Tuesday, September 12, 2017

Pamana at Mga Aral ni Mayor Juancho Aguirre

Kuha ni Rod Valenzuela

             Sadyang nakapanghihinayang ang pagkawala ni Mayor Juancho Aguirre ng JGA Gamefarm dahil isa siya sa mga itinuturing na haligi sa industriya ng sabong sa Pilipinas. Magkaganun man ang kanyang iniwang alaala sa lahat ng mga taong nakakakilala sa kanya ay mananatiling buhay.

Nagsisilbi niyang pamana ang kanyang mga manok na Grey at Lemon Guapo kung saan siya nakilala. Ang mga manok niyang ito ay nakakalat na at patuloy na pinapalahi ng mga breeder sa buong bansa. Ayon na rin sa mga nakapagpalahi ng mga manok na galing kay Mayor Juancho ay magagaling ang mga ito. Ilan lang sa nagtataglay ng kanyang mga manok ay ang Sola Brothers na naging Candelaria champion pa noong 2013.

Mapalad kami at nakapasyal na kami sa farm ni Mayor Juancho. Talagang napakabait niyang tao dahil siya pa mismo ang sumundo sa amin mula sa hotel na aming tinuluyan. Napakasimple at napakagaan niyang kausap. Hindi mo mararamdaman na ang kaharap mo ay isang napakalaking tao. Bukod ba naman sa pagiging dating alkalde ng bayan ay sikat siya sa larangan ng sabong.

Napakaganda ng farm ni Mayor Juancho, napakalinis kasi nito at medyo malawak din. Matatagpuan ito sa Sitio Lunao, Brgy, Mailum, Bago City. Nakapuwesto ito sa bundok, may taas na 2,100 feet above sea level. Katabi ng JGA ang farm ni Boy Jimenez at malapit lang din sa kanya ang Valentina Killer Greys na pagmamay-ari nang magkapatid na sina Melque at Chito Benedicto.

Juancho Grey (Kuha ni Rod Valenzuela)
Nakabibilib ang prinsipyo ni Mayor Juancho sa pagmamanok. Hindi niya kasi ipinagdadamot ang kanyang mga nalalaman. Ilan lang sa mga naibahagi niya sa amin na kahit paghaluin mo ang dalawang bloodline na magaling ay ‘di pa rin garantisado na magaling din ang lalabas. Naniniwala siyang may halong suwerte ang pagbi-breed ng manok. Hindi mo raw kasi matitiyak kung maganda ang kalalabasan ng dalawang genes. Mayroon at mayroong lalabas sa mga supling nila na alanganin.

Isa pa, hindi porke’t isa lang ang pinanggalingan ng mga manok ay magiging magaling na lahat. Inihalimbawa pa niya ito sa tao, iisa lang ang nanay at tatay nina Bobby at Manny Pacquiao. Pareho silang nagbu-boksing, pero bakit si Manny lang ang sumikat dahil sa angkin nitong husay?

Naniniwala rin siya na kapag nagbi-breed ka, hindi palaging maganda ang nagiging resulta. May taon na maayos at may taon na ‘di maayos ang kinalalabasan. Kumbaga, weather-weather lang. Kaya’t ipinapayo niya na kapag ‘di maganda ang naging resulta nang ginawa mong pag-i-eksperimento, makabubuting bumalik ka na lang sa dati mong ginagawa dahil subok mo na ito.

Binigyang diin ni Mayor Juancho ang tungkol sa pagkukundisyon. Marami kasing nasisira rito. Kahit gaano pa raw kagaling ang isang manok, kapag ‘di maganda ang ginawang pagkukundisyon asahan na ‘di magiging maganda ang ipapakita nito sa ruweda. Pero kapag magaling at maganda ang pagkukundisyon mo ay may tsansa ka na manalo.

Talagang mahal na mahal ni Mayor Juancho ang isport na sabong. Kasi nang tanungin siya kung ano ang maipapayo niya sa mga gustong pasukin ang pagmamanok, una niya sinabi na kailangan ay mahalin mo ang mga manok mo. Ang ginagawa kasi ng iba, gastos agad o negosyo ang iniisip. Halatado tuloy na pera lang ang habol nila kaya gusto nilang pasukin ang pagsasabong. Kapag ganito raw ang mentalidad ay walang mangyayari. Ma-recover lang nila ang ginagastos nila, dapat ay makuntento na muna sila. Gaya niya, nang magsimula siya sa larangan ng sabong ay wala rin naman siyang gaanong alam. Laban lang siya nang laban noon hanggang sa nagkapangalan nga siya sa industriya. Ibig sabihin, ang mga buyer ay kusa nang dadating basta pagbutihin mo lang ang iyong ginagawa.

Oo, wala na nga si Mayor Juancho, pero naipasa na naman niya ang kanyang farm sa dalawa niyang mga anak na sina Jboy at Irvin Aguirre. Isa pa and’yan pa rin naman ang mga pinagkakatiwalaan at mahuhusay niyang mga tauhan sa farm na sina Peryong at Iyong. Tiyak na kung anuman ang nasimulan niya sa JGA ay magpapatuloy lang ito. Para na rin siyang buhay sa katauhan ng kanyang mga anak.


Loading...

Recent Posts