Si Ulderico habang nagtatari |
Si Ulderico ay 37-taong gulang at tubong Kalibo, Aklan, sa kasalukuyan ay naninirahan sa Sitio Kaysakat, Barangay San Jose, Antipolo City. May labinlimang taon na rin siyang nagtatari ng manok. Nang dumating siya sa kanilang baryo, ang naging pangunahin niyang hanapbuhay ay ang pagkakaingin.
Noong una ay nagsasabong lang si Ulderico, pero nang lumaon ay pinag-aralan niya ang pagtatari hanggang sa naging bihasa siya rito. Nakita ng kanyang mga kaibigan at kakilala kung gaano siya kahusay magtari kaya’t simula noon ay marami nang mga sabungero ang umaarkila ng kanyang serbisyo. “Hindi basta-basta ang maging mananari, kailangan mo ring mamuhunan. Hindi naman lahat ng manok ay pare-pareho ang laki at haba ng paa”, sabi niya.
Ipinagmamalaki ni Ulderico na dahil sa pagtatari ay napagtapos niya sa pag-aaral, sa kursong accountancy ang isa sa kanyang mga anak. Habang ang kanyang panganay na anak na nagngangalang Denmark ay tinuruan niyang magtari at ngayon ay isa nang ganap na magtatari at umiikot na sa mga sabungan.
Halos araw-araw diumano ay pinupuntahan o ‘di-kaya’y tinatawagan si Ulderico ng kanyang mga parokyano. Pinapupunta siya ng mga ito sa kung saan mang sabungan sila maglalaban para magtari ng kanilang mga manok-panabong. Minsan, kapag piyesta sa mga karatig-lugar ay nagkakaroon ng tupada ay dumadayo rin siya para magtari.
Kung saan-saan ding sabungan nakararating si Ulderico. Pero mas madalas ay sa Texas at Blue Mountain siya pumupunta. Minsan, kapag kursunada niya ang manok na kanyang tinatarian ay pinupustahan niya rin ito. Kaya naman talagang nag-i-enjoy siya nang husto sa kanyang trabaho.
Talagang marami ang may gusto sa serbisyo ni Ulderico dahil kahit malayo pa ang derby ay may mga kumukontrata na sa kanya. Sa dami nga ng gustong kumontrata sa kanya ay ‘di na niya napagbibigyan pa ang iba. Pero may mga araw din naman na walang sabong kaya’t nagpapahinga lang siya sa bahay at nagbabantay sa kanyang mga anak. Ang misis niya kasi ay nagtitinda sa isang canteen sa bayan ng Marikina. Maganda raw ito na pareho silang may trabaho, nagkakatulungan sila sa mga gastusin at pagatataguyod ng kanilang pamilya. “Hindi kasi araw-araw may nakukuha akong patuka”, pagbibiro pa niya.
Kapag nananalo ang manok na tinatarian ni Ulderico ay binabayaran siya ng limang daang piso. Kapag natalo ay wala siyang ibang naiiuwi kundi ang kanyang mga gamit sa pagtatari. Kapag sa magagandang pa-derby ay mas malaki ang bayad na natatanggap niya. Aniya, “Binabayaran nila ako ng one thousand five hundred pesos, ‘di pa kasama roon ang tip. Mas malaki ang naiuuwi ko kapag kasangga ko ang nanalo sa laban”.
Sinabi ni Ulderico na hindi biro ang halaga ng sasabunging-manok na inilalaban ng mga sabungero. Isama pa ang oras na kanilang iginugol sa pag-aalaga ng kanilang mga panlaban. Halos pamilya na nga raw ang turing nila sa mga ito. Kaya’t bilang isang mananari, napakahalagang gawin mo ng tama ang iyong trabaho dahil kapag nanalo ang tinariang manok ay makikinabang ka rin. “Ang tangi ko lang masasabi sa mga katulad kong magtatari, kung makikita ng mga sabungero na maayos ang pagtatrabaho o pagtatari mo ay sila na mismo ang lalapit at kukuha sa iyo”, pagtatapos niya.