Bilang isang breeder, kinakailangan nating mamili ng maayos na materyales para maging matagumpay ang ating pagbi-breed. |
Sa dinami-dami na ng mga nakapanayam namin na mga gamefowl breeder, kapag tatanungin sila kung ano ang maipapayo nila sa mga gustong magsimulang mag-breed. Halos pare-parehas lang ang sasabihin nila, ito ay ang magsimula sa maayos na materyales. Kapag sinabing maayos na materyales, dapat diumano ay 'di ito kinuha lang kung saan-saan. Mas maganda kung sa respetadong breeder kukuha ng bloodline para sigurado.
Pero sabi ng iba, mas maganda kung kakaibiganin mo ang breeder na pagkukunan mo para magandang manok talaga ang ibibigay sa iyo. Meron din kasing mga breeder na itinatago ang magaganda nilang bloodline. Ang ibibigay na lang sa mga buyer ay 'yung mga napagpiliian na nila o tira-tira na lang 'ika nga.
Bakit nga ba kailangan ng maayos na materyales? Siyempre, mapa-pangit o mapa-magandang manok ay iisa lang ang gastos d'yan. Kaya't bakit ka mag-iinvest sa manok na walang kasiguruhan kung sa bandang huli ay sakit lang sa ulo ang iyong mapapala. Alam naman natin na 'di biro ang pag-aalaga ng manok.
Kung tatanungin naman kung ano ang magandang klase ng katawan ng manok ang dapat piliin. Madalas i-suggest ng mga nauna ng breeder, dapat daw ang katawan ng manok ay parang sundalo kung tumayo animo'y naka-45 degree. Siyempre, 'di ito masapola o medyo mataba. Kung height ang pag-uusapan, mas marami ang pabor sa medium station. 'Di kasi gaanong maiksi o mahaba ang paa nila kaya't kapag pumalo ay sasakto sa kalaban. Pagdating naman sa babae, marami ang may gusto sa may katawan na medyo hugis-puso. Kumbaga sa tao ay medyo sexy 'ika nga.
Sa huli, nasa magmamanok din naman kung ano ang gusto niyang piliin dahil siya naman ang mag-aalaga nito. Pero maganda na rin na may mga napulot na tayo mula sa mga breeder na may mas karanasan o nauna na sa atin. Nang sa gayun ay mayroon tayong pattern na susundan.
.