Hindi lang guwapong manok ang may ibubuga sa ruweda kundi pati manok na 'di kagandahan. |
Ang bawat sabungero ay may kanya-kanyang preference pagdating sa pagpili ng hitsura ng manok. Ang karamihan, gusto nila ay ang guwapong manok para kapag nakita ng ibang tao ay mapapa-wow agad sila. Wala itong pinagkaiba sa tao na kapag guwapo o maganda ay talagang malakas ang dating. 'Di ba't kapag may magandang chicks tayong nakikita ay napapatingin agad tayo? Pero kapag 'di kagandahan ay halos 'di magawang tingnan at iniirapan pa nga ng iba. Aminin!
Kapag guwapong manok, ang isa agad sa pumapasok sa isip ng mga sabungero ay ang Sweater. Ilan lang sa nagpapalahi sikat na gamefowl breeder na nagpapalahi nito sa atin ay sina Nene Abello, Biboy Enriquez at iba pa.
Hindi rin maikakaila na karamihan nang mga buyer ay guwapong manok ang hinahanap. Kaya't hindi na dapat magtaka kung ang karamihan ng commercial breeders ay nagpapalahi nang nasabing bloodline. Ayaw man nila ay wala silang magagawa dahil kailangan nilang ma-sustain ang pangangailangan sa kanilang farm. Kumbaga, alam mong ganito ang mabenta sa market bakit ka pa mag-iiba ng tinda?
Kung mayroong mahilig sa guwapong manok, siyempre mayroon din ang may gusto ng pangit na manok. Para kasi sa kanila, wala 'yan sa hitsura ng manok kundi nasa performance. Aanhin nga naman nila ang guwapong manok kung mahina ito pagdating sa ruweda. Hindi naman nila sinasabing mahihina ang guwapong manok. Ang sa kanila lang ay may ibubuga rin ang pangit na manok kaya't 'di dapat maliitin. Kumbaga sa tao ulli, hindi porke't pangit ang hitsura ay wala nang magandang katangian. Tandaang patayan ang labanan sa sabong at hindi pagandahan ng manok.