Isa ka ba sa mga
nagtatanong kung paano lumago ang industriya ng sabong sa Pilipinas? Kagaya
nang nakikita mo ngayon na kahit saan ka pumunta ay may mga nagmamanok at
sabungan. Ang kasagutan ay malalaman natin mismo sa isa sa mga beteranong
breeder sa bansa na si Leandro ‘Biboy’ Enriquez. Malugod niyang ibinahagi ang
kanyang nalalaman hinggil sa ilang mga kaganapan noon sa sabong sa atin.
Ayon kay Biboy, noong
araw ay wala pang mga sabungan. Ginagawa lang ito sa mismong farm o sa
pribadong lugar. Junior derbies pa lang ito kung kanilang tawagin. Dati,
mayroon siyang farm sa Commonwealth. Mayroon din siyang mga katabing mayroong
farm. Para makapagsabong, kailangan ay may permit mula sa munisipyo. “May
gallery ako, may mga upuan, doon kami naglalaban,” kuwento pa ni Biboy.
Nakakalaban niya noon
sina Jesse Cabalza, Sen. Baham Mitra, Cong. Jose Aldeguer, Henry Tan at iba pang malalaking breeder.
Mayroon na rin daw naitayong asosasyon noong panahong ‘yun- ang United Cockers
Club. “Andyan na sina Cong. Peping Cojuanco, Esting Teopaco, Reyes Brothers at
kung sinu-sino pa. Doon na nag-umpisa ang labanan ng derbies hanggang sa
pumasok na sa sabungan”. Natatandaan pa ni Biboy na sa Roligon nag-umpisa ang
mga derby. Dati, tinatawag pa nga raw itong 7 Up dahil nakatayo ito malapit sa
factory nang nasabing brand ng softdrink. Pagkatapos ay unti-unti nang
nagkaroon ng mga sabungan sa Pilipinas.
Naikuwento rin ni Biboy
na totoo raw na ang mga taga-Bacolod ang nangingibabaw noon sa mga sabong.
Ipinaliwanag niya kung paano ito nangyari. Noong araw daw kasi ang numero unong
industriya ay ang pag-aasukal. Kaya’t sila ang pinakamayaman sa buong
Pilipinas. Maraming hacienderos sa Negros, mayaman ang kanilang mga magulang.
Pinag-aral sila sa pribado at magagandang eskuwelahan. Kumuha sila ng kursong
agriculture. “Pagbalik nila ng Bacolod,
wala namang masyadong ginagawa dahil naka-set up na ang plantation ng mga
magulang nila. Nagkaroon sila ng hobby sa pagmamanok. Dahil may pera at
matatalino alam nila na sa Amerika magagaling ang lahi ng manok,” kuwento niya.
Nabanggit ni Biboy na
si Don Carlos Montilla na isa sa mga taga-Bacolod ang unang nag-import ng mga
manok bandang dekada 50. ‘Di pa raw uso ang pagsasakay sa eroplano ng manok
noon, ibinabarko pa. Kaya’t halos 90 % ng
manok na ini-import ni Montilla ay namamatay. Pero ang naiwang 10% ay sadyang naiiba dahil matatapang. Game na
game ang mga ito. Kahit pa maunahan, kapag nakakapit ito sa mga manok natin ay
siguradong patay.
Hindi pa uso ang
pangalan ng bloodlines noon. Basta’t imported na manok, tinatawag itong Texas.
Ang mga breeder diumano sa Bacolod ay nag-imbita ng mga kilalang American
breeders para mag-seminar sa kanila kung paano magkundisyon. Ani Biboy,
“Pumupunta rin sila sa Amerika para matuto. Talagang pinag-aralan nila tapos
lahat nang mananabong doon bumibili sa Bacolod”. Pero masisikreto raw ang mga taga-Bacolod
kaya’t ang ginagawa ni Biboy ay nagsa-subscribe pa siya ng magazines gaya ng
Greet and Steel at Feathered Warriors para ‘di mapag-iwanan.
Sa mga breeder na
taga-Bacolod, si Paeng Araneta diumano ang sumikat nang husto dahil kay Duke
Hulsey. Inisponsoran si Duke ng tiyuhin ni Paeng na si Don Amado Araneta, ama
ni Jorge “Nene” Araneta nang minsang pumunta ito sa Pilipinas para magsabong.
Minsan din itong nanirahan sa farm ni Duke sa Amerika at maging kay Red
Richardson. Kung kaya’t talagang natuto sa pagbi-breed at pagkukundisyon si
Paeng.
Samantala, inisponsoran
naman ng Rivero Brothers ang pagpunta rito ni William Bill McRae, may manok na
Claret Hatch na may Democrats. “Ang tindi nang labanan nun. Dun talaga umusok
ang pagmamanok. Nakikita nila pilay na ay nananalo pa”, namamanghang kuwento ni
Biboy. Pagkatapos ay nagsimula naman ang International Candelaria Derby.
Kinaibigan ni Biboy si
Paeng at inimbitahan niya ito na mag-judge sa mga beauty contest. Naging
co-founder kasi noon si Biboy ng Mutya ng Pilipinas at Miss Asia Pacific.
Marami rin siyang mga kaalaman na natutunan mula kay Paeng. Tanong kasi siya
nang tanong dito.
Alam n’yo rin ba na may
kinalaman si Biboy sa pagsisimula nang prestihiyosong World Slasher Cup? Noong
1998 kasi ay ginusto ni Nene Araneta na magkaroon ng international derby sa
Araneta Coliseum. Aniya, “Gusto ni Nene na maging successful kaya inimbitahan
niya ako na maging co-promoter. Kami ni Jun Santiago, Boy Diaz, later on
pumasok si Mario villamor. Pabor din naman sa akin dahil ang business ng family
ko Sulu hotel, malapit sa araneta coliseum”.
Karamihan diumano ng
mga tanyag na Amerikanong breeders ay sa Sulu Hotel tumira. Dahil dito naging
kaibigan niya ang mga ito. Kapag nagdadatingan sila ay iniimbitahan niya ito sa
cocktail lounge ng kanilang hotel para doon mag-chicken talk. Samantalang ang
ilang mga taga-Luzon naman na nanunood ng WSC ay ay kinakausap ang mga
Amerikano kung hindi sa Araneta Colieum
ay sa Sulu Hotel. Umuorder ang mga ito ng mga manok mula sa kanila. Dahil dito,
unti-unting nakahabol ang mga taga-Luzon sa Negros.
Sa pananaw ni Biboy,
“Ngayon marami ng tv shows, marami nang natuto. Kumalat na ang bloodlines kaya
kahit backyard breeder hindi ka na nakasisiguro”. Noong araw diumano ay
pumupunta sila sa isang sabungan dahil alam nilang kayang-kaya nilang lumaban.
Doon sila manghaharang. Pero ngayon, wala nang ganito. Hindi mo raw masasabi na
pipitsugin ang kalaban dahil may mga lahi na talaga. Ang antas nang sabong
ngayon ay pataas nang pataas base na rin sa kanyang obserbasyon. Minsan daw may
mga nagtsa-champion sa mga international derbies kahit ‘di masyadong kilala.
Ito na rin ang isa sa mga dahilan kung bakit dumadami ang gustong magmanok.
Bagama’t palaki nang
palaki ang industriya ng sabong may paalala si Biboy. Aniya, “Ang negatibo lang
naman dito ay ang matuto kang magsugal. Walang yumaman sa sugal.” Sa kabila
nang pagiging isa sa mga big boys sa sabong, hinay-hinay lang siya kung
pumusta. Dahil ang alam niya kaya siya nagmamanok dahil nalilibang siya. Isa
pa, pampahaba ito ng buhay!