Kamakailan
ay napaulat na hiniling ng Liga ng Eksplosibong Pagbabago, Inc. (LEPI) sa
Supreme Court na ipatigil ang pagpapatakbo ng online cofighting betting dahil
nalulugi diumano ng 350 million pesos ang gobyerno.
Ayon
sa LEPI, wala raw kasing malinaw na mekanismo sa pagbubuwis sa online sabong. Ipinapalabas
pa nga raw sa sa off-track betting stations na sana ay para sa horse racing
lang. Dahil dito ay bumagsak ng 25% ang nakukuhang revenue sa horse racing. Mas
tinatangkilik na kasi ng mga mananaya ang online sabong.
Idinagdag pa ng grupo na idinulog na nila ang
kanilang hinaing sa Philippine Racing Commission o Philracom na may hawak sa
mga OTB stations. Pero wala namang ginagawang aksyon ang ahensya para itigil ang
online sabong.
Bukod
sa mga pagpapalabas ng online sabong sa mga OTB stations, hindi rin maikakaila
na parang kabuteng nagsipagsulputan na ang mga sabungan na nagsasagawa ng live
streaming. Bakit hindi? Eh, dagdag kita rin ito. Kung ‘yun ngang hawak na ng
gobyerno ay ‘di pa nari-regulate, paano pa kaya ang mga ito? Marami kasi sa mga
nag-u-operate sa mga ito ay walang permit? Di ba’t nakarinig na tayo na may mga
sabungan na ni-raid ng NBI o kapulisan?
Matatandaan
din na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte at Gen. Bato Dela Rosa na isusunod
nila ang iligal na mga sugal pagkatapos ng kanilang war on drugs. Marami tuloy
sa mga sabungero ang nagtatanong kung kasama kaya rito ang online sabong? Huwag
naman sana. Alam naman natin na nakatutulong ang live streaming sa mga OFW na
maibsan ang kanilang pagka-homesick. Hinay-hinay nga lang sa pagtaya. Bukod
dito, marami na ring trabahador sa likod nito. Nariyan na ang mga costumer
sales representative, camera man, video editor at iba pa.
Kung
ipatigil man ng gobyerno, sana ay ‘yung mga iligal lang na nag-u-operate.
Pagkatapos, dapat ay magkaroon ng malinaw na panuntunan ang gobyerno kung paano
bubuwisan ng tama ang online sabong. Para makinabang dito nang husto ang estado
at hindi ang mga operator lang.