Ernie Santiago |
Paminsan-minsan ay
masarap din ang makipag-kuwentuhan sa matatanda. Hindi lang dahil marami tayong
mapupulot na aral sa kanila kundi malalaman din natin kung ano ang mayroon sa
kapanahunan nila. Nakakuwentuhan ng Sabong Ngayon si Tatay Ernie Santiago hinggil sa sabong mula
dekada ’60 hanggang ’80.
Si Tatay Ernie ay
pinsan ng pamosong gamefowl breeder na si Charlie Cruz ng Candice Jean
Gamefarm. Siya ang nakaimpluwensiya kay Charlie kung bakit ito nagkainteres sa
pagmamanok. Si Tatay Ernie ay dating nagtatrabaho sa San Roque Cockpit Arena
bilang tagabantay ng mga manggagamot at ng mga taga-himulmol ng manok. Pero
nang maibenta ang sabungan ay sumama-sama na lang siya kay Charlie tuwing pupunta
ito sa farm para malibang siya. Masaya na kasi siya kapag nakakakita ng manok.
Minsan ay pumupunta pa rin naman siya ng sabungan. “‘Di naman ako pumupusta ng
malaki, andun lang ako para malibang. Minsan nga kahit wala akong pera, napunta
pa rin ako para manood lang,” kuwento niya.
Ayon kay Tatay Ernie, 1960 pa lang, labing-walong
taong gulang pa lang siya noon ay suma-sama na siya sa kanyang ama kapag
nagsasabong ito sa Marikina. Mais at palay na ibinababad lang diumano sa tubig
ang ipinapakain noon sa manok. Tapos ang ipinampupurga lang ay ampalaya na
binudburan ng konting asin saka isusubo sa manok. Kung hindi ampalaya ang
ginagamit ay bunga naman ng nganga o ‘yung paboritong nguya-nguyain ng ilang
matatanda.
Sabi ni Tatay Ernie, “Wala
pang bloodline noong araw. Kapag sinabing Batangas, Balulang ang manok. Kapag galing
naman sa Pangasinan- Bolinao. Kapag galing Bicol- Camarines”. Meron din daw
manok na tinatawag na Malaking Pulo, pero kinalaunan ay ‘di na rin ito ginamit pa
ng mga sabungero kapag naglalaban. Masyado kasing mahina ang ganitong klase ng
manok dahil natutulog sa laban.
Kung ilalarawan ang mga
labanan, sinabi ni Tatay Ernie na parang ganito na rin sa ngayon. Ang
pinagkaiba lang ay mahina ang pustuhan. Pumupusta lang ang mga sabungero noon
ng onse o ‘di-kaya’y bente dos pesos. Hindi kagaya ngayon na umaabot pa ng
milyunan ang pustahan sa mga bigtime derby.
Dekada ’80, dumating
ang Texas sa Pilipinas. Sa pagkakaalam ni Tatay Ernie, isa ang Amerika breeder
na si Richard Bates sa mga unang nagdala nito sa Pilipinas. Dito na tumindi ang
labanan ng mga manok. Aniya, “Kapag inilaban mo sa pangkaraniwang manok ang
Texas, wala na. Sa pupugan pa lang talo na”. Kabilang daw sa mga sikat na sabungero noon ay
si James Chongbian ng South Cotabato. Sa sabungan naman, mangilan-ngilan lang
ang sikat na sabungan gaya ng Teresa Garden at Roligon. Hindi kagaya ngayon na
napakarami nang sikat na mga sabungan kabilang na ang San Juan Coliseum, Pasay
Cockpit, Kapitolyo sa may Pasig at marami pang iba.
Naikuwento ni Tatay
Ernie na nakikita pa niya noon si Chongbian sa Teresa na kapag nagkukundisyon
ng manok ay pinapakain nila ang manok ng mansanas at pinapainom pa ng gatas.
Kung anu-ano ring gamot ang isinasaksak nila. Kumbaga, medyo advance na ang
ganito kumpara sa iba na mais at palay ang ipinapakain sa manok. Hindi pa rin
uso ang mga kung anu-ano’ng gamot sa manok noong araw. Sa ngayon,
malalayung-malayo na ang ganung sistema. Marami ng gamot at mga patuka na
mabibili sa merkado. Ang mga sabungero na lang ang bahalang pumili kung ano ang
gusto nilang gamitin.
Bilang nakatatanda, ipinapayo ni Tatay Ernie sa mga
batang sabungero na may kapital na huwag silang magpakalulong sa sugal. Dahil
ito ang magiging dahilan ng kanilang pagbagsak. Aniya, “Marami na akong
nakitang sabungero na bumagsak dahil nagpakalulong sa sugal. Kaya
maghinay-hinay lang pagdating sa pagpusta. Kapag ‘di mo ito ginawa, walang
mangyayaring maganda sa iyo”.