Thursday, December 29, 2016

Ruben Escover: Sakripisyo sa Pagmamanok


            Ang pagkakaroon ng farm ay maituturing na sakripisyo dahil maraming kailangang gawin para ito ay mapatakbo nang maayos. Siyempre, pangunahin na rito ang usaping pinansiyal dahil hindi biro ang gastos kapag mayroon kang farm. Pero kung talagang hilig mo ang pagmamanok, anumang hirap ay hindi mo iindahin. Ito ang mensaheng ibig iparating ni Ruben Escover ng RRJA Gamefarm.

                Si Ruben ay 55-taong gulang, may pitong anak at tubong Alfonso, Cavite. Dise siyete anyos siya noong magtrabaho siya sa pabrika ng tela. Nang mawalan ng trabaho ay kinarir na niya ang pagmamanok. Pinasok niya ang pagiging mananari at noon pa man ay naglalaban na rin siya ng mga manok. Pero bata pa lang ay namulat na siya sa sabong. Naimpluwensiyahan kasi siya ng kanyang mga kaibigan na mahihilig sa manok. Ikinuwento niya, noon diumano ay Texas at Balulang pa ang usong mga manok. Base sa kanyang obserbasyon, mamagaling lang ang mga manok noon sa angatan, pero 'di gaanong nakatatagal sa basaan at mahina ring uminda ng sugat. Hindi katulad ngayon na hybrid na ang mga manok at talaga namang matitindi pagdating sa labanan; mapa-angatan man o sa ibaba.

                Naisipan ni Ruben na magtayo ng farm dahil sa ganda ng performance na ipinapakita ng kanyang mga manok. Kaya't nagpasya siyang paramihin ang mga ito dahil maraming buyer ang naghahanap matapos nilang mapanuod ang laban ng kanyang mga manok sa sabungan. Sa ngayon ay nakapokus na siya sa pagpapalahi ng manok. Kasosyo ni Ruben sa farm ang kanyang kumpare na si Ryan Mendoza. Ang RRJA ay hango sa pangalan nilang dalawa at iba pa nilang mga kumpare (Ruben, .Ryan, Juanito at Albert).

                Nagsimula lang sina Ruben sa dalawampung mga manok hanggang sa umabot na ito ng isang daan at limampu. Tatlong linyada lang ang kanilang pinapaikot dito at ang mga ito ay ang Irish Dome na galing kay GenGen Arayata, Mel Sims at Big Pyle na Richard Bates. Napili niyang palahiin ang nasabing mga linyada dahil subok na nila ito. Nakakuha rin sila ng manok kay Eddie Ballesteros ng Bacolod. Ibinida ni Ruben ang kanilang Bulik, "Talagang maayos ang performance ng Bulik namin, may cutting. Saka ang Bulik 'di na nawawala sa laban. Bihira lang sa kanila ang pangit lumaro". Nito lang Marso ng taong kasalukuyan ay dalawang beses silang nagkampeon sa 3-cock derby gamit ang Bulik.


                Noong una, kapag lumalaban ay sila lang ang nagpi-finance ng sariling mga manok. Pero nang makita ng iba na magandang lumaro ang kanilang mga manok ay nakakakuha na sila ng financier. Sa ngayon ay halos lingu-linggo na kung sila ay magsabong. Kung may laban man siya na 'di malilimutan, ito ay noong bago magsimulang magkaroon ng farm si Ruben. Nagkampeon sila ng kanyang mga kumpare sa 6-cock derby sa Pasig noong 2012. Napakasaya ng sandaling 'yun dahil sila lang ang nag-finance ng kanilang mga manok.

                Kung ikukumpara ni Ruben ang pagtatari at pagiging farm owner, sinabi niyang mas madali ang pagtatari. Kapag may laban ka lang kasi magtatrabaho, pagkatapos magtari ay puwede ka nang magpahinga. Aniya, "Kapag farm owner ka, kailangan mo talagang magsakripisyo. Gaya rito sa amin, bukod sa owner ay ako rin ang nagsisilbing manager, boy atbp. Bihira na nga lang akong umuwi sa bahay namin". Palibhasa ay itinuturing niyang passion ang pagmamanok kaya't bagama't mahirap ay masaya niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Sa farm na nga rin siya natutulog. Paggising sa umaga ay nagtitimpla siya ng pagkain ng manok. Bahagya lang magpapahinga sa tanghali, pagkatapos ay balik na naman sa gawain. Titigil lang siya kapag maggagabi na. "Kung iiwan ko ang pagmamanok tapos wala na akong ibang trabaho; sigurado 'yung katawan ko babagsak. Eh, napakalaking excercise sa akin ng pagmamanok", dagdag pa niya.


                Naniniwala si Ruben na kung may sakripisyo, siyempre aanihin mo rin ang mga itinanim mo. Kumbaga ayon na rin sa kasabihan, kung may tiyaga, may nilaga. Kapag magtatayo ka ng farm, kailangan mo talagang mamuhunan. Pero natutuwa siya dahil ngayon ay nakabawi na sila. Minsan nga sa dami ng mga buyer ay tinatatanggihan na nila ang iba dahil baka sila naman ang maubusan. Kapag kakapusin ng budget, dito na sila nauobligang magbenta ng manok. Ang kanilang stag ay mabibili sa halagang limang libo habang ang bullstag naman ay nagkakahalaga ng pitong libong piso. Sa ngayon, ang balak lang ni Ruben ay i-maintain ang farm. Pero kapag dumami pa ang kanilang mga manok ay magtatayo sila ng farm sa Cavite.


                Sa mga gustong pasukin ang pagmamanok, ipinapayo ni Ruben, "Pumili kayo ng magandang materyales dahil ang iisipin mo rito ay ang gastos mo". Pareho lang diumano ang iyong gagastusin, maganda man o pangit ang manok mo na nakuha. Kaya para 'di masayang ang gastos ay magandang materyales na ang kunin mo.
Loading...

Recent Posts