Saturday, September 16, 2017

Mga Celebrity na Sabungero


Hindi lamang mga ordinaryong mamamayan ang mahilig sa sabong kundi pati na rin ang ilang mga celebrity. Sino ba naman ang ‘di maeenganyo sa ganda ng sabong. Eh, talaga namang ibang klase ng pakiramdam ang ibinibigay nito sa mga sabungero.

Sinu-sino nga ba ang mga celebrity na sabungero? Kasama sana sa listahan ang pambansang kamao at ngayon ay isa ng senador na si Manny Pacquiao. Pero ‘itinigil na niya ang kanyang pagmamanok matapos na magpalit ng relihiyon. Pero noong nagsasabong pa ito ay napakalakas nitong pumusta na umaabot sa milyun-milyong piso. Nakita na namin siya dalawang beses, isa sa San Juan Coliseum at ang isa ay Ynares Sports Complex. Ang pinakamababa niyang pusta na aming narinig ay umabot ng 4 million at ang pinamamalaki naman ay 11 million. Kaya lang ay lagi siyang talo nang amin siyang napanood. May mga nagsasabi na isa rin daw ito sa mga dahilan kung bakit itinigil niya ang pagsasabong.

Siguro naman ay alam n’yo na pati ang mang-aawit na si Marco Sison na nagpasikat ng 'My Love Will See You Through' at ng 'Si Aida, si Lorna o si Fe' ay isa ring sabungero. Minsan ay namamataan siyang kasa-kasama ng ilang mga kilalang personalidad sa sabong kagaya nina Manny Berbano, Rolando Luzong at iba pa. Naiimbitahan pa nga siyang kumanta kapag mayroong event para sa sabong, mapa-gamefowl expo man o pagtitipon ng grupo ng mga sabungero.

Maging ang actor-director na si Al Tantay ay isa ring sabungero. Mayroon itong farm sa Antipolo. ‘Di lang kami sigurado kung hanggang ngayon ay nakatayo pa rin ang farm niya sa nasabing lugar. Maging ang komedyanteng si Bentong ay isa ring sabungero. Nakuhanan pa nga siya dati ng video na nagsasayaw siya dahil sa katuwaan nang manalo ang kanyang manok. 

Siyempre, sino ba naman ang ‘di nakakaalam sa pagiging sabungero ni Ramon Revilla Sr., na dating artista at pulitiko. Aba’y napakaaktibo niya sa sabong noong panahon pa ng kalakasan ng kanyang katawan. Ang image niya ay maihahalintulad sa namayapang nang si Speaker Ramon Mitra na kilala rin bilang isang sabungero. 

Alam n’yo ba na minsan nang nagpasabong ang mga artistang sina Philip Salvador noong ito pa ay presidente ng Actors Guild of the Philippines kasama ang ilan pang kapwa niya artista at mga kaibigan na sina Efren Reyes, Rez Cortes at iba pa. Ang kanilang pasabong ay isinagawa nila sa Pasig Square Garden noong 2013. Layunin kasi nilang makalikom ng pondo para sa mga miembro nila na nangangailangan. Bagama’t hindi sila mga nagmamanok, batid nila ang kahalagahan ng sabong. Maaari itong maging daan para makatulong sa kapwa.

Hindi lamang sa mga artista mayroong nagsasabong kundi pati na rin sa mundo ng basketball. Mapa-datihan mang manlalaro o aktibo pa rin sa PBA. Nand’yan sina Felix Trebol (kapatid ng sikat na breeder na si Tony Trebol), Pido Jarencio at iba. Total ay kagaya rin naman ng basketball ang sabong, bukod sa punung-puno ng excitement, kailangan din ng team work para magtagumpay.

‘Yan lamang ang patunay na  napakagandang sport ng sabong dahil kahit mga celebrity ay nahihilig dito. Kapag nasa sabungan sila ay nakakabungguang balikat mo lamang sila. Anupa’t tinawag na great equalizer ang sabong dahil kahit sino ay puwede itong ma-enjoy. Mapa-ordinaryong tao man o celebrity ay nagsasalo sa saya na hatid sabong!



Loading...

Recent Posts