Sunday, March 26, 2017

Biboy Enriquez: Beteranong Gamefowl Breeder sa Pinas


  Si Biboy “Leandro” Enriquez ay isa sa kinikilang mga alamat ng sabong sa Pilipinas. Dekada 60 pa lang ay nagmamanok na siya. Noong 70’s ay sumikat siya dahil sa kanyang Pyle chicken. Katulad ng ibang magmamanok, nagsimula lang din siya sa panunuod at pagsali sa mga hackfight. Pero hindi lang siya basta isang breeder dahil minsan ay naging promoter din siya ng sabong noon sa Teresa, Rizal.

          May mga nagtatanong, saan nga ba nakuha ni Biboy ang pangalan ng kanyang farm na Firebird? Ayon sa kanya, noong araw ay hanga siya sa entry name ni Don Amado Araneta na Thurderbird kaya’t naisip niya na ano kaya kung Firebird naman ang gamitin niyang pangalan sa kanyang farm. Bukod dito ay kinuha niya rin ito sa pangalan ng sikat na sport car ng Pontiac company. Siyempre, kung magpapangalan na lang din ng farm ay ‘yung may dating na.

          Sa umpisa ay nagpalahi ng manok si Biboy sa kanilang bakuran sa may Blueridge, Quezon City at saka sa Commonwealth Avenue. Pagkatapos ay nakapagtayo siya ng farm sa may Antipolo at kinalaunan ay lumipat sa Laguna hanggang sa naitayo niya ang kanyang 20 hektaryang farm sa may Sitio Dalawang Kawayan sa may Brgy. Tandang Kutyo. Nabili niya ang farm niyang ito dahil sa panalo niya sa sabong noong magkampeon siya sa may Roligon.

          Si Biboy ay dating hotelier, dati siyang nagmamay-ari ng Sulu Hotel na namana niya sa kanyang ina na nagtayo nito noong 1967. Nagpasya siyang ibenta ang hotel dahil ‘di na niya maharap pa ang responsibilidad. Mas pinili niyang maging isang fulltime breeder dahil mas nag-i-enjoy siya rito. Tingnan mo naman, sa edad na mahigit sisenta ay malakas pa rin ang kanyang pangangatawan. Machong-macho pa rin, ‘ika nga. Ito ay dahil na rin sa pagiging health concious niya. Pinipili na niyang mabuti kung ano ang kanyang kakainin. Mahilig siyang mag-exercise at nagsasagawa rin ng yoga. Maliban dito, naniniwala siyang malaki ang kontribusyon ng pagmamanok kung bakit nananatiling malusog ang kanyang pangangatawan. Bakit nga ba hindi? Eh, talaga namang  nakakapagpasigla ng ating katawan ang pagmamanok.             


          Kinikilala si Biboy bilang Kelso Man of the Philippines dahil mahuhusay ang manok niyang Kelso na nagmula kay Johnnie Jumper. Ikinirus niya ito sa Sweater at talaga namang naging maganda ang resulta. Siyempre pa, kilala rin ang kanyang linyada na tinatawag niyang Super Sweater na nagsisilbing signature line niya. Nakuha niya ang manok na ito mula kay Carol Nesmith. Mayroon din siyang High Action McLean, ikinurus niya ito sa Harold Brown line at ininfused niya sa Roundhead at Kelso. Mayroon din siyang Yellow Legged Hatch na nakuha naman niya kay Buddy Mann.

          Noong 2012 ay dinibelop ni Biboy ang kanyang manok na minsan ay tinawag niyang Robie White, throwback ito ng Kelso. Hinango niya ang pangalan ng manok niyang ito mula sa kanyang farm manager na si Robie Yu Panis na kinikilang prinsesa ng tari sa Pilipinas. Wala diumano itong kuneksyon sa Amerikanong breeder na si Roby White taliwas sa sinasabi ng iba. Magkatunog lang ang kanilang pangalan, pero magkaiba ng spelling. Inilaban nila ang linyada ito sa pa-derby ng Laguna Gamefowl Breeders Association noong September 2012 at nakaiskor sila ng limang magkakasunod na panalo. 


        Bilang isang beteranong magmamanok, marami na ring kampeonatong pinagdaanan si Biboy at ang pinakamalaki rito ay noong magkampeon siya sa World Slasher Cup noong 1994. Ginamit niya  rito ang kanyang Roundhead, Grey at Lemon. Nooong 2003 ay naging runner up siya, sa World Slasher Cup pa rin. Naging kampeon din siya sa 9-Cock International Derby ng United Cockers Association of the Philippines noong 2002.  Hanggang ngayon ngayon ay patuloy pa ring lumilikha ng ingay sa mundo ng sabong si Biboy dahil patuloy pa ring nagpapakita ng husay sa kanyang pagmamanok. 
Loading...

Recent Posts