Wednesday, October 26, 2016

Ding Orbista: Usapang Sisiw at Pagpapalahi ng Manok

                                         
        Ang pagpapalahi ng manok ay isang seryosong gawain. Hindi ito puwedeng gawing biru-biro, 'ika nga. Marami ka kasing mga bagay na dapat isaalang-alang kapag gusto mo itong matutunan. Dapat ay tutukan at pag-aralan mo itong mabuti nang sa gayun ay 'di ka maligaw. Ganito ang naging tema nang aming makapanayam si Ding Bautista na nag-aalaga ng mga sisiw. 

Bata pa lang si Ding nang mahilig siya sa sabong. Siya ay 53-taong gulang at tubong Aklan at noong huling bahagi ng dekada '70 ay lumuwas ng Maynila para makipagsapalaran sa buhay. Minsan na ring siyang nanirahan sa may Cainta, Rizal at nag-alaga siya ng manok kahit sa tabing eskinita. Pero kahit noong nasa Aklan pa lang siya ay nagbi-breed na rin siya ng manok. 'Yun nga lang ay mga mestiso pa ang usong manok noon. 

Nang makalipat sa subdibisyon ay dala-dala pa rin ni Ding ang pagmamanok. Mayroon siyang kumpare na nagpapa-breed sa kanya ng manok. Katunayan, marami siyang inaalagaang mga sisiw na nakapuwesto sa bakanteng lote na may sukat na 228 sq. meters. Kapag puwede nang itali ay dadalhin na ang mga ito sa farm ng kanyang kumpare.

Nang tanungin si Ding kung mahirap bang mag-alaga ng sisiw, sinabi niyang simple lang namang alagaan ang mga ito. Ang kailangan lang ay laging malinis ang kulungan at dapat ding bigyan ng bitamina at tamang pailaw. Kapag nag-aalaga ka ng sisiw, dapat daw ay matiyaga ka talaga. Kapag season breeding ay nagpapapisa siya ng itlog sa hatchery. Kapag off season naman na konti lang ang mga itlog ay pinapalimlim na niya ito sa inahin. Sa bilang niya ay nakakapagprodyus siya ng dalawang daang sisiw na mga January born. Hindi naman gaanong nabubugukan ng itlog si Ding dahil mayroon namang pagkain sa inahin para ito ay maiwasan.  

                                            

Kapag nagpapalahi, kung ano ang linyadang galing sa kumpare ay 'yun na ang kanyang ginagamit. "Tested na namin ang mga inahin at broodcock kaya't 'di na kailangang magpalit ng bloodline," ani Ding. Sinabi niya na kapag nagbi-breed ay talagang importante ang linyada ng manok at dapat ay winning line. "Pero 'di naman masasabing lahat nang maipu-prodyus ay laging mananalo," giit niya.  Binigyang diin niya rin na lahat naman ng breeder ay may kanya-kanyang istilo sa pagbi-breed. 

Kapag hindi maganda ang nai-prodyus ng materyales ay aalisin na niya ito sa susunod na breeding season o 'di kaya'y kakatayin na lang niya. Pero kapag maganda ang naprodyus ay itutuloy lang niya ang paggamit. Kapag namimili ng pampalahi, ang gusto ni Ding dapat ay matangkad ang inahin at medyo bilugan ang katawan nito. Pagdating naman sa katyaw, dapat matangkad din ito at siyempre dapat ay winning line. Sinabi rin ni Ding, kapag nagbi-breed lalo na't maselan ang manok, kailangan ay matiyaga ka talaga. "Kung wala ka kasing tiyaga ay 'di ka rin magkakaroon ng magandang manok," sabi niya.

Naging malaking tulong para kay Ding ang pagmamanok. Nakakakuha siya ng porsiyento kapag nakakabenta ng manok ang kanyang kumpare. Siyempre, kapag lumalaban at nananalo ay may bahagi rin siya sa premyo. Isa lang ordinaryong sabungero si Ding kaya't kapag may sobrang pera at financier lang siya nagsasabong. Kontrolado niya ang kanyang sarili dahil maliit lang naman kung siya ay pumusta. Ayaw niyang isakripisyo ang budget para sa pamilya lalo na't nag-aaral pa ang kanyang mga anak. 

Habang nagmamanok ay sinasabayan din ni Ding ng pamamasada ng tricycle para mayroon siyang pambili ng patuka ng manok. Kanya-kanya kasi sila ng gastos ng kanyang kumpare. Madalas diumano ay nagsiselos ang kanyang asawa dahil mas inuuna pa niyang pakainin ang manok kaysa sa pamilya niya. "Minsan, sinusuportahan din naman ako ni Misis sa hilig ko. Pero babae 'yan eh, minsan 'di maiiwasan na pagselosan n'yan ang mga manok," natatawang sabi niya. 

May plano si Ding na bumalik sa probinsya, pero matagal pa 'yun dahil nag-aaral pa lang ang kanyang mga anak. Wala pa sa isip niya niya ang pagriretiro sa pagmamanok. Malakas pa naman siya kaya't itutuloy lang niya ito. "Naumpisahan ko na ito eh, kaya sige lang hangga't kaya pa ng katawan ko," pagtatapos niya. 
Loading...

Recent Posts