Friday, July 28, 2017

Ang Maging Kampeon sa Sabong


“We are the champions, my friends/ And we’ll keep on fighting ‘til the end/ We are the champions/We are the champions/No time for losers/’Cause we are the champions/Of the world.”- Queen
Marahil kung tatanungin ka kung ano ang memorable experience mo sa sabong, siguradong babanggitin mo ang mga napanalunan mong derbies. Aalalahanin mo bigla ang naging pakiramdam mo noon na ‘di maipaliwanag dahil parang nakalutang ang paa mo sa mga ulap. Tila ba gusto mong ipagsigawan sa mundo ang iyong tagumpay. Marahil ay mahirap kang kausapin ng mga oras na ‘yun dahil lutang ang iyong isip. Kung hindi man ay sobra mo sigurong daldal ng mga oras na ‘yun dahil wala kayong tigil sa kuwentuhan ng iyong grupo kung paano n’yo nakuha ang kampeonato. Pakiramdam mo ay bidang-bida ka sa sabungan ng mga sandaling ‘yun.

Masaya ka dahil bigla ka na lang naging instant celebrity. Ang mga taong nakapalibot sa iyo ay bigla na lang na-curious dahil panay tanong kung ano ang ginamit mong bloodline sa iyong laban. Ano raw ang iyong sikreto at nanalo ka sa derby? Dahil dito nagkaroon ka bigla ng mga tagahanga at ang iba ay naging mga buyer mo pa.

Kung ikaw ay isang sabungero na low profile lang, humble ka lang sa nakuha mong tagumpay. Ang sasabihin mo lang ay sinusuwerte ka lang. Pero sa katotohanan, katakut-takot na preperasyon din ang inyong ginawa. Sumali ka sa derby dahil mayroon kang gustong patunayan, sa sarili mo man o maging sa ibang tao. Paano mo naman kasi masasabi sa sarili mo na successful breeder ka kung isa ka namang talunan. Kaya’t kailangan mo talagang maging kampeon kung hindi man ay makakuha ng magandang score para masabing nasa tamang landas ang iyong pagmamanok.

Ano nga ba ang memorable championship na iyong nakuha? Nanalo ka ba sa 3-cock, 4-cock, 5-cock o 6-cock derby? Hindi na mahalaga kung nanalo ka man sa isang small time derby. Ang mahalaga ay masaya ka at nakakuha ng respeto mula sa mga kapwa mo sabungero. Gaya nga nang sinasabi ng iba, ang premyo ay pangalawa na lang lamang. Bagama’t sabihin na nating ang premyo ay nagbibigay ng motibasyon para sumali sa isang palaban. Pero ang sigurado, ang trophy na iyong nakuha ay pinakaiingatan mo na tila isang kayamanan dahil ito ang sumisimbolo sa iyong tagumpay. Ipinapaalala nito na minsan ay nagkampeon ka sa isang laban na iyong sinalihan. Sa kabila ng maraming hamon at kakumpetensya ay isa ka sa mga nanalo o ‘di-kaya’y naging solo champion!

Ang kumpetisyon ay isa lamang natural na aspeto sa ating buhay kaya’t gusto natin ang makipagkumpetensya. Nagsisilbi kasi itong hamon sa atin para mapalabas ang ating talino at lakas. Bilang isang sabungero, nais natin na laging umabante. Oo, may mga pagkakataon na natatalo tayo, pero alam natin na pansamantala lang ito at hindi pa katapusan ng career sa sabong. Isa lang ang sigurado, isa ka rin sa libu-libong sabungero na nangangarap na manalo sa malalaking derby gaya ng BAKBAKAN, World Slasher Cup at iba pa. Kapag nangyari kasi ‘yun ay maitatala na ang iyong pangalan sa kasaysayan ng sabong.





Loading...

Recent Posts