Friday, September 29, 2017

Ano'ng Pinapanood Mo na Sabong Show sa TV?


Malaki ang naitutulong ng mga palabas sa telebisyon tungkol sa sabong para sa paglago ng industriya ng pagmamanok sa bansa. Dahil maraming mga impormasyon ang nakukuha mula sa mga gamefowl breeder na itinatampok sa kani-kanilang palabas. At siyempre pa, malaking tulong din ang ibibinigay ng segment ng mga beterenaryo na nagbibigay ng tips kung paano maiiwasan o gamutin ang sakit ng ating manok-panabong.

Ang programang Tukaan ang nagpasimula nang lahat ng ito na inumpisahan nang nasirang si Emoy Gorgonia at ipinagpatuloy ng kanyang kabiyak na si Mayet Gorgonia. Sa ngayon, ito ay pinapatakbo ng PitGames Media Inc., sa pamumuno ni Emmanuel ‘Manny’ Berbano na isa ring host sa nasabing programa.

Sa paglipas ng panahon ay dumami na ang sabong TV shows. Marahil ay dahil na rin sa dumarami ang mga nahihilig sa pagmamanok o sabong. Nariyan ang Sabong TV ng Visivo Productions Incorporated, Bakbakan Na! nina Joey Sy at Eduardo Ochoa, Sabong Nation ng Thunderbird, Chicken Talk ni Ka Lando Luzong, Llamadista TV, Sagupaan at Tahor TV. Isama pa natin ang Salpukan 360 ni Jay Monterona na sa cable lumalabas. Mga sabong magazine shows pa lang ang mga ito. Hindi pa kasama ang mga programa na labanan ang ipinapalabas. Sa dami ng mga tumatangkilik sa sabong ay puwede nang magtayo ng buong channel para rito!

Ang sabi ng isa, sila raw ang number 1, pero kapag ang isa naman ang tatanungin ay sila raw ang mas angat base sa survey. Bukod sa survey, ano ba ang batayan para masabing maraming nanunood sa isang programa? Siyempre, isa na riyan kung gaano na ito katagal. ‘Di magtatagal ang isang programa kung walang mga sponsors na sumumporta. Siyempre pa, ang kita ng kumpanya o ang may hawak ng programa. Hindi nga lang nila ito ilalabas sa publiko dahil confidential na ang ganitong usapin. Hindi katulad ng higanteng networks gaya ng ABS-CBN at GMA 7 na sinasabi nila ang kanilang earnings.

Walang pagtatalo, lahat naman nang nasabing mga programa ay maganda dahil iniaangat nito ang industriya ng sabong. Nais nilang ipakita na ‘di lang ito basta-basta. Isa itong lehitimong industriya bagama’t ang tingin ng iba sa sabong ay sugal lang o isang kalupitan sa hayop. Pero kung ikaw mismo ang tatanungin ano ba ang pinapanood mo sa mga ito at bakit mo ito nagustuhan? Sino ang mas angat sa kanila kung kabuuan ng programa ang pag-uusapan? Pinapanood mo ba ito, hindi lang dahil sa napupulot mong impormasyon o baka mas idol mo ang host na si ganito o si ganyan? Baka mas naaaliw ka sa chicks na back up ng isang segment host? Pwede ring dahil may regular segment ang idol mo na breeder.

Tayo naman ay sumasaludo sa lahat ng mga bumubuo ng kanilang programa lalo na’t ‘di ito madaling gawin dahil kailangan dito nang matinding effort. Hindi imposible na may mga susulpot pang mga bagong programa ng sabong sa telebisyon. Maganda ito para maraming pagpilian ang ating mga kasabong. Puwede ring panoorin na nating lahat para masaya!


Loading...

Recent Posts