Friday, March 24, 2017

Makuri Makuru: Wizard of Modern Day Gamefowl Sports

Makuri Makuru
Masasabi nating mabilis na talaga ang pag-unlad ng sabong sa ngayon. Dahil kahit ultimo mga backyard breeder ay 'di pahuhuli kung pagmamanok lang ang usapan. Pero ibahin natin si Makuri Makuru ng Floodway, Cainta, Rizal na bagama't may tatlong taon pa lang mula nang nagsimulang mag-breed ay marami na siyang nagawa para sa minamahal nating isport.

Nagsimulang mag-breed si Makuri sa tulong ng kanyang mga kaibigan na sina Ernest Gonzales, Audie Avenido, Kit Soliman at Paolo Malvar. Ang una niyang naging bloodlines ay ang Sweater galing kay Ernest na taga-Bacolod at Cobra na galing naman kay Kit. Hanggang ngayon ay iniingatan pa rin niya ang mga bloodline na ito. "Unang breeding ko, 90 percent agad ang nanalo sa mga sabungan at sa mga hackfight," masayang sabi niya.

Pero ang talagang nakinabang sa kanyang mga bloodline ay ang kanyang mga kliyente sa iba't ibang parte ng Pilipinas na nababalitaan niyang nagpapanalo sa local derbies gamit ang manok mula sa kanya.

Limitado lang ang bilang ng mga manok ni Makuri. 'Di siya makapagparami dahil maliit lang ang kanyang espasyo.  Sa ngayon ang kanyang bloodlines ay umiikot lang sa tatlo, ang mga ito ay ang IP Man Cobra, Walkee Talkee Grey at Boston 357.

Hatchery Home

Bukod sa pagiging gamefowl breeder, si Makuri rin ay isang musikero at kompositor. Available ngayon sa Spotify ang mga kanta niyang Ngayong Gabi at Paborito na ginawan pa niya ng bersiyon para kay Pope Francis (Papa Kiko) nang minsan itong dumalaw sa bansa noong 2014. Ayon kay Makuri, "Yung pagtitimpla mo ng tono o pag-compose ng kanta parang breeding din 'yan; tinitimpla mo ang komposisyon ng mga dugo. Kung paano ka gumawa ng battlecross at kung paano mo imi-maintain ang winning line". Marami diumanong kumbinasyon ang breeding, parang sa musika rin. Kumbaga, kailangang maganda ang kumbinasyon ng mga cords para magandang pakinggan.

Naging adbokasiya na rin ni Makuri na tumulong sa kanyang mga kalugar na mga backyard breeder. Kung kaya't naisipan niyang magtayo ng tinatawag niyang 'hatchery home'. Mayroon siyang magkahiwalay na heater at hatchery na mayroong 300 eggs capacity. Wala kasing incubator business sa kanilang lugar. Maraming mga backyard breeder sa kanila ang 'di alam kung paano ang tamang pagpapapisang itlog. Maliban dito, tinuturuan din ni Makuri ang mga ito kung paano ang tamang paraan nang pagbi-breed at pagka-candling. Kapag may problema sila  sa manok ay pinupuntahan o ipinapatawag pa nila si Makuri.

Gamot na dinibelop ni Makuri

Bibilib ka rin kay Makuri dahil nakagawa siya o nakapag-formulate  ng sariling gamot sa pagkukundisyon ng manok. Tinawag niya itong Supermedz. Noong una ay ginagamit lang niya ito para sa personal niyang laban. 'Di naman siya madamot kung kaya't ibinabahagi niya ito sa mga gusto ring makagamit. Hindi lang ito sa Pilipinas ito nakararating kundi maging sa ibang bansa. Katunayan, ito ang nagdala sa kanya sa Indonesia para lumaban, sa imbitasyon ng mga tinitingalang gamefowl breeder doon. "Ito ang gamot na napakasimpleng gamitin para sa laban. Madali lang gamitin sa pointing. 'Di na kailangan pa ng mahabang instruction," paliwanag ni Makuri. Natatawa pa niyang sinabi na ang iba niyang mga costumer ay ayaw ipagsabi na Supermedz ang kanilang ginagamit dahil baka ayaw na silang labanan.

Naging bahagi rin si Makuri sa sabong media, ito ay nang maging camera man siya sa programang Bakbakan nina Mr. Joey Sy at Eddie Boy Ochoa. Marami siyang natutunan sa mga ito. Masaya si Makuri dahil nakasama siya sa pag-interview sa mga kilalang breeder kung saan ay nakapulot pa siya ng mga teknik sa pagmamanok.

Sa ngayon, wala namang ibang plano si Makuri kundi ipagpatuloy at pagbutihin pang lalo ang kanyang mga ginagawa. Aniya, "Di ko namang planong mag-commerical masyado. As long na 'yung mga client ko nagpapanalo sa bloodlines ko at sa tulong ng Supermedz masaya na ako. Andun 'yung fullfilment ko bilang breeder".

Maaaring kontakin si Makuri sa mga numerong 0915-577-9379 at 0949-121-2050.

Loading...

Recent Posts