Ang World Slasher Cup ang itinuturing na
kauna-unahang international derby sa Pilipinas. Dalawang beses itong isagawa sa
loob ng isang taon, kada-buwan ng Mayo at Hunyo. Pinamumunuan ito ni Nene
Araneta na kilala ‘di lamang sa pagiging mahusay na business man kundi pati na
rin sa kanyang pagkahilig sa manok. Ang World Slasher Cup ay dinadaluhan ng mga
big na breeder, mapa-Pilipino man o mga foreigner. Isinasagawa ito sa Smart
Araneta Coliseum na tumatagal sa loob ng isang linggo. Mula sa dating 8-cock ay
naging 9-cock derby na ito. Ibig sabihin ay lalo itong lumalakas sa paglipas ng
panahon.
Ang presscon ng World Slasher Cup ay karaniwang isinasagawa sa may
Gateway Mall at sa Balai, na malapit lang sa Farmers Plaza at katapat ng EDSA.
Kung ikaw ay taga-media, nakatutuwang dumalo sa presscon dahil bitbit ni Nene
Araneta ang ilang mga kinatawan sa Binibining Pilipinas na sumali na o sasali
pa lang sa international beauty contest. Pinapahawak sila ng mga manok habang
isinasagawa ang ritual ng World Slasher Cup, isang araw bago umpisahan ang
naturang derby. Ilan lang sa mga regular na makikitang sumasali rito ay sina
Dicky Lim, Nene Abello, Engr. Sonny Lagon, Boy Marzo, atbp.
Noong una ay mga kilalang at mga bigtime na sabungero lang ang nananalo
rito gaya nina Peping Cojuanco, Patrick Antonio, atbp. Pero buhat nang manalo
si Rey Briones ng Spartan Gamefarm ay nagbago na ito. Nabigyan din ng
pagkakataon ang iba na manalo. Ayon kasi kay Tata Rey ay nabibilang siya sa
marginalized breeder at dahil sa World Slasher Cup ay talaga namang gumanda ang
kanyang cockfighting career. Ang dating maliit niyang gamefarm ay napalaki
niya. Napaikot niya nang husto ang kanyang naging premyo. At dahil sa marami na
ang nakakakilala sa kanya ay marami ring bumibili ng kanyang mga manok.
Pinatunayan niya na hindi lang tyamba ang kanyang pagkakapanalo dahil nanalo pa
siya rito ng ilang beses.
Bukod kay Tata Rey, nagwagi rin ang dati namang ‘di kilalang breeder na
si Engr. Sonnie Magtibay ng Red Cobra Gamefarm. Bago ito ay naging financier
siya ni Boy Tanyag ng CRB Gamefarm at nanalo sila sa Bakbakan. Dahil sa pagkakapanalo
ni Engr. Magtibay ay kinuha pa siyang product endorser ng isang malaking
kumpanya na gumagawa ng gamefowl feeds. Bagama’t ‘di na naulit pa ang kanyang
pagkakapanalo sa World Slasher Cup, once na mag-champion ka sa isang prestige
derby ay tatatak na ito sa isip ng marami at maituturing nang isang history.
Marami na ring mga simpleng sabungero ang sumasali rito. Ang ginagawa nila kung
hindi sila naghahanap ng financier ay nag-aambag-ambag sila ng pera. Hindi kasi
biro ang pot money kapag sasalo ka rito kaya’t kailangan mo talagang maghagilap
ng pondo. Pero sa mga bigtime na magsasabong, sisiw na lang ito. Kahit sino’ng
sabungero ang tanungin mo, pangarap nilang maging champion sa World Slasher
Cup!