Saturday, October 29, 2016

Isang Pagpupugay sa Mga Backyard Breeder

             
                Ang mga backyard breeder ang nagsisilbing gulugod sa industriya ng sabong. Kaya’t nararapat lamang na ‘di maliitin ninuman ang katulad nila. At lalong hindi sila dapat ikumpara sa mga bigtime breeder. Dahil kung wala sila ay ‘di rin mabubuo ang  ating industriya. Malayu-layo na rin ang narating ng mga backyard breeder dahil sa kasalalukuyan ay marami na ang gumagawa sa kanila ng pangalan. Nagagawa na kasi nilang makipagsabayan at manalo sa malalaking laban gaya ng Bakbakan at maging sa Digmaan stag derby.

                Lubhang mapamaraan ang mga backyard breeder dahil nama-maximize nila gaano man kaliit ang espasyo na meron sila. Kahit sa harap o likod bahay makapaglagay ng manok ay ayos na. Meron pa ngang nag-aalaga ng manok sa bubungan ng bahay nila. Basta’t kung saan puwedeng pagtalian ng manok ay uubra na. 'Ika nga, makakakita ka ng manok kahit sa tabi-tabi. Ginagawa nila ito para mairaos ang kanilang hilig. Hindi hadlang ang kalatayuan sa buhay para makapagmanok. May mga Amerikano nga na namamangha sa bansa natin. Kasi kahit saan sila magpunta ay may nakikita silang nagmamanok. Kahit sa tingin nila, ang pinakamahirap na pamilya ay nag-aalaga pa rin ng manok. Sa ganang atin, ‘di na ito nakapagtataka lalo’t ang sabong ay nakaugat na sa ating kultura. Kumbaga, nakabaon na ito ng malalim sa ating sistema. Padating sa sabong, lahat ay nagkakapantay-pantay. Mapa-mahirap o mayaman ay nagkakabungguang balikat sa sabungan. Siyempre, mga backyard breeder ang karamihan ng bumubuo sa industriya ng sabong sa bansa natin. 

                Kahit mga ordinaryong sabungero ay marami na ring nalalaman sa pagmamanok mula pagpapalahi, pagkukundisyon hanggang sa paglalaban ng manok sa ruweda. Bakit hindi? Eh, napakarami nang mapagkukunan ngayon ng impormasyon. Kabi-kabila na ang mapapanood na DVD's at sabong show sa telebisyon. Marami na ring nagkalat na mga babasahin patungkol sa paborito nating sport. Isama pa natin ang mga forum sites sa internet kung saan ang mga miembro ay walang sawang nagpapalitan ng kanilang mga kuru-kuro sa pagmamanok. Idagdag pa natin ang mga kumpanya ng gamot at patuka sa manok na laging nagbibigay ng libreng seminar para sa mga mananabong. Hindi lamang para i-promote ang kanilang mga produkto o serbisyo kundi pati na rin ang makatulong lalo na sa mga baguhang magmamanok. 

                Gaya nga nang nabanggit na, napakahalaga nang ginagampanan ng mga backyard breeder sa industriya ng sabong. Kung wala sila, hindi magiging ganito kasigla o kalaki ang ating industriya sa ngayon. Bagama’t kapos sa pinansyal na aspeto ay malaki ang kanilang naiaambag na kita sa mga kumpanya. Ang tingi-tingi nilang pagbili, kapag pinagsama-sama ay milyun-milyong piso na ang magiging katumbas. Saka kung walang backyard breeder ay wala ring masasabing bigtime breeder. Pero  ‘di na mahalaga kung backyard o bigtime breeder ka man o ‘yung tipong nasa gitna lang. Ang importante ay ipinagmamalaki mo na isa kang sabungero at nalilibang nang husto sa isport na ito. 
Loading...

Recent Posts