Kuha ni Rod Valenzuela |
Kung may mga katanungan
ka sa pagmamanok, patungkol man sa mga sakit-sakit o may kinalaman sa negosyo,
kailangan mo itong ikunsulta sa eksperto para ‘di na maligaw pa. Isa sa mga
sinasangguni ng mga may-ari ng farm ay ang consultant na si Doc Joel ng Sta
Rosa, Nueva Ecija.
Si Doc Joel ay nagtapos
ng Veterinary Medicine kaya’t ‘di na mahirap pa sa kanya ang pag-aalaga ng
manok. Katunayan, naging bentahe ito sa kanya nang makapagtayo siya ng sariling
manukan dahil nagagamit niya ang kanyang mga natutunan mula sa eskuwelahan
pagkatapos ay samahan pa ng karanasan.
Sa kasaluyan si Doc
Joel ay mayroong sariling veterinary clinic at nagsisilbi rin siyang consultant
sa ilang mga poultry, livestock at gamefowl farm.
Ayon sa kanya, dalawang
klase ang consultancy. Ito ay ay ang tinatawag na technical consultancy at business
consultancy. Pareho niya itong ginagawa. “Sa
technical consultancy, ikukunsulta sa iyo kung ano ang magandang gawin sa
pagggagamot at pagbabakuna ng manok. Sa business consultancy naman, siyempre
ang pag-uusapan dito ay tungkol sa profitability ng farm. ‘Yung business aspect
mismo ng production,” paliwanag niya.
Sa mga sakit ng manok,
karaniwan diumanong ikinukunsulta sa kanya ay ang sipon at halak ng manok lalo
na kapag tag-ulan. Ipinapayo ni Doc Joel na nasa proper management lang ‘yan.
Panatilihin din na laging malinis at tuyo ang kanilang lugar. Kailangan ay ‘di
masyadong binabangga ng malalakas na hangin ng manok. Siyempre, kailangan ding
bigyan ng tamang nutrisyon ang manok.
Pagdating naman sa
business side, lagi niyang ipinapaalala sa kanyang mga kliyente na huwag
masyadong magsugal. Magpokus lang sa iilang laban at kapag sasali sa derby ay
mga dekalidad lang na manok ang ilaban.
Saan nga ba nakuha ni
Doc Joel ang kanyang hilig sa manok? Nasa elementarya pa lang daw siya nang
maipluwensiyahan siya ng kanyang mga kaibigan na magmanok. Aniya, “Mahilig
talaga ako sa mga hayop tapos may mga kaibigan ako na mahilig sa manok. Noong
nasa haiskul na ako nagbi-breed na ako pero konti lang. Nang makatapos ako ng
college doon na ako nagseryosong mag-breed”.
Ang farm ni Doc Joel ay
tinatawag na Bushfire Gamefarm na naitayo noong taong 2004. Pinangalan niya itong
ganito dahil sa dati nilang farm ay taun-taon na nasusunog sa kanilang likuran.
Nangyayari ito tuwing summer. Marami kasing talahib at maliliit na puno roon.
Ang farm ni Doc Joel ay
may sukat na 1.5 at 1.8 hectares. Nakakapg-prodyus siya ng 300 stag kada-breeding
season. Sa hinaharap ay plano niyang magmanok pa sa mas malawak na lugar para
makapagprodyus siya ng 500 hanggang 800 stags.
Ang Yellow Legged
Hatch, Gold at Mel Sims ang nagsisilbing pinakapundasyon ng farm ni Doc Joel. Pinaikut-ikot
lang niya ang nasabing mga bloodline. Iniingatan niya ang mga ito dahil
nagpapanalo sa kanya. Ayon kay Doc Joel, “Yung
Yellow Legged Hatch ko, medium breaker lang siya, pero magaling tumiyempo ng
palo saka may power at gameness.” Ang kanya namang Gold ay angat sarado,
stylish, magaling ding umilag at matiyempo kapag pumalo. Habang ang kanyang
Mels Sims naman ay may medyo angat at mayroon ding power at gameness.
Bukod sa nasabing mga
bloodline, meron din siyang Kelso, Boston Roundhead, konting Dom at Whites.
Si Doc Joel ay kasalukuyang
kasapi ng Gamefowl Breeders of Nueva Ecija. Nakapokus lang siya sa pagsali sa
mga pa-derby ng kanilang local association. Paminsan-minsan ay nakakapaglaban
din siya sa Manila. Mas pinagtutuunan niya nga lang ang pagku-commercial
breeding kaysa paglalaban. Nasa breeding daw talaga ang kanyang passion. “Kung maglaban man ako hanggang minimum lang
ang pusta ko. Pinakamalaki na sa akin ang 11 thousand,” sabi pa niya.
Ipinapayo ni Doc Joel
sa mga papasok pa lang sa pagmamanok na mag-alaga lang ng kaya, huwag masyadong
marami. Pumili ng magandang bloodlines. Hangga’t maaari, magpatulong din sa
marunong na. Kumunsolta sa mga successful breeder. “Ang pagmamanok, passion
‘yan. Kung gugustuhin mo ay puwede rin na maging negosyo. Hindi ‘yan ganun
kababaw, bukod sa passion kailangan may pagmamahal ka rin sa mga alaga mong
manok,” pagtatapos niya.
Maaaring kontakin si
Doc Joel sa numerong 0939-927-3783