Friday, May 5, 2017

Dink Fair, Beteranong Breeder sa Amerika


             Si Dink Fair ng Spring Creek Gamefarm ay maituturing na isa sa mga beteranong magmamanok. Ang kanya kasing mga palahi ay kinikilala ng mga sabungero sa buong mundo.

            Siyam na taong gulang pa lang noon si Dink nang mamulat siya sa mundo ng sabong. Naengganyo siya rito matapos makapanood ng naglalabang mga manok. Natuwa siya habang pinanuod ang mga ito. Nagustuhan niya ang hitsura at tapang ng mga manok-panabong.

            Pero alam n’yo ba bago maging sikat na gamefowl breeder si Dink ay nagtrabaho muna siya sa isang farm bilang tagapag-painom ng mga manok? Maliit man ang kanyang kinikita mula rito ay masaya naman siya at nalilibang sa kanyang ginagawa. Pero natigil siya sa pagmamanok nang magsundalo siya at naisabak sa Vietnam War.  Nang umalis sa pagkasundalo ay agad siyang bumalik sa pagmamanok. Naging maganda naman ang karera niya sa sabong dahil laging siyang nagpapanalo sa mga derby.    

            Isang araw, minalas siya nahulog kasi siya sa puno matapos manghuli ng stag. Nabalian tuloy siya ng buto sa braso. Hindi siya nakapagtrabaho ng kung ilang linggo kaya naman nagipit siya. Nang maka-recover ay naisipan niyang ilaban ang kanyang mga White Hackle sa sabungan sa Kansas, Texas. Pinalad naman siya na manalo at ang premyong napanalunan ay ginamit niya para mabayaran ang kanyang renta sa bahay at para isa iba pang mga gastusin.

            Iba’t ibang linyada ang mayroon si Dink. Kabilang na rito ang Albany na nakuha niya mula kay Johnney Moore. Mayroon din siyang Kelso at Chocolate Grey na nakuha niya kay Johnnie Jumper. Ang Chocolate Grey ay ipinares niya sa Roundhead na galing kay Junior Belt.

            Ang kanyang Pussom at Sweater naman ay nakuha niya kay Carol Nesmith. Sa mga ito ay ang Sweater ang kanyang pinakapaborito dahil sa nakitaan niya ito ng galing sa pakikipaglaban. Minsan na rin silang naging mag-partner ni Carol sa pagmamanok dahil sa hilig niya sa Sweater. Hanggang sa nagkaroon na rin ng Dink Sweater na nakapangalan sa kanya.

            Meron ding 5,000 Dollars na manok si Dink. Ipinares niya ito sa inahin na Radio sa loob ng isang taon. Nakapagprodyus siya ng apatnapu’t supling. Ang mga ito ay nakapagbigay sa kanya ng tatlumpu’t anim na panalo, dalawang talo at dalawang tabla sa long knife derby sa Sunset.


                        Dahil sa dami ng naging tagumpay ni Dink, iniisip ng iba na ganap  o kumpleto na ang kanyang pagpapalahi, pero hindi pa. Bagama’t beterano na ngang maituturing ay patuloy pa rin niyang pinag-aaralan ang kanyang mga linyada na mayroon siya. Para sa kanya, mahalaga na maging pamilyar ka sa mga linyada na iyong hinahawakan. Wala namang masama na sumubok ng bago, pero huwag mong baguhin ang dating sistema na nakasanayan mo lalo’t subok na ito. Nasubukan na rin niya kasing magpares ng ibang manok sa pamilya na kanyang minamantini. Pero hindi maganda ang kinalabasan. Ang mahalaga, panatilihin ang linyada para kapag hindi maganda ang resulta ay hindi mawawala ang buong pamilya.
Loading...

Recent Posts