Sunday, July 23, 2017

Mga Sabungerong Pulitiko

Si Gov. Eddie 'Bong' Plaza sa World Slasher Cup
           Marami sa mga pulitko sa atin ay mga sabungero rin. Hindi naman ito nakapagtataka dahil kahit sino naman ay puwedeng mahumaling sa isport na ito anuman ang kanilang katayuan sa lipunan. Lahat kasi rito ay pantay-pantay lang, walang mahirap at wala ring mayaman. Pero ano nga ba ang kaugnayan ng sabong sa pulitika? Paano nagkalapit ang nasabing magkaibang larangan?

          Kahit saan ka yatang sabungan magpunta ay ‘di mawawala ang presensya ng mga pulitiko. Mapa-barangay captain man ‘yan, konsehal, mayor, governor, congressman kahit pa senador, lahat sila ay nilalasap ang sayang dulot ng sabong. Ang nagpapatakbo pa nga sa ilang sabungan ay mga pulitiko. Nangyari ito matapos na ipaubaya ng Philippine Gamefowl Commission sa lokal na pamahalaan ang pag-regulate sa mga sabungan.

          Ang mga pulitiko ay iba’t iba ang background kung paano sila napasok sa sabong. Ang ilan sa kanila tulad din ng iba, bata pa lang nang mamulat sila sa sabong dahil mayroong sabungero sa kanilang pamilya. Mayroon din namang mga pulitiko na dati ay hindi naman nagmamanok. Pero nang malaman nila ang importansya ng sabong sa pulitika ay pinasok na rin nila ang pagsasabong. Meron din namang madalas maimbitahan ng mga kaibigan sa sabungan kung kaya’t nahawa na rin sila. May mga sumasakay lang at meron din naman na nagustuhan na talaga nila ang sabong dahil nga sa isa itong magandang isport.

          Ang ilan ngang pulitiko, nagbi-breed sila ng manok para ipamigay sa mga sabungero na kanilang nasasakupan. Mistula na rin itong pangangampanya para sa kanila dahil ‘di na sila malilimutan ng taong nabigyan nila ng manok. Siyempre, paraan na rin nila ito para makatulong sa mga kababayan nilang gustong mag-breed , pero wala namang pambili ng manok.

          Ayon sa ilang pulitiko, ang sabong ay malaki ang naitutulong sa kanilang karera sa pulitika. Dahil sa pagpunta-punta nila sa sabungan ay nakikilala sila ng mga tao. Kaya’t pagsapit ng eleksyon ay pamilyar na ang kanilang mukha’t pangalan sa maraming botante. Sino pa ba ang magtutulungan kundi ang mga sabungero? Ang isa nang magandang halimabawa rito ay si Cong. Patrick “Idol” Antonio ng AGBIAG Party List. Sa dami ng mga tumakbong party list ay nanalo siya. Siyempre, sa dami ba ng mga sabungero na bumoto sa kanya, eh. Banggitin pa natin ang mga lokal na kandidato na sinuportahan din ng mga sabungero sa kani-kanilang bayan. Siguradong napakarami n’yan.

          Ilan lang sa mga pulitikong sabungero ay sina Cong. JB Bernos ng Abra, Gov. Eddie Bong Plaza, dating gobernador ng Palawan na si Baham Mitra na ngayon ay chaiman ng Gaming Amusement Board (GAB) at napakarami pang iba. Si Baham ay anak ng namayapa at dating senador na si Ramon Mitra na minsang kumandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas. Kung nagkataon, nagkaroon sana tayo ng sabungerong presidente. Katulad sa Amerika kung saan ilan sa mga naging presidente nila ay mga sabungero nangunguna na rito si Abraham Lincoln. Ayon sa mga kuwento, noong araw diumano ay nagdadaos sila ng sabong  sa White House. Kung nagkataong may naging presidente tayo na sabungero baka nagkaroon din ng sabong sa Malacanang.

          Kapag ang pulitiko diumano ay sabungero ay madali lang itong lapitan o ‘di-kaya’y kausapin. Pumunta ka lang kasi ng sabungan ay mahahanap mo na sila. Kapag nilapitan mo sila ay hindi puwedeng hindi ka nila pansinin. Kilala kasi ang mga sabungero bilang maginoo.  Dahil dito, mas madaling nailalapit ng isang sabungerong pulitiko ang kanyang sarili sa mga tao kumpara sa pulitiko na nakakulong lang lagi sa loob ng opisina. Sa sabungan na mismo naipaparating sa kanila ang ilang mga karaingan o problema mula sa mga nasasakupan. Isa pa, ang sabungerong pulitiko ay mayroon ding isang salita. Kung ano ang kanilang  sinabi ay tiyak na gagawin. Ganito rin kasi ang kaugaliang nakasanayan nila sa loob ng sabungan.

          Paano naman kaya kung parehong sabungero ang kandidato? Sino naman kaya ang susuportahan ng mga kababayan nilang magmamanok? Nakadepende na lang siguro kung sino ang mas napupusuan nila o ‘yung mas may malasakit para sa kanila. Wala naman itong problema sa magkatunggaling kandidato. Dahil sa nagkikita naman sa sabungan ay nakakapag-usap pa sila kaya’t walang tensyon na namamagitan sa kanila. Kumbaga sa magkaribal sa babae ay ‘may the best man win na lang’.


          Kung may bentahe ang pagiging sabungero ng isang pulitiko, siyempre meron din itong disadvantage lalo na sa mga ‘di nakakaintindi sa sabong. Iniisip kasi ng iba na ang sabong ay puro sugal lang. May mga nagdududa pa nga sa kanila na baka pera na ng taumbayan ang kanilang ipinangsasabong. Kung magsusuri lang ang mga kritiko ng sabong ay malalaman nilang mali ang ganitong klase ng pananaw. Unang-una, kahit sino’ng sabungero ay magsasabi na hindi lang basta sugal ang sabong. Kumbaga, sa pagkain ay nagsisilbi lang itong appetizer o pampagana. Dahil ang totoong itinuturo ng pagsasabong ay ang pagiging maginoo at pagkakaroon ng katapatan. Ito ang prinsipyong taglay ng mga sabungerong pulitiko. Kaya’t malabong gamitin nila ang pera ng taubayan para lang ipusta nila. Kung masama ang sabong, sana ay hindi na nila ipinangangalandakan o ipinagmamalaki pa ang kanilang pagiging sabungero!
Loading...

Recent Posts