Friday, November 4, 2016

David Santos: Chicken Master ng Antipolo


           Hindi lahat ng nagsasabong o nagmamanok ay masasabing sabungero. Meron din kasi sa kanila na naglilibang lang. Kagaya na lang ni David Santos, 66-taong gulang at tubong Cainta Rizal na matapos magretiro ay itinuon na ang atensyon sa pagmamanok.

            Dati pa namang nagmamanok si David, ‘di nga lang siya mahilig sa pustahahan. Nag-aalaga lang siya noon ng paisa-isang manok. Naging supervisor siya sa Meralco at nagretiro noon pang taong 2004. Aniya, “Nakatuwaan ko lang ang pagmamanok at nakahiligan ang pagpapalahi. Natutunan ko ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga magasin at libro.

            Nang kumustahin ang pagpapalahi, sinabi ni David na ayos naman ang resulta ng kanyang breeding. Napansin niya lang na mahina ngayon ang bentahan ng manok. Marahil ay dahil na rin sa hirap ng buhay sa ngayon. Wala naman itong problema sa kanya. Hindi naman negosyo ang habol niya sa pagmamanok kundi ang maglibang lang talaga. “Alam mo, kung wala itong mga manok ko, siguro lupaypay na ako,” banggit pa niya. Nagsisilbi rin kasing ehersisyo sa kanya ang pagmamanok. Kaya’t sa kabila ng kanyang edad ay nananatili pa rin siyang malakas at masigla.

            Sa ngayon ay kaunti lang ang inaalagaang manok ni David sa kaniyang lote. Naranasan na rin naman niyang magparami ng manok. Nakapag-breed siya noon ng 200 ulo ng mga manok mula 2007 hanggang 2008. Napagkasya niya ito kahit maliit lang ang kanyang manukan.  Mayroon siyang malaking lambat at doon niya inilalagay ang mga sisiw. Kapag lumaki na ng konti ay inillabas na niya ang mga ito at inilalagay na sa scratch pen. “Sa isang scratch pen, napapakasya ko roon ang sampung manok,” aniya.

            Nakapagparami siya noon ng manok dahil mayroon pa siyang nakatutulong. Pero nung mag-isa na lang siya ay kinuntian na lang niya ang kanyang mga manok. Mahirap din kasing magbantay sa manukan dahil kailangan lagi mong pinupuntahan. Madalas kasing malagutan ng tali ang kanyang manok. At kapag nakawala ay binabanatan ang kasamahang manok.

            Ang linyada ni David sa kanyang manukan ay binubuo ng Roundhead, Spartan Black at Spartan Gold na nakuha niya kay Nene Abello. Mas gusto niyang bumili ng manok sa mga kilalang breeder kaysa kung kani-kanino. Para sa kanya, “Kung sa tabi-tabi ka lang kukuha, ano’ng saysay ng pag-aalaga mo ng manok? Eh, ‘di dun ka na sa matino, gastusan mo man ‘yan at least talagang may sinabi”.


            Hindi lang basta nagpapalahi ng manok si David. Sinusubukan muna niya ang kanyang manok bago niya gawing materyales. Halimbawa, nakapaglabas siya ng anim o pitong lalaki, bago ibenta ay ilalaban muna niya ang dalawa o tatlo. Kapag lumusot ay pananatilihin niya ang lahi at kung magbenta man siya ay pailan-ilan lang. “Kapag stag pa lang isasabong ko na, tapos kapag naging isa o dalawang taon na, ‘yun uli ang sunod na sabong n’ya. Kapag lumusot pa uli gagamitin ko nang pansalang o materyales”, sabi niya.

            Taon ang binibilang bago makapagsabong si David dahil pang-breeding purposes lang ang kanyang pakay. Saka gusto niyang maobserbahan ang laro ng manok. Pero bihira mang maglaban, ipinagmalaki ni David na magaganda ang performance ng kanyang mga manok. Natatawa siya habang ikinukuwento ang nangyari sa kanya noon sa sabungan ng Angono. Inaayawan na siya ng kanyang mga nakakatapat. Sa halos isang linggong punta niya kasi roon ay nakalusot ang limang manok niya. Aniya, “Ultimong manok ni Ito Ynares binangga ko ‘yan. Nung paresan para akong maysakit, iniiwasan nila ako. Ba’t raw nila ako lalabanan eh mga derbista niyayari ko, sila pa kayang mga backyard?”

            Sa pag-aalaga ng manok, importante kay David na pagtuunan ng pansin ang kalusugan ng mga ito. Unang-una diumano tinitiyak niyang malinis ang kanyang manukan. Iniiwasan niyang magkaroon ng mga langgam, bulate at iba pang insekto ang paligid dahil nakasisira ito sa itlog ng manok. Kaya’t ang ginagawa niya ay binubuhusan ng gamot panlaban sa insekto ang lupa para mapuksa ang mga ito. Sinisiguro niya rin na maganda ang pakain niya sa manok para manatili silang malusog.

            Kapag nagkukundisyon si David, sinusunod niya ang praktis na 21 days conditioning. Naniniwala kasi siya na sa pagsunod dito ay makikita mong iba talaga ang aksyon ng manok. Nagpapakahig, nagbibitaw at pinapaliguan niya rin ang manok pagkatapos ay susubuan ng vitamin at saka pupurgahin.


            Sinabi ni David, “Limang araw bago ang laban mag-limber ka. Makikita mo ang kundisyon ng manok kung ang gamot at pagkain na ibinibigay mo ay maganda ang epekto”. Mapapansin mo diumano na walang ibang ginawa ang manok kundi ang umikot nang umikot. Hindi ito mapakali at parang gusto nang lumaban. Pero kahit maganda ang kundisyon ng manok tapos nakita mong hindi maayos ang dumi nila ay hindi na niya ito inilalaban. “Ang dumi kasi ng manok kailangan hindi malambot at hindi rin naman matigas. Kapag matubig ang dumi huwag mo na ilaban kasi may nararamdaman ‘yan”, pagtatapos niya. 
  
Loading...

Recent Posts