Si Puloy Aquino habang nasa FIESTAG (Kuha ni Rod Valenzuela) |
Ang Davao sa
kasulukuyan ay kinikilala sa buong Pilipinas dahil ito ang nagsisilbing tahanan
ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na dating alkalde roon. Pero sa mga
magmamanok, kilala rin ang Davao dahil tahanan ito ng mga tigasin at malalaking
breeder. Dito rin matatagpuan ang PZD-JPY
Gamefarm na pagmamay-ari nang magkakaibigan na sina Vice Mayor Paolo Duterte,
John Patrick Yao at Puloy Aquino.
Nakapanayam ng Sabong
Ngayon ang breeder na si Puloy. Ayon sa kanya, taong 2000 pa silang tatlo
nagkasama sa pagmamanok. ‘Yun nga lang ay naging on and off ang kanilang
pagbi-breed. Pagkatapos ay may sampung taon din siya na namalagi sa Amerika. Sa
ngayon ay may apat na taon na rin mula nang magbalik siya sa Pilipinas.
Wala nang balak pang
bumalik sa Amerika si Puloy. Wala naman daw kasing sabong doon. Noong nasa
Amerika siya ay naninibago siya at na-homesick sa manok. Isa na rin ito sa mga
dahilan kung bakit siya nagpasya na bumalik sa bansa natin.
Ang PZD-JPY Gamefarm ay
matatagpuan sa Catigan, Toril, Davao City. May kabuuang sukat ito na 20 ektarya.
Pero nang magsimula ang farm ay nasa 5 ektarya lang ito. Kada-breeding season
ay nakakapagprodyus sila ng 2,500 stags.
Ang farm nina Puloy ay
binubuo ng maraming linyada. Kelso ang kanilang pinaka-main bloodline. Mayroon
din silang Kelso, Sweater, Albany, Roundhead, Flarry Eye Grey at iba pa. Ayon
sa kanya, ang Kelso ay magandang i-cross sa Hatch at saka sa Sweater. “Yung Kelso namin malipad ‘yun at maganda
mag-cut. Kapag inihahalo namin sa Hatch ay nagkakaroon ng power. Kapag hinaluan
naman ng Albany ay nagiging brainy,” paliwanag niya.
Si Puloy ang
nagsisilbing tagapamahala at main breeder sa PZD-JPY Gamefarm. Si Vice Mayor
Paolo naman ang may-ari ng lupa. Pagkatapos ay silang dalawa na ni John Patrick
ang bahala sa lahat ng gastusin sa farm kasama na ang pansuweldo sa mga tao.
Bilang breeder, kapag
namimili ng materyales si Puloy, ang una niyang tinitingnan ay kung malusog ang
parent stock. Saka dapat maganda ang body conformation o balansyado ito. Sabi
niya, “Dapat pula ‘yung mata. Kahit ‘di
gaanong katangkaran basta alam ko na puro siya ok sa akin ‘yun. Kapag nai-breed
ko na siya sa isang line, pinipili ko na ang mga nailabas. Itinatabi ko ‘yung
mabababa. ‘Yung matatangkad ‘yun ang ginagamit ko”.
Kapag nagbi-breed si
Puloy ay hanggang two-cross lang ang kanyang ginagawa. Kapag three way cross na
raw kasi ay iba-iba na ang characteristic nang magkakapatid. Kapag pinu-point
nila ay nahihirapan sila dahil iba-iba nga ang kanilang ugali. “Kapag two-way kasi uniform ang lumalabas.
Ang characteristic nila magkalapit
lang,” paliwanag niya.
Nasabi ni Puloy na talagang
matindi na ang labanan sa Davao. Nagkalat na raw kasi ang mga manok dito ni
Beboy Uy. Maging sila ay nakakuha rin ng manok ni Bebot na Claret.
Kasapi sina Puloy ng
Mindanao Gamefowl Breeders Association. Bukod sa pagsali sa local association,
sumasali rin sila sa sa Araw ng Davao pati na rin sa A-Cup kung saan mga
Sept-Oct. born ang inilalaban dito. Lumalaban din sila sa Maynila, sa NCA, UFCC
at maging sa World Slasher Cup. Isa rin sila sa mga nangangarap na mag-champion
sa WSC. “Siguro lahat naman gustong
mag-champion sa WSC. Pero masarap din sigurong mag-champion sa NCA at UFCC,”
nangingiting sabi niya.
Kapag may laban sila sa
Maynila ay ang tao na nila na si Nino Yee ang bahalang magkundisyon ng kanilang
manok. Kapag malaking event gaya ng WSC ay sinisiguro nila na makakapunta
silang dalawa ni John Patrick.
Kung record ang
tatanungin ay magaganda ang kanilang nagiging score sa mga laban na kanilang
nasasalihan. Nag-champion na sila sa mga 3-4 stags sa Davao at madalas mapasali
sa mga nag-iinsurance. Noong 2016, sa WSC-1 ay nakakuha sila ng 5 ½ points.
Pagkatapos ng WSC-2 nang taong din ‘yun ay nagkampeon si Magno Lim kung saan
ang ilan sa kanilang mga manok ay ginamit. Ang bloodline ng mga ito ay Kelso
Sweater at Kelso Hatch.
Nang tanungin kung ano ang reaksyon nina Puloy
na maluluklok sa pinakamataas na posisyon ng gobyerno ang dating alkalde ng
Davao, sinabi niya na ‘di nila ito sukat akalain. Dahil dito ay lalo raw
nakilala ang kanilang farm dahil kay Vice Mayor Paolo na anak nga ng
Presidente. Inilarawan niya ito na isang matulungin at napaka-busy na tao dahil
laging tutok sa trabaho. Aniya, “Ang
partner namin na si Vice Mayor Paolo, ‘di masyadong nagpupunta ng sabungan ‘yun.
Kapag gusto niya lang tumaya, sumasama lang siya ng lima o ‘di-kaya’y sampung
libo. Ganun lang siya”.
Kung napapabalita mang
malakas ang pustahan sa Davao, hindi raw kasama ang grupo nina Puloy. Kung mayroon mang malakas
pumusta ito ay ang kanilang mga financier at hindi sila. Tama na sa kanila ang
minimum. Mas nakatutok kasi sila sa pagku-commercial breeding. Mas inuunga pa
nga raw nila ang kanilang mga buyer dahil kung ano ang natitira sa kanila ay ‘yun
ang inilalaban nila.
Si Puloy at ang ilang kasamahan sa PZD-JPY Gamefarm |
Walang ibang pinaplano
sina Puloy, ang gusto lang nila ay ma-improve ang kanilang bloodline kada taon.
Aniya, “Gusto naming makapagparating ng
bagong materyales, pang-improve sa mga luma naming bloodlines. Gusto rin naming
magsasali pa sa mga expo para makapag-share ng manok sa mga kapwa natin breeder”.
Sa mga gusto namang mag-breed,
sinabi ni Puloy na ‘di na sila mahihirapan dahil bukas at napakalaki na ng
industriya ng sabong. Kumbaga ay marami nang puwedeng mapagkuhanang breeder. “Basta siguruhin lang nila kung ano ang
gusto nilang bloodline tapos doon sila kumuha sa mga honest na breeder,” paalala
niya.
Maaaring kontakin si Puloy sa numerong 0922-836-7637
o ‘di kaya’y hanapin sa Facebook ang Pzd-jpy Gamefarm.