Nakakita ka na ba ng
manok na may balbas? Mayroon nito ang Makuri Makuru @ King Lion Gamefarm na
nakabase sa Rosario, Batangas. Huwag pagtaasan ng kilay ang ganitong klase ng
manok dahil kahit mabalahibo o pangit mang tingnan ay may napatunayan na ang lahi nito.
Ayon kay Ariel Febres na
handler ng nang nasabing farm, mula nang dumating si Balbas ay ganito na ang
kanilang ipinangalan sa kanya. Mayroon itong kapatid at ganun din ang ibinansag
nila rito. Pero minsan ay tinatawag din nila itong Mitra alinsunod sa
pangalangan nang nasirang si Speaker Ramon Mitra na isang sikat na sabungero
noong siya ay nabubuhay pa. Puti nga lang ang balbas ni Mitra samantalang sa manok nila ay itim.
Galing diumano si
Balbas sa winning line na pamilya ng mga manok. Ang nanay nito ay Mel Sims
dahil itim ang paa habang ang tatay naman ay ‘di nito matandaan kung ano ang
linyada. Sa palagay ni Ariel kaya nagkaroon ng balbas ang nasabing manok,
maaaring galing ito sa oriental chicken na ipinares sa Mel Sims.
Minsan na nilang
nasubukan ang kapatid ni Balbas na kapareho niya ang hitsura. Nanalo ito sa 4-cock
derby sa kanilang bayan kung saan ay mga bigtime ang kanilang nakalaban.
Nabalda nga lang ang kapatid ni Balbas at naipamigay na nila ito sa kaibigan ng
kanyang amo.
May balak silang
i-cross si Balbas sa mga inahin na Sweater para alamin kung winning line rin
ang mga anak na ilalabas.
Kung may nais ipaabot na mensahe sa Makuri Makuru @ King Lion Gamefarm, maaaring kontakin ang numerong 0915-577-9379.