Saturday, August 19, 2017

Roberto Seelin Jr.: Tagumpay ng 482 Gamefarm


Hindi lahat ng breeder ay nakapokus sa paglalaban dahil ang ilan sa kanila ay mas nakatuon ang pansin sa pagku-commercial breeding. Isa kasing magandang hanapbuhay ang pagmamanok basta’t alam mong tama ang ginagawa mo. ‘Di rin sukatan kung bago o matagal mo na itong ginagawa, ang importante ay marami ang nagtitiwala sa iyo. Gaya na lang ni Roberto Seelin Jr., 33-taong gulang na bagama’t may limang taon pa lang ang nakararaan nang pasukin niya ang pagku-commercial breeding ay naging matagumpay agad siya rito.

Bakit  sa dinami-dami ng sport ay sabong ang nagustuhan ni Roberto? Sa tingin niya kasi ito ay gentleman’s sport. Maliban dito ay maraming natutulungan ang sabong mula sa maliliit hanggang sa pinakamalalaking tao. “Saka ang sabong passion na nating mga Pilipino,” dagdag pa niya.

Bata pa lang si Roberto ay madalas na siyang isama ng kanyang tatay sa manukan nito. Apat silang magkakapatid at nag-iiisa lang siyang lalaki. Aniya, “Talagang ‘yun na ang hilig ng father ko, naipasa sa akin”. Naging madali na sa kanya nang magkaroon siya ng sariling farm dahil tumutulung-tulong na siya noon sa pag-aalaga ng mga manok ng kanyang ama.

Ang manukan ni Roberto ay tinatawag na 482 Gamefarm at matatagpuan ito sa Bustos, Bulacan. Mayroon itong dalawang ektarya at sa loob ng isang taon ay nakakapagprodyus siya ng mahigit sa limang daang stag. Lahat ng kanyang mga bloodline ay galing sa Escolin Brothers gaya ng Sweater, Boston Roundhead at Gilmore Hatch. Pinapaikot niya lang ang mga nasabing linyada. Two way hanggang three way crosses ang ginagawa niya. “Yung mga bloodline kasi na nakuha namin sa Escolin Brothers ay tested na nila. ‘Di na kami nanghuhula ng crossing. ‘Yun na rin ang iku-cross namin,” paliwanag niya.


Sweater Boston (Larawan mula sa 482 Gamefarm Fb page)
                       
Gilmore Hatch (Larawan mula sa 482 Gamefarm Fb page)
 
Ang Sweater diumano ng Escolin na Dink Fair kapag naihalo sa Boston ay nagiging high breaker at nagiging multiple shuffler. Mas nagiging matalino rin ito. Kapag Sweater-Gilmore naman ay magaling tumiyempo at ‘di marunong mag-aksaya ng palo.

Sa ngayon, miyembro si Roberto ng Bulacan Gamefowl Breeders Association at ng Luzon Gamefowl Breeders Association. Marami silang mga miyembro ng local association sa Bulacan kaya’t ang labanan ay ‘di rin basta-basta. Paminsan-minsan ay lumalaban din siya sa Metro Manila. ‘Yun nga lang ay mas naka-concentrate siya sa commercial breeding. Kung ano lang ang matirang mga manok sa kanya ay ‘yun lang ang nailalaban niya.

Masaya si Roberto at naidi-dispose naman niya ang kanyang mga pinapalahing manok. Kahit tira-tira na lang ang kanyang nailalaban ay maganda pa rin ang kanyang nagiging score sa mga pasabong na kanyang sinasalihan. Ilan lang sa tagumpay na nakuha niya ay noong maging solo champion siya sa 4 Stag Derby sa may Pasay, nanalo rin siya sa NTC 5 Stag Derby pati na rin sa UFFC 16th-Leg 6 Stag Derby noong 2016 at noong nag-champion sa 5 Cock Isabela ngayon lang taon na ito.
Ang mga manok na nakukuha kay Roberto ay inilalaban din sa mga big event. “Sina Atty. Amante Capuchino sumali sa big event sa Pasay gamit ang manok na nakuha sa amin. Sina Magno Lim, kumukuha rin ng stag sa amin,” kuwento niya.

Hindi lingid kay Roberto na sadyang napakatindi na ng kumpetisyon sa ngayon. Kaya’t dapat diumano ay bukas ang iyong isipan para makasabay sa improvement. Kailangan din na tuluy-tuloy ang pag-upgrade mo ng bloodline. “Thankful talaga kami sa Escolin Brothers dahil sinusuportahan nila kami at ‘di pinapabayaan lalo na sa breeding,” pahayag niya.

Bilang modernong sabungero, masasabi ni Roberto na isa siyang scientific breeder dahil gumagamit siya ng battery breeding, nag-i-incubate na ng sariling itlog. Kumbaga, sumasabay siya sa takbo ng panahon. Pero ‘di niya tinatawaran ang mas nakatatandang mga breeder dahil marami na silang karanasan sa pagmamanok na maaaring kapulutan ng kaalaman. Ang sa kanya lang, sa larangan ng sabong lahat ay pantay-pantay. Mapa-bata man o matanda, mapalalaki o babae lahat ay may puwang sa mundo ng sabong.

Wala namang ibang pinakakaasam si Roberto kundi ang tumagal pa sa industriya ng sabong.Hangga’t kaya niya ay magmamanok siya. Sa ngayon ay masaya siya sa mga bloodline na nakuha niya mula sa Escolin brothers. Kaya’t tuluy-tuloy lang niya itong ibi-breed. Aniya, “Sila talaga ‘yung mentor, sila ang tumutulong sa amin sa lahat. Lahat nang naibi-breed namin, lahat ng success na nakukuha namin sa kanila namin ibinabalik.

Sa mga magsisimula pa lang mag-breed, “Siguro ang pinakamaganda ay mag-start ng tama. Unang-una ‘yung bloodline. Pangalawa ‘yung feeds. Kailangan, mapalabas mo ang potensyal ng manok na mayroon ka”.

Maaaring kontakin si Roberto sa mga numerong 0917-524-2378 at  0998-547-6911.


Loading...

Recent Posts