Sunday, August 23, 2015

Peruvian, Patok sa mga Sabungero sa Pilipinas

Photo from www.ultimatefowl.com
              Sa kasalukuyan ay sikat na sikat ang manok na Peruvian sa atin. Marami kasing mga sabungerong Pinoy ang nagbi-breed nito. Bumilib kasi sila sa istilo ng pakikipaglaban ng manok na ito. Multiple shuffler kasi sila at kapag pumalo ay talagang ubod ng lakas. Kailangan mong mag-ingat nang husto kapag kukunin mo ang manok na ito kapag ini-spar. Mahirap na kapag napalo ka dahil siguradong iindahin mo.

            Nagtataka ang ilang sabungero kung bakit nagbi-breed ang iba ng Peruvian. Eh, sa laki ng manok na ito ay 'di mo naman puwedeng ilaban sa sabungan. Ang Peruvian kasi ay may tumitimbang mula tatlo hanggang anim na kilo. Kumbaga, sa weight limit pa lang ng labanan sa atin ay 'di na uubra. Kung ganun, mahilig nga lang ba tayong makiuso? Hindi naman siguro. Saka hindi naman masamang makiuso kung 'di naman ito nakasasama sa atin. Isa pa, hindi sisikat o magugustuhan ng marami ang Peruvian kung wala silang nakikitang espesyal dito.

            Oo, wala pa namang Peruvian derby sa Pilipinas, pero puwede naman natin silang paliitin sa pamamagitan ng pagku-cross sa Western fowls. Kaya't di na dapat pang gawing isyu ang sukat ng manok na ito. Marami nang gumagawa sa atin n'yan, nangunguna na sa listahan si Vic Lacsao na nagkampeon sa Bakbakan 2012 gamit ang kanyang mga manok na nai-cross sa Peruvian. Ang ilan naman, mas pinipili nilang panatilihin ang pagkapuro ng Peruvian dahil ipinagbibili nila ito sa labas ng bansa gaya sa Malaysia, Vietnam, Indonesia, etc.

            Ayon sa mga tala, ang Peruvian ay nagmula sa bansang Peru. Nagsimula itong idebelop noon pa mang 16th century. Ang dugo nito ay binubuo ng pitong uri ng manok gaya ng jungle fowl, Asil, Shamo, Sumatra, Old English at American fowl. Kaya't huwag magtaka kung bakit malalaki at napakalakas ng manok na ito. Tingnan mo na lang ang Asil at Shamo, 'di ba't ang lalaki nilang mga manok? Huwag ding magtaka kung bakit mas mahal ang presyo nito kumpara sa Western fowls.


            Hindi natin masasabi kung hanggang kailan magtatagal ang pagkahumaling ng mga sabungerong Pinoy sa Peruvian. Basta't ang alam natin ay mabentang-mabenta ito para masubukang palahiin. Posibleng sa hinaharap ay magkakaroon na rin ng Peruvian derby sa atin. Dedende na rin kung sa magtutuluy-tuloy ang pagkahilig ng mga sabungerong Pinoy sa manok na ito.
Loading...

Recent Posts