Pagdating sa pagpili ng katawan ng manok, iba-iba ang gusto ng mga sabungero. Mayroong ang gusto ay small station at mayroon din namang ang gusto ay high station na manok. Pero siyempre, 'di rin naman mawawala ang mga sabungero na ang gusto ay medium station lang. Iba-iba ang kanilang dahilan kung bakit ito ang kanilang pinipili, depende na rin sa kung ano ang kanilang naobserbahan o nagpapanalo sa kanila sa laban.
Sinasabi ng ilang sabungero na pabor sa low station, mas gusto nila ito dahil kapag maliit ang manok ay mas maliksi itong kumilos. Wala naman daw kasi sa height 'yan kundi nasa ikinikilos ng manok. Kapag masyado raw kasing matangkad ay posibleng matuntungan o maupuan pa ang tari paglapag nito sa lupa. Isa pa, kapag malaki ang manok, siyempre mas mabigat ito kaya't may posibilidad na mabagal ang kilos nito. Bago pa man makapalo ay nauunahan na ito ng kalaban.
Sinasabi naman ng mas pabor sa mataas ang height, ayaw nila sa maliit dahil maiksi lang ang paa nito. Eh, ang matatangkad na manok mahahaba ang paa kaya't mahaba rin ang abot ng palo nito. Anila hindi naman porke't mataas na manok ay mabigat na. Inaalam naman ang timbang ng manok bago ito ilaban. Para sa kanila, mas malakas ang dating ng matangkad na manok. Kumbaga sa tao kapag matangkad ay kapansin-pansin agad kumpara sa maliliit na tao.
Samantala, sabi naman nang may mga gusto sa katamtaman lang, ito raw ang pinakamainam na height ng manok dahil balanse lang ito. Kumbaga sa pagkain ay tamang-tama lang ang timpla, hindi masyadong matamis at hindi rin naman matabang dahil nasa gitna lang. Sinasala diumano nito ang disadvantages sa pagitan ng maliit at matatatangkad na manok.
Pero 'di rin naman maikakaila na may mga sabungero na hindi tumitingin sa height ng manok. Basta't nakita nilang magaling pumalo ay uubra na sa kanila. Ikaw kasabong, ano ang gusto mo, low, medium o high station na manok?