Ang pagki-kristo kung
titingnan mo ay parang mahirap dahil kinakailangan ng talas ng mata at bilis ng
utak. Pero kapag pinag-aralan mo naman ay nagiging madali. Ito ang sinabi ni
Lawrence Almirol, isang freelance kristo nang kapanayamin siya ng Sabong
Ngayon.
Siyempre, kapag kristo
ka kinakailangan ay magaling kang magkuwenta o kabisado mo na ang mga logrohan.
Saka dapat ay natatandaan mo rin kung sino ang mga kapustahan mo para ‘di
sumabit sa amo.
Haiskul pa lang si
Lawrence nang matutunan niya ang pagki-kristo. Madalas kasi siyang isama ng
sabungero niyang tiyuhin sa mga tupa-tupada. Medyo may edad na rin ang kanyang
tiyo kung kaya’t siya na ang pinapapusta nito. Ito mismo ang nagturo sa kanya
kung paano ang mag-kristo.
Ano nga ba ang
pinagkaiba ng in-house kristo at ng isang freelancer na gaya ni Lawrence? Kapag
in-house raw, kapag may palaban ang sabungan ay obligado kang pumunta.
Nagbibigay din sila ng butaw o ‘yung perang ibinibigay para sa samahan ng mga
kristo. Para kapag may nagkasakit sa mga miyembro ay matutulungan sila.
Siyempre, kapag freelancer ay bahala ka na sa diskarte mo. Sabi niya, “Di lang
naman pagki-kristo ang inaasikaso ko, nag-aalaga rin ako ng mga manok”.
Bilang isang
freelancer, iba-iba ang amo ni Lawrence. Kung saan-saan siyang sabungan
napapadpad depende kung saan siya yayain ng kanyang amo. Para magtagal sa
ganitong trabaho, kinakailangan diumano na maging loyal sa iyong amo para
maging maganda at magtagal ang inyong samahan. “Maging transparent ka lang lagi
sa amo mo,” giit niya.
Minsan, napapadayo sa
malalayong lugar si Lawrence gaya nang mapadayo sila ng kanyang amo sa
Tacloban. Baliktad diumano doon ang logrohan. Ang dinigiga mo sa kanila ay
mismong capital mo na. “Halimbawa, kung dito sa atin sasahod ka sa diyes ng
apat na libo, tatama ka ng apat na libo. Doon sa kanila, limang libo ang
sasahurin mo sa diyes, tatama ka ng apat na libo,” isplika niya. Kapag ‘di na
niya alam ang kalakaran sa isang lugar ay sinasabi niya sa kanyang amo na
maghanap na lang sila ng ibang kristo. Mahirap na kasi ang mapasubo pa.
Nauunawaan naman siya ng kanyang amo basta’t ang importante ay kasama siya.
Kampante na kasi ang kanyang amo sa kanya.
Sinabi ni Lawrence na
sa pagki-kristo ay walang fix rate. Aniya, “Depede sa amo ‘yan, kapag nanalo
ang amo meron ka rin. Minsan may mga amo naman na galante. Nakikita nila ang
pagod mo, bibigyan ka pa rin. Kahit paano ‘di ka mawawalan”.
Dahil sa trabahong ito
ni Lawrence ay naitataguyod niya ang kanyang pamilya. Kapag kumita ay
nakakapag-uwi siya ng maganda-gandang pera. Nabibigyan niya ang kanyang asawa’t
mga anak. Kahit kumain pa sila sa labas ay walang problema. Kumbaga, nagiging
masaya ang kanyang pamilya. Tatlo ang mga anak ni Lawrence. Ayos lang sa kanya
kung mayroon sa mga ito ang sumunod sa kanyang yapak. Wala naman daw kasing masama
sa kanyang trabaho.