Thursday, December 29, 2016

Ang Pagsikat ng Jet Sweater Gamefarm

Photo Credit: Jet Sweater Fb fan page
     
            Matunog na matunog ngayon ang pangalan ni Jet Olaguer, 31-taong gulang ng Iloilo, Panay Island dahil sa kanyang manok na Jet Sweater. Bukod kasi sa guwapo na ay mahusay din ito. Pero ayaw niyang solohin ang karangalan dahil ibinabalik niya ang papuri kung saan nanggaling ang kanyang Sweater.

            Nagkahilig si Jet sa manok dahil nabibilang siya sa pamilya ng mga sabungero. Ang lolo pa nga niya noon ay nagmamay-ari ng sabungan. Nang una ay 'di niya gaanong siniseryoso ang pagmamanok dahil patigil-tigil siya. Medyo bata pa siya noon kaya't mas gusto niya ang dumalo sa mga party. Isa rin kasi siyang disc jockey sa mga club. Pero nang manalo sa Candelaria derby noong 2005, doon na siya nagseryosong magmanok. Aniya, "Na-aapreciate ko kung gaano kasarap ang mag-champion. Iba talaga ang pakiramdam, eh". Mas tumutok siya sa pagmamanok nung makakuha na siya ng magandang materyales.

            Nabanggit ni Jet na noong nagkampeon sila sa Candelaria, ang nakalaban ng kanilang manok na Black ay Sweater. Parang gusto pa nga niyang manalo ang manok ng kalaban dahil ang guwapo kumpara sa kanilang manok. Nung manalo sila laban sa Sweater, tinawagan niya agad ang kanyang mga tito na nasa Amerika at humiling siya na ibili siya ng guwapong manok. Sabi niya, "Bumili sila ng Sweater kay Bruce Barnett. Then,after na ma-breed 'yung mga Sweater, nakakuha rin ako ng Sweater kay Sonny Lagon na galing din kay Bruce tapos kay Nene Abello rin". 

            Noong 2008 ay nakilala niya ang Escolin Brothers na sina Martin at Marlon Escolin at nakakuha siya rito ng Sweater na Dink Fair 5k line pati na rin ng Boston Roundhead. "Noong makakuha ako sa kanilang ng Sweater, nag-heavy na ako run. Lahat ng manok ko ngayon, heavy sa 5k line pero may Bruce pa rin, Nene Abello at Sonny Lagon tapos may konting Joe Sanford," paliwanag niya. Dito na nabuo ang kanyang linyada na tinatawag na Jet Sweater.

            Simula diumano nang makakuha si Jet ng manok sa Escolin Brothers ay doon na naging maayos, guwapo at magagaling ang kanyang mga manok. Habang nagbi-breed siya ay ginagabayan siya nang magkapatid. Kaya't malaki ang kanyang pasasalamat sa kanila dahil sa walang sawang pagsuporta ng mga ito sa kanya. Masuwerte raw siya dahil malapit lang ang farm ng Escolin Brothers mula sa kanila. Nasa mahigit isang oras lang ang biyahe.

            Inilarawan ni Jet ang kanyang Sweater, kapag pumalo ito ay mapaa, malakas mag-break at magaling ding tumiyempo. Saka isa pa, guwapo. Aniya, "Maraming guwapong manok d'yan, pero 'di magaling. Itong ginawa kong Jet Sweater kumpleto na". Nagamit na raw niya ito sa World Slasher Cup 2016 kung saan ay nakakuha siya ng 6 wins, 1 draw at 1 loss. Ang tumabla na manok ay naputulan lang ng tari. Pero winasak naman nito ang kalaban, 'di nga lang napatay.

            Nang tanungin si Jet kung bakit pumutok nang husto ang kanyang pangalan, sinabi niyang sinuwerte siya dahil na rin sa tulong ng Escolin Brothers. Masuwerte rin siya at nakakuha siya ng magagaling manok. Bukod sa maganda na ang bloodline, sinabayan pa ito ng magandang pedigree kaya't naging healthy ang kanyang manok. Aniya, "Sisiw pa lang ay B-Meg Integra na ang ginagamit ko kaya't 'di nagiging sakitin ang mga ito. Sisiw pa lang sila, pero kapag hinawakan mo para silang billiard ball na buong-buo. Umulan man o bumagyo 'di sila basta magkakasakit".

            Sa palagay din ni Jet, tumunog ang kanyang pangalan dahil tuwing may gamefowl expo ay mga manok na de kalidad ang kanyang ibinebenta sa mga costumer. Dahil dito ay nakukuha niya agad ang tiwala ng mga tao. Kaya't 'di na rin nakapagtataka kung bakit nagiging bukambibig ng iba ang kanyang pangalan.

           Talagang nagpapakatotoo si Jet dahil kahit ultimo mga laban na natalo siya ay ina-upload niya. Para kasi sa kanya, natural lang naman ang natatalo. "Kasi kung ang manok ko, 'di natatalo matagal na tayong milyonaryo, natatawang sabi niya". Ang importante ay mas lamang ang panalo kaysa talo.

            Si Jet ay isang full-time breeder, pero 'di niya maiaalis ang kanyang pagiging-dj. kaya't kapag may oras siya ay binabalikan niya ito.

            Ang cording area ni Jet ay nasa tatlong ektarya. Mayroon din siyang tatlong range area na tig-iisang ektarya. Magkakahiwalay ang mga ito, pero nasa isang lugar lang. Sa isang breeding season, nakakapagpalabas siya ng 2,500 ulo kasama na ang mga babae.

            Walang ibang binabalak sa hinaharap si Jet kundi ang pagbutihin pa lalo ang kanyang pagmamanok. Gusto niya ring paramihin pa ang kanyang produksyon dahil 'di niya mabentahan lahat nang mga gustong kumuha sa kanya. 'Di nga rin siya makapagpagulang ng manok dahil sa dami ng order. Ang pinapagulang lang niya ay 'yung mga isinasali niya sa World Slasher Cup at Candelaria derby.

            Nabanggit niya rin na gustung-gusto niyang mapagwagian ang BAKBAKAN. Kaya lang ay mas inuuna niya ang mga buyer. "Kung mag-champion sila sa BAKBAKAN parang ako na rin ang nag-champion. Saka gusto ko happy ang mga buyer ko para magpabalik-balik sila sa akin", seryosong pahayag niya.

            Maraming buyer si Jet sa Pilipinas, pero ang pinakamalakas niya raw na buyer ay taga-Indonesia. Seasonal lang ito kung bumili, pero kapag bumili ay bultuhan. Kumukuha ito sa kanya mula 200 hanggang 300 heads. Nagpi-finance rin ito sa kanya sa World Slasher Cup. Minsan, pinustahan ng Indonesian ang kanyang manok ng 18 million pesos. Noong manalo, pagkalipas ng isang linggo isinabong nito ang manok ni Jet at pinustahan naman ng 28 million pesos, panalo pa rin!

            Maliban sa Pilipinas at Indonesia, mayroon din siyang mga costumer na sa Malaysia, Vietnam, Cambodia pati na rin sa Mexico. Thirty percent nga raw sa kanyang mga follower sa FB ay mga Mexican.

            Sa mga baguhang magmamanok, ipinapayo ni Jet na mas mabuting bumili ng materyales sa mga breeder na 'di lumalaban. Aniya, "Kasi kapag lumalaban parang itinatago ang materyales. Kapag breeder talaga ang kukunan mo, may tendency ka talaga na makakakuha ka nang maayos na manok gaya sa Escolin Brothers". Ang materyales daw kasi nila ay totoo. Sa tingin pa ni Jet, malaking porsyento ng mga sabungero sa FB ay galing sa Escolin Brothers ang mga manok nila. "Kung bibigyan ako ng chance na magsimula uli at wala ang manok ng Escolin Brothers, ayoko nang mag-breeder," pagwawakas niya.

Maaaring kontakin si Jet sa 0917-688-8028.
Loading...

Recent Posts