Kuha ni Rod Valenzuela |
“Kung maayos kang
magmanok kusa ka namang lalapitan ng mga tao. Puwede silang mag-finance sa iyo
sa mga derby.” Ito ang tinuran ni Kennedy Tan ng Sunray Victoria Gamefarm nang
kapanayamin siya ng Sabong Ngayon.
Si Kennedy kasi ang
tipo ng breeder na mas nakatuon ang pansin sa pagbi-breed kaysa pagsasabong.
Bibilib ka sa kanya dahil lahat nang sinasalihan niyang mga palaban ay may
nagpi-finance sa kanya. Kaya’t ‘di na niya kailangan pang bumunot ng pera sa
kanyang bulsa.
Ayon sa kanya, ang
hatian nila ng financier kapag nag-champion ay 60-40. Sa kanya ang 60% percent
habang sa financier naman ang 40%. Kapag hindi nag-champion ay per win ang
kanilang usapan tapos may konting allowance sa panggastos sa derby. Wala naman
daw siyang nagiging problema sa pagpapa-finance bagkus ay malaking tulong nga
ito sa kanya.
Bakit nga ba tinawag na
Sunray Victoria ang farm ni Kennedy? Wala namang malalim na kuwento sa likod ng
pangalang ito. Parang sikat lang ng araw saka nagamit na niya itong entry name
sa sabong kaya’t ito na rin ang naisipan niyang ipangalan nang magtayo siya ng
farm sa Antipolo.
Dati ay magka-partner
sila ng kanyang kapatid sa farm sa Bulacan. Naisipan niya lang bumukod para
magawa niya ang kung ano gusto niya. Ang farm niya sa Antipolo ay may sukat na
halos dalawang ektarya. Kada-breeding season ay nakakapagprodyus siya ng 250
stags. Napili niyang magmanok sa Antipolo, maganda kasi ang klima rito dahil sa
mataas ang lugar. Para ka na rin daw nasa Tagaytay. Napansin niya na maganda
ang hipo at balahibo ng kanyang mga manok.
Sa ngayon, si Kennedy
ay 55-taong gulang. Bata pa lang siya ng kanyang kapatid ay nakahiligan na nilang
magmanok. Ang manok daw noon kahit mestizo basta guwapo ay masisiyahan ka na.
Pero ngayon, iba na ang paluan. Kung noon ay simple lang lumaro ang mga manok,
ngayon naman daw ay talagang matitindi na. Minsan kasi, isa o dalawang buckle
lang ay may resulta na agad.
Si Kennedy kasama ang mga tauhan sa FIESTAG (Kuha ni Rod Valenzuela) |
Dalawa ang nagsisilbing
pundasyon na bloodline sa farm ni Kennedy. Ito ay ang Mel Sims Black saka 5k
Sweater line na parehong nakuha niya kay Atty. Jun Mendoza. Naging kaibigan kasi
ito ng kanyang kapatid. Ayon sa kanya, “Yung Mel Sims malakas sa taas pati na
rin sa baba. Saka dun na kami nakilala, eh”. Kaya naman siya kumuha nang
Sweater ay nauso noon ang good looking chicken.
Katulad ng kanilang Mel Sims ay mahusay din itong pumalo.
Ang Mel Sims ay
inahahalo ni Kennedy sa Hatch. Samantalang ang Sweater ay kadalasang inihahalo
niya sa Kelso, Roundhead at Yellow Leggedd Hatch. “Minsan na rin naming inihalo
ang Mel Sims sa Sweater kaya lang nagiging dirty feet. Gumaguwapo naman ang Mel
Sims kaya lang iba pa rin ang laro ng pure na Mel Sims,” kuwento niya.
Kapag pumipili ng
panlaban si Kennedy, ang una niyang tinitingnan ay ang balikat ng manok. Tiningnan
niya ang bone structure nito o kung balansyado ang katawan. Kung
pang-materyales naman, inaalam niya kung winning line ba ang pinanggalingan ng
manok para mas lamang ang panalo. Kagaya rin nang pagpili ng panlaban,
tinitingnan niya rin kung maganda ang hipo at balansyado ang katawan.
Nabanggit ni Kennedy na
itinuturing nilang mentor ng kanyang kapatid si Jesse Cabalza. Maaga kasi silang
nawalan ng tatay at ito na ang kanilang naging tatay-tatayan. “Si Manong Jesse
na rin ang nagturo sa amin na magmanok. Ilan sa natutunan namin sa kanya ay
kung paano pumili ng manok, ‘yung hipo at pagtingin sa characteristics ng
manok. Ang ‘di lang namin natutunan sa kanya ay ang pagtatari. Magaling kasing
magtari si Manong,” pagbabalik-tanaw niya.
Miyembro si kennedy ng
RGBA, Digmaan, Barkadahan at ng BAKBAKAN. Naglalaban siya sa Pasay at sa San
Juan. Ayaw niya raw maglaban sa kanilang lugar. Naranasan na rin kasi nila ng
kanyang kapatid na manakawan ng manok. Noong magkasosyo pa sila ng kanyang
kapatid sa farm ay madalas silang maglaban sa Bulacan. Nakilala ang manok nila
at nalaman kung saan ang kanilang farm. Ang masama nga, pati magnanakaw dumayo
sa farm nila!
Kung record lang ang
pag-uusapan ay ‘di pahuhuli si Kennedy. Isa sa ‘di malilimutang championship na
nakuha niya ay noong manalo siya siya 6-Stag Derby ng NCA noong 2015 kung saan
ay naging co-champion niya si Patrick Antonio. Minsan na rin siyang
nag-champion sa 4-cock derby sa Del Monte Cockpit. “Talagang iba ang
pakiramdam, ‘di ako makatulog nun,” natatawang sabi niya.
Bilang
commercial breeder, si Kennedy ay ‘di nagtatago ng bloodline sa mga kostumer. Kung
ano ang nakikita mo na bloodline ay ‘yun din ang ibinabahagi niya sa kanila.
Wala naman siyang balak na magpalaki pa ng production. “Kung ano ‘yung
production ko ngayon, imi-maintain ko lang. Mahirap din kasi kapag sobrang
dami, ang mahal na ng patuka ngayon,” nakangingiting sabi niya.
Sa mga gustong pasukin
ang pagmamanok, sinabi ni Kennedy na kailangang tutukan at paglaan ito ng
panahon. Mahihirapan ka kung aasa lang sa mga tauhan. Kumbaga, dapat ay maging
hands on breeder ka. “Huwag ding sasabayan nang pagsusugal ng malaki. Siyempre,
pamilya muna ang unahin bago ang sugal. Kung magsusugal ay ‘yung tama lang. ‘Di
‘yung mangungutang ka pa para lang magsugal. ‘Di maganda ‘yun,” paalala niya.
Maaaring kontakin si
Kennedy sa numerong 0917-323-8007.