo ka sa derby, ikaw na naglaban ang dapat na maging bida at hindi ang breeder na pinagkunan mo ng manok. Maliban na lang kung may usapan kayo na kapag nanalo ka sa derby, dapat ay banggitin mo ang kanyang pangalan.

May mga breeder na nagsasabi na mas masarap ang magpalahi ng sariling manok kaysa bumibili ka lang. Mas masarap daw kasi ang pakiramdam kapag nanalo ang manok mo dahil palahi mo na ito. Importante ito lalo na’t may balak ka ring mag-commercial gaya ng iba.

Mas mabuti siguro kung gagawa ka ng sarili mong bloodline at tawagin mo ito sa pangalan na gusto mo. Para kahit banggitin mo pa ang pangalan ng breeder na pinagkunan mo ng manok ay walang problema. Sariling version mo na kasi ang manok. May mga infusion ka nang ginawa at naiba na sa original na pinagkunan mo. Siyempre, kapag nanalo ka sa derby, pangalan at ang bloodline mo na ginawa mo na ang makikilala. May puwang ka na para sa karangalan na iyong inaasam!




Loading...

Recent Posts