Kapag pinag-usapan ang
manok na Gold, marahil ang isa agad sa sumasagi sa isip ng mga sabungero ay si
Michael Decena ng MJD Palawan Gold Gamefarm. ‘Di ba’t sa pangalan pa lang ay malalaman
na ang kanyang signature line? Nakilala kasi siya sa ganitong bloodline kaya’t
ito na ang ginawa niyang base line sa kanyang manukan.
Tubong Negros ang
pamilya ni Michael, pero sa Palawan na sila nanirahan. Nakapagtrabaho siya
bilang isang computer engineering, pero ninais niyang ituon ang kanyang sarili
sa pagmamanok dahil mas nalilibang siya rito. Ang maganda pa, bukod sa
nalilibang na ay mas malaki pa ang perang nakukuha niya sa pagmamanok kaysa
dating trabaho.
Matagal nang nakatayo
ang farm ni Michael, ang tatay pa niya ang nagpasimula nito. Pero ang lolo niya
talaga ang unang nag-breed ng manok sa kanilang pamilya. Ang farm ni Michael ay
may sukat na siyam na hektarya. Kada taon ay nakakapagprodyus siya mula 700
hanggang 800 stags. Maliban sa Gold, meron din siyang Kelso, Sweater, Hatch at
Roundhead. Ipinapares niya lang ang Gold sa mga nasabing linyada. “Ang Gold ko
basically Lemon sila. Kapag naglaro sila salto, sarado at medyo off-beat ang
style. Maganda ang cutting saka may power sila,” kuwento niya.
Kapag namimili ng
materyales si Michael, ang una niyang tinitingnan ay ang balanse ng katawan ng
manok. Siyempre, kailangan din na magaling ito. Wala naman diumanong pinagkaiba
ang Gold sa ibang manok. Natural nga lang dito ang pagiging salto.
Si Michael ang tipo ng
breeder na hands on mula kasi sa pamimili ng materyales, pagbi-breed,
pagpapalaki ng sisiw hanggang sa paghahanda at pagtatari ay ginagawa niya.
Binanggit ni Michael na
kaya naging Palawan Gold ang tawag sa kanyang manok ay dahil sa dating
gobernador at ngayon ay GAB Chairman na si Baham Mitra. Gusto raw kasi nito na
kapag nag-entry siya sa Maynila ay dala-dala niya ang pangalan ng kanilang
probinsya. Noong mga panahon daw na ‘yun kasi ay nakikilala na ang kanyang Gold
dahil nagpapanalo ito sa mga laban.
Marami-rami na ring
nakuhang championship si Michael, kabilang na rito ang international derby na
inorganisa ni Manny Berbano kung saan ay naging solo champion siya. Nagkampeon
na rin siya sa MVLGBU na ngayon ay mas kilala bilang SABAYAN DERBY ng FIGBA. Minsan
na rin siyang itnanghal na Breeder of the Year sa asosasyon na kanyang
kinabibilangan.
Sa ngayon, si Michael
ay nagsisilbi bilang secretary at board member ng United Palawan Breeders
Association. Ayon sa kanya, hindi kalakasan ang sabong sa Palawan kaya’t
karamihan ng kanyang mga laban ay nasa Maynila. “Usually, ang gumagamit ng
manok ko sa Maynila ay si Toto Sevila. Sumasali kami sa UFCC, NCA, WSC at
LGBA,” sabi niya.
Sa pagkakaalam ni
Michael ay kalat na sa buong Pilipinas ang kanyang Gold. Aniya, “Marami kasi
akong inilabas at marami rin akong natatanggap na magagandang feedback mula sa
mga nakabili. Nakagagaan ng pakiramdam na nakatutulong tayo sa iba”. Karamihan
ng mga costumer ni Michael ay sa Luzon kaya’t balak niya na magtayo ng farm,
kung hindi sa Cavite ay sa Batangas. Magsisilbi itong showcase area kung saan
ay nasa 200 hanggang 300 heads ang maaaring i-cord.
Sa
mga gustong magsimulang mag-breed, ipinapayo ni Michael na magsimula lang ng
tama. “Mag-breed kayo ng manok na sa tingin n’yo ay magaling talaga. ‘Yung
kayang makasabay. Ako I emphasize na ‘di kailangan dito ang guwapo”. Maganda
naman daw ang guwapo at magaling, pero kung baguhan ka pa lang dun ka na sa
magaling na kayang sumabay sa malalaking labanan. Lalo na’t ang labanan ngayon
ay ‘di biro dahil very scientific at sa genes na ng manok nakasentro. Kaya
importanteng mag-invest sa bloodlines at sa manok na magaling maglaro.
Maaaring
kontakin si Michael sa numerong 09178422226