Saturday, May 20, 2017

Ed Jaraba: Primero Klaseng Peruvian Breeder sa Pinas!

Kuha sa World Gamefowl Expo
Talaga namang sikat na sikat ngayon ang Peruvian sa mga sabungerong Pinoy. Pero dati-rati ay ‘di gaanong pinapansin ang manok na ganito. Ito ay base na rin sa obserbasyon ng isa sa mga pioneer na Peruvian breeder sa bansa na si Ed Jaraba ng Kate & Kurt Game Farm.

Ayon kay Ed, napakabilis ng pagtanggap ng mga Pinoy sa Peruvian. May limang taon pa lang nang umpisahan niyang mag-brreed nito. Kapag nagsi-search nga raw siya noon sa Facebook ay wala siyang makita na kahit ano tungkol sa Peruvian o walang magmamanok na nagdadala ng pangalan ng manok na ito. Ang pagkaaalam pa nga ng mga tao noon sa Peruvian ay Asil ito. Ibang-iba na talaga ang situwasyon ngayon dahil nagkaroon na rin ng pasabong para sa malalaking manok. Sa kanyang palagay, nasa 50-70-% ng mga sabungero sa bansa ang nakakakilala na sa Peruvian. Kahit nga malalaking farm ay nag-iinvest o nagbi-breed na rin ng ganitong manok.

Dating nagbi-breed ng American fowl si Ed, pero nahirapan siya. Nang mag-breed siya ng Peruvian napag-alaman niya na mas madali itong alagaan kumpara sa Western fowl. Hindi kasi sila sakitin.  Ang maganda pa, madali lang itong paramihan. Ito na rin ang mga dahilan kung bakit ituon na lang niya ang kanyang pansin sa pag-aalaga ng Peruvian. Nagustuhan niya rin ang Peruvian dahil malakas silang pumalo. Mayroon silang speed, power at saka angat.

Dati-rati ang kanyang mga Peruvian ay mayroong crosses. Pero ngayon ay pinili niyang mag-pure. Aniya, “Ang mga kaibigan kasi nating Cambodian, Indonesian at Malaysian hinahanap talaga nila ‘yung pure. Kaya ngayong taon na ito ay nagpu-pure na ako”.  Pero hindi ibig sabihin na kinalimutan na niya ang pagku-cross. Ginagawa niya pa rin naman ito para mapaliit ang Peruvian nang sa gayun ay makasali siya sa BAKBAKAN o ‘di-kaya’y sa Digmaan at sa kanilang local association.

Malakas diumano ang Peruvian sa Vietnam, Indonesia, Cambodia , Malaysia at sa iba pang bansa. Pero mahirap daw ang mag-import ng manok doon. Dati ay sa US lang nag-i-import ng Peruvian si Ed. Pero ngayon ay nakakapag-import na rin siya direkta sa Peru.  Sabi niya, “Naghanap ako ng mga breeder sa Peru na medyo magaganda ang record. ‘Yun ang mga bagong materyales ko ngayon”.

Para kay Ed, mahirap tukuyin kung pure o hindi ang Peruvian dahil ang talagang nakakaaalam lang nito ay ang mismong breeder. Sa Peru raw ang mga Peruvian ay talagang malalaki, pero iba-iba ang kanilang infusing. Mayroong matutulis ang buntot at meron din namang malalaki. “Minsan sinasabi nila na kapag malaki ang buntot may cross na o ‘yung matulis lang ang pure. Pero hindi ‘yun ganun,  breeder lang talaga ang nakaaalam kung pure o hindi ang isang Peruvian”, giit niya.



Photo Credit: Kate & Kurt Peruvian Philippines Fb page

          Sa farm ni Ed ay nasa 40 bloodlines ng Peruvian ang mayroon siya. Pero ang pinaparami niya lang ay ang mga bagong import na manok. Sinabi pa niya na mas marami pa nga raw ang bloodlines ng Peruvian kumpara sa American fowls.

Nang tanungin si Ed kung magkano ang kanyang Peruvian, nakadepende ito sa pagkaka-import ng kanyang materyales. Meron kasi siyang mga manok na nasa 300 hanggang 400 US dollars ang presyo kasama na ang shipping papunta rito sa Pilipinas. D’yan pa lang ay magkakaideya na ang kahit na sino na hindi biro ang presyo ng Peruvian sa merkado.

Sa huli, sinabi ni Ed na ang pag-aalaga ng Peruvian ay hilig-hilig lang din. Gaya nga nang kanya nang nasabi, “Ang Peruvian kasi madali lang talaga alagaan. The best ito dahil ‘di kayo mahihirapang alagaan sila dahil ‘di sila sakitin. Siguradong matutuwa ang mga sabungero kapag nag-breed sila ng Peruvian”.

Maaaring kontakin si Ed sa kanyang personal Fb account pati na rin sa kanyang FB page na Kate & Kurt Peruvian Breeder Philippines. Maku-contact din siya sa kanyang cellphone number na 0908-352-6401.


Loading...

Recent Posts