Saturday, July 22, 2017

Jawo Agdalipe: Tatak ng JDA Gamefarm

Kuha ni Rod Valenzuela
Ang bawat breeder ay may kani-kaniyang signature line. Mayroong mga breeder na nakilala sa Kelso, Hatch, Dom, at iba pa. May kani-kaniyang dahilan kung bakit ang ganitong klase ng bloodline ang ginawa nilang foundation line sa kanilang manukan. Kung mababanggit ang Sweater, huwag nating kalimutang isama si Jawo  Agdalipe ng JDA Gamefarm na iniingatan ang naturang linyada na nagbigay na ng magandang reputasyon sa kanya bilang isang magmamanok.

Nasa elementarya pa lang nang magkainteres sa manok si Jawo. Naimpluwensiyahan kasi siya ng kanyang lolo at ama na parehong nagmamanok. Nang panahon na ‘yun ay nagbi-breed ng manok ang kanyang ama, pero pakunti-konti lang. Pero ang itinuturing niyang highlight nang kanyang pagbi-breed ay noong 2010 nang magkaroon na sila ng farm ng kanyang ama. Ang JDA Gamefarm ay matatagpuan sa Roxas City.

 Ang una nilang manok na ginamit ay ang Karachi Hatch at Dink Fair Sweater. Kinalaunan ay nagkaroon na rin sila ng Gilmore Hatch at Yellow Legged Hatch. Meron din silang Mel Sims. Ang kanyang Sweater  ay pinapaikot niya lang sa Boston Roundhead, Dan Gray Roundhead, hinahaluan niya rin ito ng konting Gilmore Hatch o ‘di-kaya’y Mel Sims.

Nagustuhan ni Jawo ang Sweater dahil mayroon itong gameness. “Maganda itong i-cross sa Dan Gray Roundhead that’s why meron akong manok na ‘yun,” sabi niya. Ayon sa kanya, kapag nai-cross ang Dan Gray sa Sweater ay nagkakaroon ito ng ilag. Medyo may pagka-agresibo raw kasi ang Sweater. Pero ang mini-maintain niyang Sweater ay may pagka-salto.

Para kay Jawo, ang Sweater ay masasabing halos kumpleto na. Marami kasi itong pumalo at mautak din. “Depende na lang ‘yun sa selection ng breeding materials mo kung paano ka pumili ng fighting style ng manok,” sabi niya. ‘Di raw kasi ibig sabihin na porke’t Sweater ay ganun na lahat.
Sa ngayon ay nakakapagprodyus sina Jawo ng 1 thousand heads kada taon.

Marami nang big event sa atin, pero sa mga ito ang gusto niyang salihan ay ang World Slasher Cup at Araw ng Davao. Katunayan, taun-taon ay sumasali siya rito. Hindi lang naman mismong ang sabong ang masaya kundi marami ka rin daw makikilalang mga tao. Dito mo mararanasan na makasalamuha ang malalaking tao sa larangan ng sabong.

Kung record lang ang pag-uusapan, ‘di rin pahuhuli si Jawo. Nagkampeon siya noong 2015 sa 5-cock derby ng Capiz Gamefowl Breeders Association (CAGBA). Pagkatapos ay naging runner up siya sa 6-stag derby nang nasabi pa ring asosasyon.  Noong 2013 naman ay nagkampeon siya sa 5-cock derby sa may Tacloban. Nakakuha rin siya ng 6 points sa WSC noong 2016.

Sa kasalukuyan ay miyembro si Jawo ng PAGBA at nagsisilbi bilang board of Director ng CAGBA. Nabanggit niya na matindi ang labanan sa Roxas City. Ilan sa kanilang ginagawa ay tinatrabaho nila na maging maganda ang labanan sa kanilang asosasyon lalo na sa stag derby. Aniya, “Ini-encourage namin ang mga backyard breeder na sumali sa mga palaban namin. Marami kasing makukuhang benefits. Kapag member ka ng isang asosasyon, makaka-attract ka ng buyers”.

Maliban sa pagiging breeder, si Jawo rin ay isang negosyante. Pero ang maganda, ang kanyang negosyo ay may kinalaman sa kanyang hilig dahil poultry supply ang itinayo niyang negosyo. Mayroon kasi siyang farm. Pero hindi lang ang sarili ang kanyang natutulungan kundi pati na rin ang kanyang mga kaibigan na nagmamanok sa pamamagitan nang pagsu-supply ng feeds at ng mga gamot.

Naniniwala si Jawo na ang pagbi-breed ay parang edukasyon, “It is a continuous learning process. Kapag breeder ka dapat huwag kang huminto sa pagri-research. Pag-aralan mo kung paano makapag-prodyus ng quality at competitive na mga manok”.

Si Jawo ang tipo ng breeder na ‘di mahilig sa sugal. Minsan mo lang daw siyang makikitang magsabong. At kung lumaban man siya at doon lang sa kanilang association at sa ilang piling big event. Masaya siya at maganda ang itinakbo ng kanyang pagbi-breed. Hindi lang dahil sa maganda ang kinalabasan ng kanyang mga palahi kundi naidi-dispose rin niya ang kanilang naipuprodyus.

Sa mga mahihilig mag-breed, may mensahe si Jawo. Dapat daw maging maselan sa pagpili ng breeding materials. Aniya, “Kailangan mong paglaanan ng oras o pag-isipang mabuti kung kanino ka kukuha ng bloodline. Dapat alam mo rin kung ano’ng klase ng manok ang kailangan mo”. Maliban dito, sinabi rin ni Jawo na importante na maganda ang iyong feeds  para maging healthy o ‘di sakitin ang mga manok. Kasi kung hindi, doon pa lang talo na tayo.

Maaring kontakin si Jawo sa numerong 0939-916-7545.






Loading...

Recent Posts