Tuesday, May 16, 2017

Meron o Wala: Sabong, Biyaheng Bali, Indonesia

Ang sabungerong Balinese na si Doggy

Isa sa mga memorable na karanasan ko sa career ko sa pagmamanok ay ‘yung nakapagbiyahe ako ng Bali, Indonesia. Naimbitahan kasi ako roon para gamitin ng ilang respetadong mga sabungero ang dinebelop kong pang-kundisyon na manok na kung tawagin ay Supermedz. Nagkainteres sila rito nang mabalitaan nila na marami akong mga suki na nagpapanalo sa Pilipinas gamit ang aking gamot. Ang nakatatawa, dahil medyo alanganin na magpasok ng gamot sa Bali ay doon na lang ako nagpabili ng materyales saka ko tinimpla. Hindi naman sa pagyayabang, natuwa rin ang mga kaibigan namin sa Bali matapos nila itong masubukan. Nanalo rin kasi sila sa kanilang mga laban. Tinuruan ko sila ng aking feeding grade na napakadaling sundin ang proseso.


Ang napansin ko sa Bali, medyo napag-iwanan na sila sa sabong kung ikukumpara sa atin. Kulang na kulang kasi sila sa mga gamot, suplemento at gamefowl feeds. Nag-aangkat sila sa atin, pero mahal na ang presyo pagdating doon. Samantalang sa atin ay napakaraming mga kumpanya na nagninegosyo na may kinalaman sa manok-panabong. Bukod dito ay ‘di rin ganun ka-moderno ang kanilang sistema sa pag-aalaga ng manok. Hindi kagaya sa atin na very scientific na ang pag-aalaga. Ni wala nga silang magasin at tv show sa sabong. Nakapako pa rin sila sa  samu’t saring pamahiin. Marami pa rin namang ganito sa atin na nakakapit sa mga lumang paniniwala. Pero sa kanila, mukhang ‘di na gaanong umusad pa. ‘Di rin naman natin ito puwedeng kuwestiyunin dahil baka bahagi na ito ng kanilang tradisyon. Kapag nagsasabong nga sila ay nakasuot pa sila ng sarong at may mga takip pa sa ulo na tinatawag nilang ‘udang’.  


 Idagdag ko na rin na mangilan-ngilan lang ang kanilang mga linyada roon. Uso sa kanila ang Peruvian, Asil  pati na rin ang Kanching chicken na katumbas ng native chicken sa atin. Pero ang maganda, mayroong mga taga-Bali na nag-iimport ng manok dito sa Pilipinas kaya’t darating din ang araw na magagaya rin sila sa atin. Kaya’t huwag magtataka kung nakapasok na rin sa kanila ang mga Western fowls. Ang ibang farm nga doon, ang set up ay nai-pattern na rin sa atin. Hindi naman ito nakapagtataka dahil may mga kababayan tayo na nagtatrabaho bilang handler doon. Mataas ang tingin o respeto ng mga breeder sa mga Pilipinong magmamanok. Alam kasi nilang marami tayong teknik na maibabahagi sa kanila.

Siyempre, iba ang rules nang pasabong sa Bali, dito kasi sa atin kung sino ang huling tumuka ay ‘yun ang panalo. Samantalang sa kanila kung aling manok ang unang sumayad ang tuka sa lupa ay talo na agad kahit malakas pa ito tapos wasak na ang kalaban. Kung titingnan din, parang magulo ang kanilang pasabong. Mayroon silang ruweda, pero puno ng tao at mga sultador. Magulo pero masaya ‘ika nga!

Tapos iba rin ang tari nila na tinatawag nilang ‘Surat knife’ na ‘di na ginagamitan pa ng sapin. Tinatalian lang na parang gantsilyo ang tari.

Bagama’t ganun ang kanilang pasabong, hindi natin sila puwedeng maliitin. Pagdating kasi sa pustahan, ang lalakas nilang tumaya. Kung sasabayan mo sila, naku mamumulubi ka lalo na’t hindi naman tayo milyonaryo. Puwede siguro kung kagaya tayo ng ilang mga big-time na sabungero sa atin na kung tumaya ay parang wala ng bukas, hehe.

Ibang klase rin ang sabungan sa Bali, ginagawa kasi ito sa loob mismo ng compound ng kanilang mga templo. At take note, ilan pa sa mga ito ay gawa sa ginto. Yayamanin ‘di po ba? Pero kung iisipin ng iba na pambabastos ito sa kanilang relihiyon, aba’y hindi po. Una, tradisyon na ito sa kanila at isa pa, ang nalilikom na pondo sa sabong ay ginagamit nila sa pagpapaganda ng kanilang templo. Ayon sa aking nakaututang dila roon, naniniwala silang nalulugod o natutuwa ang kanilang mga diyos dahil nagsisilbing alay ang dugo ng naglalabang mga manok. Isa pa, nagsisilbi rin itong pantaboy sa masasamang espiritu.



Wish ko lang, sana makabalik ulit ako sa Bali, Indonesia dahil kakaiba talaga ang experience sa sabong roon. Kapag nakabalik ako, mag-iinterbyu ako ng mga breeder  o ‘di-kaya’y idu-dokumento ko ito para maibahagi sa aming blog at Facebook fan page. Kung hindi man sa Bali, puwedeng sa ibang bansa basta mayroong sabong. Sana ay may mag-sponsor uli sa aking biyahe sa tulong uli ng Supermedz…

Maaring kontakin si Makuri Makuru sa numerong 0915-577-9379 at 0949-121-2050.




Loading...

Recent Posts