Sunday, July 30, 2017

Sabong, Kalupitan nga ba sa Hayop?

May mga indibiduwal o grupo partikular na ang animal right activists na nagsasabing ang sabong ay kalupitan sa hayop. Atin daw pinaglalaban ang mga manok nang walang pakundangan. Hindi nila matanggap na ito ay isang lehitimong isport dahil madugo raw. Kaya’t ipinagpapalagay nila na ang sabong ay laro ng mga barbaro. Maliban dito, para sa kanila ito lamang ay isang sugal o pag-aaksaya ng salapi.

Wala tayong magagawa kung negatibo man ang pananaw ng ibang tao sa sabong. Wala namang higit na makakaunawa kung ano ito kundi ang isang sabungero mismo. Totoo namang madugo ang sabong, pero ‘di nangangahulugan na bayolente ang mga sabungero. Sadyang kasama lang ito sa isport dahil mayroong armas ang mga manok. Ano ang gusto nilang paglabanin, mga tao? ‘Di ba’t mas brutal pa nga ang UFCC , boxing, wrestling at iba pang isport dahil mga tao na ang nagkakasakitan?

Ang mga manok-panabong ay likas na ang pagiging matapang. Hindi naman sila tinuruan na magalit at kalabanin ang isa’t isa. Pero kapag nagkalapit ay maggigirian agad sila. Ang ginawa lang naman ng mga sabungero ay pinalabas pa lalo ng ang kanilang pagiging mandirigma nang ito ay dalhin na nila sa ruweda. Kung natural na sa kanila ang pagiging matapang, mapipigil ba natin ito? Hindi naman pupuwede na i-cross sila nang i-cross sa native na manok hanggang sa mawala ang kanilang tapang.

Sadyang may mga nilalang na likas na ang pagiging matapang. Ang manok-panabong ay maihahalintulad sa isda na kung tawagina ay ‘Betta fish’. Kapag nagkakalapit sila ng kanilang kauri ay nag-aaway sila. Parang aso’t pusa kung tutuusin, pero ang pinagkaiba nila ay magkauri sila. Minsan, ang aso’t pusa ay nagkakasundo rin. Eh, ang manok-panabong habang panahong nang magkagalit.

Kung kalupitan sa hayop ang sabong, eh ‘di wala rin sanang kinakatay na manok. Ilag sana ang mga tao sa pagkain ng fried chicken. Sasabihin ng mga kontra na magkaiba naman ang manok-panabong sa kakataying manok.  Pero ano ang pinagkaiba kung pareho lang naman silang hayop? Ang mga manok na kakatayin ay namamatay nang walang kalaban-laban. Samantalang ang manok-panabong ay nabibigyan ng pagkakataon na ipaglaban ang kanilang sarili. Bago sila ilaban ay talagang alagang-alaga sila mula sa pagkain, gamot at vitamins. Kapag nailaban at nanalo ay ginagawa pang materyales sa pagpapalahi. Nabibigyan pa ng pagkakatao na humaba pa ang kanilang buhay.

           Isa pa, ang sabong ay isa ng kulutura o tradisyon sa ating mga Pinoy. Kahit saan ka magpunta ay ‘di nawawala ang sabungan. Hindi ito basta-basta maipagbabawal dahil suportado ito ng mayorya. Kaya’t tigilan na sana ng mga animal rights activist ang kanilang hangarin na maipatigil ang sabong sa Pilipinas gaya nang kanilang ginawa sa Amerika. Bakit ang bullfighting ay ‘di nila maipatigil sa Mexico? Nakaukit na kasi ito nang malalim sa kultura nang nasabing bansa. Ganito rin naman ang sabong na minamahal at patuloy na pinuprotektahan ng nakararami.

            Kung panunoorin, medyo may pagka-malupit nga ang sabong. Pero kung titingnan natin sa kabuuan ay napakabuti ng sabong. Masasabi ba nating malupit ang sabong, kung maraming natutulungan ang industriyang ito sa pamamagitan nang pagbibigay ng maraming trabaho sa mamamayan? Malupit ba ang sabong kung pati gobyerno ay nakakakuha ng buwis mula sa mga negosyong may kinalaman rito? O baka naman malupit lang talagang mag-isip ang mga kumukontra sa sabong dahil pilit nilang pinapasama ang imahe ng sabong gayunng tanggap na tanggap ito sa atin.

            


Loading...

Recent Posts