Thursday, August 17, 2017

Charlie Cruz: Kampeon at Simpleng Magmamanok


Kung mayroon mang kilalang breeder na gusto lang palaging maging simple, ito ay walang iba kundi si Charlie Cruz ng Candince Jean Gamefarm. Bilang isang breeder, naniniwala siya na ‘di na kailangan pang magpaliguy-ligoy pa. Mas simple, mas maganda. ‘Di na kailangan pa ng mabibigat o mabubulaklak na salita para magmukha kang magaling. Kumbaga, si Charlie ang tipo ng breeder na straight to the point.

Nagsimulang magkaroon ng interes sa manok si Charlie noong siya ay nasa elementarya pa lang. ito ay dahil na rin sa impluwensiya ng kanyang pinsan na si Erning. Binibigyan kasi siya nito ng sisiw na kanya namang aalagaan at kapag malaki na ay ilalaban ng pinsan niyang ito sa sabungan.

Noon pa man ay mahilig na siya sa hayop. Katunayan, nag-aalaga siya ng aso at sumasali pa siya sa mga dog show. Nag-aangkat pa siya ng aso sa ibang bansa. Naisip niya na gawin din ang ginagawa niya sa manok. Kaya’t nag-angkat din siya ng manok sa ibang bansa para maimprub ang kanyang breeding.

Minsan, may Hapon na umupa sa kanyang mga manok at inilalaban ang mga ito sa Mandaluyong Shaw. Nagpapanalo naman ang kanyang mga manok. Bukod sa Hapon ay inarkila rin ang kanyang mga manok ng amo ni Shio at inilalaban ang mga ito sa San Juan Coliseum. Sadyang masaya si Charlie dahil bukod sa upa ay mayroon pa siyang porsiyento kada panalo. Dahil sa madalas magpapanalo ang kanyang mga manok ay naging matunog ang kanyang pangalan.

Hindi lang basta isang breeder si Charlie, naging national sales manager din siya ng isang kumpanya na may kinalaman sa manok-panabong. Naging daan ito para makilala niya ang ilang mga sikat na breeder sa bansa. Maliban dito ay napasok din siya sa sabong media, ito ay nang minsang makasama niya ang nasira nang si Emoy Gorgonia para mag-voice over sa TV show nito na Sultada. Nang magkahiwalay ang dalawa, napunta naman siya sa Cock House para gumawa ng mga DVD. Hanggang sa maging TV host siya ng sabong show ng San Juan Coliseum na ipinapalabas sa cable.


Ang pinakamalaking break na itinuturing ni Charlie ay noong manalo siya sa International Candelaria Derby noong 2012 kung saan ay naging financier niya ang pamasong sabungera na si Osang dela Cruz. Masuwerte si Charlie ng taon din ‘yung dahil naging runner up din siya kasama si Tj Marquez sa San Juan International Derby.

Bukod sa sariling panalo, marami ring nakakakuha ng manok kay Charlie na nababalitaan niyang nagpapanalo. Patunay lang na magagaling talaga ang kanyang mga manok.

Sa ngayon ay abala pa rin si Charlie sa pag-aasikaso ng kanyang manukan na matatagpuan sa Brgy. Kutyo, Tanay, Rizal. Ang kanyang farm ay malapit lang sa Firebird Gamefarm ni Biboy Enriquez. Kung wala sa farm, abala siya sa paglibut-libot sa Pilipinas para magbahagi ng kaalaman sa mga pa-seminar ng LDI. Isa kasi siya sa mga endorser ng nasabing kumpanya. Siyempre pa, ‘di pa rin nawawala sa kanya  ang paghu-hosting. Isa siya sa mga host ng Agri TV. Bukod sa pagmamanok, siya rin ay nag-aalaga ng baka at kalabaw sa kanyang farm.


Ang bilin ni Charlie sa mga magmamanok, huwag gawing kumplikado ang pagmamanok. Gawin lang itong simple gaya nang ginagawa niya. Sabi nga sa komersiyal ng isang alak, gawin mong light. ‘Yan si Charlie Cruz, simple pero rock!

Panoorin ang sparring session sa Candice Jean:
Loading...

Recent Posts