Sadyang hindi tumitigil sa pag-iisip ang FIGBA
(Federation of International Gamefowl Breeders Association), dating kilala sa
tawag na NFGB (National Federation of Gamefowl Breeders Association) kung paano
makapagbibigay ng magandang laban sa mga sabungero. Maliban sa BAKBAKAN at
Bullang-Bullang ay isa na namang malaking pasabong ang kanilang binuo. Ito ay
ang SABAYAN PARA SA MASA 7-STAG DERBY.
Ang SABAYAN ay tiyak na maiibigan ng
masang magmamanok. Mababa lang kasi ang pot money na nagkakahalaga ng P5,000.
Samantalang ang minimum bet lang ay P3,300. Sampung milyong piso ang nagsisilbi
ritong guaranteed prize. Naiiba ang SABAYAN kumpara sa mga nauna nang pa-derby
ng FIGBA. Hindi lang kasi iisa o iilan lang ang puwedeng magkampeon. Dahil ang
bawat asosasyon na nasa ilalim ng pederasyon ay mabibigyan ng pagkakataon na
manalo.
Ang SABAYAN ay may format na 3-4. Magkakaroon ng 3-stag elimination ang
bawat asosasyon sa kani-kanilang lugar. Ang mga kalahok na makakakuha ng puntos
mula dalawa hanggang tatlo ay makakapasok sa 4-stag final. Sabay-sabay itong
gagawin sa mapapagpasunduang sabungan ng mga asosasyon.
Ang FIGBA ay naitatag
noong taong 2000 at kasalukuyang pinamumunuan ni Ricoy Palmares, Jr. Nagpalit
sila ng pangalan dahil hindi lang Pilipinas ang nais nilang saklawin.
Kasalukuyan na silang nakikipag-alyansa sa ating mga karatig-bansa. Katulad ng
BAKBAKAN at Bullang-Bullang, inaasahang guguhit din ang SABAYAN sa kasaysayan
ng sabong sa Pilipinas.