Kung inaakala mo na ‘di na uso ang bayanihan na isa sa magagandang kaugalian nating mga Pinoy ay nagkakamali ka. Buhay na buhay pa rin ang diwa nito sa New Art of Gaffing (NAOG): Lahat ng Asinta Pumapatay. Ang NAOG ay grupo ng mga mananari na makikita sa Facebook. Pero hindi lang sila hanggang sa social media nag-uusap, paminsan-minsan ay nagkikita rin ang mga miembro sa personal tuwing mayroon silang seminar o workshop.
Layunin ng NAOG na matulungan ang mga sabungero na gustong matutong magtari. Pinamumunuan ito ni Jake Quintana o mas kilala bilang Jake Speed sa Facebook. Dati siyang admin sa Art of Gaffing. Pero binura ito ng may-ari kaya’t naisipan niyang magtayo ng sariling grupo. Nanghihinayang kasi siya dahil humigit kumulang na sa anim na libo ang mga miembro. Naisip niya, paano na lang ang mga gustong matutong magtari? Dahil dito ay agad niyang binuo ang NAOG para maipagpatuloy ang hangarin niyang makatulong sa mga aspiring tadero.
Jake Speed |
Ayon kay Jake, “Sa dati kasing grupo isang asinta lang ang pinag-uusapan. Pero sa NAOG lahat ng asinta, welcome rito. Sabi nga sa pangalan ng grupo namin- Lahat ng Asinta Pumapatay!” Idinagdag pa niya na ang kanilang grupo ay makabagong henerasyon sa pagsasanay sa pagtatari. Noon daw kasi, ang ginagamit pa ay mahabang sapin. Samantalang ang uso na ngayon ay leather boots. Kumbaga, nakatutok ang grupo sa bagong istilo ng pagtatari.
Ang unang workshop ng NAOG ay isinagawa sa Cavite at ang sumunod naman ay sa Quezon City. Tuwing mayroong workshop ang grupo ay kitang-kita sa kanila ang pagtutulungan. Hindi ito basta ordinaryong seminar lang kung saan may nagsasalita sa harapan at nakikinig lang ang mga audience. Sa kanila kasi para higit na matuto ang mga miembro ay ginagawa nila ito nang one-on-one. Hindi lang isa ang nagtuturo kundi marami. Pipili na lang ang mga miembro kung saan nila gustong makinig at magtanong.
Ang kagandahan sa NAOG dahil ang grupo nila ay nasa Facebook kaya napakadaling sumali. Isang click mo lang ay makikita mo na lahat ang kanilang diagram at uri ng asinta na gusto mong malaman. Kapag mayroon kang ‘di maintindihan, magtanong ka lang at marami ang sasagot sa iyo.
Bukod sa pagtuturo sa pagtatari, inaalalayan din ng NAOG ang kanilang mga miembro sa pagbili ng tari. Ito ay sa pamamagitan nang pagrirekomenda kung saan makakakuha ng maganda at de kalidad na tari. Lalo na’t marami ngayong mga bogus na nagtitinda ng tari sa social media.
Ikinuwento ni Jake na noong araw ay nagpapatari rin siya sa iba. Pero napansin niya na ang manok niya ay palo nang palo, pero ‘di man lang nakakasugat sa kalaban. Ito ang nagtulak sa kanya para mag-aral ding magtari. Malaki diumano ang bentahe kapag ikaw ang nagtari sa manok mo dahil alam mo ang kalidad at asinta ng tari na ginagamit mo. Mas maganda ito kaysa mag-ala-tsamba sa pagpapatari sa iba.
Para kay Jake, ang pagtatari ay continues process of learning. Aniya, “‘Di porke’t nanalo ka ay ‘yun na lang ang the best na aisnta. Lahat naman ng asinta na umiikot sa sirkulasyon ng mga mananari ay effective”. Kumbaga, sumubok din ng ibang asinta at huwag tumutok lang sa isa.
Inaaanyayahan ni Jake ang mga gustong matutong magtari na sumali sa NAOG. Sinisiguro niya na kapag pumasok sila sa grupo ay ‘di sila lalabas na walang alam.
Maaaring kontakin si Jake sa 0935-549-1418.