Wednesday, August 30, 2017

PZD-JPY Gamefarm, Pride ng Davao City

Si Puloy Aquino habang nasa FIESTAG (Kuha ni Rod Valenzuela)
Ang Davao sa kasulukuyan ay kinikilala sa buong Pilipinas dahil ito ang nagsisilbing tahanan ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na dating alkalde roon. Pero sa mga magmamanok, kilala rin ang Davao dahil tahanan ito ng mga tigasin at malalaking breeder. Dito rin matatagpuan ang  PZD-JPY Gamefarm na pagmamay-ari nang magkakaibigan na sina Vice Mayor Paolo Duterte, John Patrick Yao at Puloy Aquino.

Nakapanayam ng Sabong Ngayon ang breeder na si Puloy. Ayon sa kanya, taong 2000 pa silang tatlo nagkasama sa pagmamanok. ‘Yun nga lang ay naging on and off ang kanilang pagbi-breed. Pagkatapos ay may sampung taon din siya na namalagi sa Amerika. Sa ngayon ay may apat na taon na rin mula nang magbalik siya sa Pilipinas.

Wala nang balak pang bumalik sa Amerika si Puloy. Wala naman daw kasing sabong doon. Noong nasa Amerika siya ay naninibago siya at na-homesick sa manok. Isa na rin ito sa mga dahilan kung bakit siya nagpasya na bumalik sa bansa natin.

Ang PZD-JPY Gamefarm ay matatagpuan sa Catigan, Toril, Davao City. May kabuuang sukat ito na 20 ektarya. Pero nang magsimula ang farm ay nasa 5 ektarya lang ito. Kada-breeding season ay nakakapagprodyus sila ng 2,500 stags.

Ang farm nina Puloy ay binubuo ng maraming linyada. Kelso ang kanilang pinaka-main bloodline. Mayroon din silang Kelso, Sweater, Albany, Roundhead, Flarry Eye Grey at iba pa. Ayon sa kanya, ang Kelso ay magandang i-cross sa Hatch at saka sa Sweater. “Yung Kelso namin malipad ‘yun at maganda mag-cut. Kapag inihahalo namin sa Hatch ay nagkakaroon ng power. Kapag hinaluan naman ng Albany ay nagiging brainy,” paliwanag niya.

Si Puloy ang nagsisilbing tagapamahala at main breeder sa PZD-JPY Gamefarm. Si Vice Mayor Paolo naman ang may-ari ng lupa. Pagkatapos ay silang dalawa na ni John Patrick ang bahala sa lahat ng gastusin sa farm kasama na ang pansuweldo sa mga tao.

Bilang breeder, kapag namimili ng materyales si Puloy, ang una niyang tinitingnan ay kung malusog ang parent stock. Saka dapat maganda ang body conformation o balansyado ito. Sabi niya, “Dapat pula ‘yung mata. Kahit ‘di gaanong katangkaran basta alam ko na puro siya ok sa akin ‘yun. Kapag nai-breed ko na siya sa isang line, pinipili ko na ang mga nailabas. Itinatabi ko ‘yung mabababa. ‘Yung matatangkad ‘yun ang ginagamit ko”.

Kapag nagbi-breed si Puloy ay hanggang two-cross lang ang kanyang ginagawa. Kapag three way cross na raw kasi ay iba-iba na ang characteristic nang magkakapatid. Kapag pinu-point nila ay nahihirapan sila dahil iba-iba nga ang kanilang ugali. “Kapag two-way kasi uniform ang lumalabas. Ang characteristic  nila magkalapit lang,” paliwanag niya.

Nasabi ni Puloy na talagang matindi na ang labanan sa Davao. Nagkalat na raw kasi ang mga manok dito ni Beboy Uy. Maging sila ay nakakuha rin ng manok ni Bebot na Claret.

Kasapi sina Puloy ng Mindanao Gamefowl Breeders Association. Bukod sa pagsali sa local association, sumasali rin sila sa sa Araw ng Davao pati na rin sa A-Cup kung saan mga Sept-Oct. born ang inilalaban dito. Lumalaban din sila sa Maynila, sa NCA, UFCC at maging sa World Slasher Cup. Isa rin sila sa mga nangangarap na mag-champion sa WSC. “Siguro lahat naman gustong mag-champion sa WSC. Pero masarap din sigurong mag-champion sa NCA at UFCC,” nangingiting sabi niya.

Kapag may laban sila sa Maynila ay ang tao na nila na si Nino Yee ang bahalang magkundisyon ng kanilang manok. Kapag malaking event gaya ng WSC ay sinisiguro nila na makakapunta silang dalawa ni John Patrick.

Kung record ang tatanungin ay magaganda ang kanilang nagiging score sa mga laban na kanilang nasasalihan. Nag-champion na sila sa mga 3-4 stags sa Davao at madalas mapasali sa mga nag-iinsurance. Noong 2016, sa WSC-1 ay nakakuha sila ng 5 ½ points. Pagkatapos ng WSC-2 nang taong din ‘yun ay nagkampeon si Magno Lim kung saan ang ilan sa kanilang mga manok ay ginamit. Ang bloodline ng mga ito ay Kelso Sweater at Kelso Hatch.

             Nang tanungin kung ano ang reaksyon nina Puloy na maluluklok sa pinakamataas na posisyon ng gobyerno ang dating alkalde ng Davao, sinabi niya na ‘di nila ito sukat akalain. Dahil dito ay lalo raw nakilala ang kanilang farm dahil kay Vice Mayor Paolo na anak nga ng Presidente. Inilarawan niya ito na isang matulungin at napaka-busy na tao dahil laging tutok sa trabaho. Aniya, “Ang partner namin na si Vice Mayor Paolo, ‘di masyadong nagpupunta ng sabungan ‘yun. Kapag gusto niya lang tumaya, sumasama lang siya ng lima o ‘di-kaya’y sampung libo. Ganun lang siya”.

Kung napapabalita mang malakas ang pustahan sa Davao, hindi raw kasama ang  grupo nina Puloy. Kung mayroon mang malakas pumusta ito ay ang kanilang mga financier at hindi sila. Tama na sa kanila ang minimum. Mas nakatutok kasi sila sa pagku-commercial breeding. Mas inuunga pa nga raw nila ang kanilang mga buyer dahil kung ano ang natitira sa kanila ay ‘yun ang inilalaban nila.  
Si Puloy at ang ilang kasamahan sa PZD-JPY Gamefarm
Walang ibang pinaplano sina Puloy, ang gusto lang nila ay ma-improve ang kanilang bloodline kada taon. Aniya, “Gusto naming makapagparating ng bagong materyales, pang-improve sa mga luma naming bloodlines. Gusto rin naming magsasali pa sa mga expo para makapag-share ng manok sa mga kapwa natin breeder”.

Sa mga gusto namang mag-breed, sinabi ni Puloy na ‘di na sila mahihirapan dahil bukas at napakalaki na ng industriya ng sabong. Kumbaga ay marami nang puwedeng mapagkuhanang breeder. “Basta siguruhin lang nila kung ano ang gusto nilang bloodline tapos doon sila kumuha sa mga honest na breeder,” paalala niya.


Maaaring kontakin si Puloy sa numerong 0922-836-7637 o ‘di kaya’y hanapin sa Facebook ang Pzd-jpy Gamefarm. 

Sunday, August 27, 2017

Kennedy Tan: Diskarte sa Pagbi-breed at Pagsasabong

Kuha ni Rod Valenzuela

“Kung maayos kang magmanok kusa ka namang lalapitan ng mga tao. Puwede silang mag-finance sa iyo sa mga derby.” Ito ang tinuran ni Kennedy Tan ng Sunray Victoria Gamefarm nang kapanayamin siya ng Sabong Ngayon.

Si Kennedy kasi ang tipo ng breeder na mas nakatuon ang pansin sa pagbi-breed kaysa pagsasabong. Bibilib ka sa kanya dahil lahat nang sinasalihan niyang mga palaban ay may nagpi-finance sa kanya. Kaya’t ‘di na niya kailangan pang bumunot ng pera sa kanyang bulsa.

Ayon sa kanya, ang hatian nila ng financier kapag nag-champion ay 60-40. Sa kanya ang 60% percent habang sa financier naman ang 40%. Kapag hindi nag-champion ay per win ang kanilang usapan tapos may konting allowance sa panggastos sa derby. Wala naman daw siyang nagiging problema sa pagpapa-finance bagkus ay malaking tulong nga ito sa kanya.

Bakit nga ba tinawag na Sunray Victoria ang farm ni Kennedy? Wala namang malalim na kuwento sa likod ng pangalang ito. Parang sikat lang ng araw saka nagamit na niya itong entry name sa sabong kaya’t ito na rin ang naisipan niyang ipangalan nang magtayo siya ng farm sa Antipolo.

Dati ay magka-partner sila ng kanyang kapatid sa farm sa Bulacan. Naisipan niya lang bumukod para magawa niya ang kung ano gusto niya. Ang farm niya sa Antipolo ay may sukat na halos dalawang ektarya. Kada-breeding season ay nakakapagprodyus siya ng 250 stags. Napili niyang magmanok sa Antipolo, maganda kasi ang klima rito dahil sa mataas ang lugar. Para ka na rin daw nasa Tagaytay. Napansin niya na maganda ang hipo at balahibo ng kanyang mga manok.

Sa ngayon, si Kennedy ay 55-taong gulang. Bata pa lang siya ng kanyang kapatid ay nakahiligan na nilang magmanok. Ang manok daw noon kahit mestizo basta guwapo ay masisiyahan ka na. Pero ngayon, iba na ang paluan. Kung noon ay simple lang lumaro ang mga manok, ngayon naman daw ay talagang matitindi na. Minsan kasi, isa o dalawang buckle lang ay may resulta na agad.
Si Kennedy kasama ang mga tauhan sa FIESTAG (Kuha ni Rod Valenzuela)

Dalawa ang nagsisilbing pundasyon na bloodline sa farm ni Kennedy. Ito ay ang Mel Sims Black saka 5k Sweater line na parehong nakuha niya kay Atty. Jun Mendoza. Naging kaibigan kasi ito ng kanyang kapatid. Ayon sa kanya, “Yung Mel Sims malakas sa taas pati na rin sa baba. Saka dun na kami nakilala, eh”. Kaya naman siya kumuha nang Sweater ay nauso noon ang good looking chicken.  Katulad ng kanilang Mel Sims ay mahusay din itong pumalo.

Ang Mel Sims ay inahahalo ni Kennedy sa Hatch. Samantalang ang Sweater ay kadalasang inihahalo niya sa Kelso, Roundhead at Yellow Leggedd Hatch. “Minsan na rin naming inihalo ang Mel Sims sa Sweater kaya lang nagiging dirty feet. Gumaguwapo naman ang Mel Sims kaya lang iba pa rin ang laro ng pure na Mel Sims,” kuwento niya.

Kapag pumipili ng panlaban si Kennedy, ang una niyang tinitingnan ay ang balikat ng manok. Tiningnan niya ang bone structure nito o kung balansyado ang katawan. Kung pang-materyales naman, inaalam niya kung winning line ba ang pinanggalingan ng manok para mas lamang ang panalo. Kagaya rin nang pagpili ng panlaban, tinitingnan niya rin kung maganda ang hipo at balansyado ang katawan.

Nabanggit ni Kennedy na itinuturing nilang mentor ng kanyang kapatid si Jesse Cabalza. Maaga kasi silang nawalan ng tatay at ito na ang kanilang naging tatay-tatayan. “Si Manong Jesse na rin ang nagturo sa amin na magmanok. Ilan sa natutunan namin sa kanya ay kung paano pumili ng manok, ‘yung hipo at pagtingin sa characteristics ng manok. Ang ‘di lang namin natutunan sa kanya ay ang pagtatari. Magaling kasing magtari si Manong,” pagbabalik-tanaw niya.  

Miyembro si kennedy ng RGBA, Digmaan, Barkadahan at ng BAKBAKAN. Naglalaban siya sa Pasay at sa San Juan. Ayaw niya raw maglaban sa kanilang lugar. Naranasan na rin kasi nila ng kanyang kapatid na manakawan ng manok. Noong magkasosyo pa sila ng kanyang kapatid sa farm ay madalas silang maglaban sa Bulacan. Nakilala ang manok nila at nalaman kung saan ang kanilang farm. Ang masama nga, pati magnanakaw dumayo sa farm nila!

Kung record lang ang pag-uusapan ay ‘di pahuhuli si Kennedy. Isa sa ‘di malilimutang championship na nakuha niya ay noong manalo siya siya 6-Stag Derby ng NCA noong 2015 kung saan ay naging co-champion niya si Patrick Antonio. Minsan na rin siyang nag-champion sa 4-cock derby sa Del Monte Cockpit. “Talagang iba ang pakiramdam, ‘di ako makatulog nun,” natatawang sabi niya.

          Bilang commercial breeder, si Kennedy ay ‘di nagtatago ng bloodline sa mga kostumer. Kung ano ang nakikita mo na bloodline ay ‘yun din ang ibinabahagi niya sa kanila. Wala naman siyang balak na magpalaki pa ng production. “Kung ano ‘yung production ko ngayon, imi-maintain ko lang. Mahirap din kasi kapag sobrang dami, ang mahal na ng patuka ngayon,” nakangingiting sabi niya.

Sa mga gustong pasukin ang pagmamanok, sinabi ni Kennedy na kailangang tutukan at paglaan ito ng panahon. Mahihirapan ka kung aasa lang sa mga tauhan. Kumbaga, dapat ay maging hands on breeder ka. “Huwag ding sasabayan nang pagsusugal ng malaki. Siyempre, pamilya muna ang unahin bago ang sugal. Kung magsusugal ay ‘yung tama lang. ‘Di ‘yung mangungutang ka pa para lang magsugal. ‘Di maganda ‘yun,” paalala niya.

Maaaring kontakin si Kennedy sa numerong 0917-323-8007.







Thursday, August 24, 2017

Doc Joel Sayson: Konsultasyon sa Pagmamanok

Kuha ni Rod Valenzuela

Kung may mga katanungan ka sa pagmamanok, patungkol man sa mga sakit-sakit o may kinalaman sa negosyo, kailangan mo itong ikunsulta sa eksperto para ‘di na maligaw pa. Isa sa mga sinasangguni ng mga may-ari ng farm ay ang consultant na si Doc Joel ng Sta Rosa, Nueva Ecija.

Si Doc Joel ay nagtapos ng Veterinary Medicine kaya’t ‘di na mahirap pa sa kanya ang pag-aalaga ng manok. Katunayan, naging bentahe ito sa kanya nang makapagtayo siya ng sariling manukan dahil nagagamit niya ang kanyang mga natutunan mula sa eskuwelahan pagkatapos ay samahan pa ng karanasan.

Sa kasaluyan si Doc Joel ay mayroong sariling veterinary clinic at nagsisilbi rin siyang consultant sa ilang mga poultry, livestock at gamefowl farm.

Ayon sa kanya, dalawang klase ang consultancy. Ito ay ay ang tinatawag na technical consultancy at business consultancy. Pareho niya itong ginagawa. “Sa technical consultancy, ikukunsulta sa iyo kung ano ang magandang gawin sa pagggagamot at pagbabakuna ng manok. Sa business consultancy naman, siyempre ang pag-uusapan dito ay tungkol sa profitability ng farm. ‘Yung business aspect mismo ng production,” paliwanag niya.

Sa mga sakit ng manok, karaniwan diumanong ikinukunsulta sa kanya ay ang sipon at halak ng manok lalo na kapag tag-ulan. Ipinapayo ni Doc Joel na nasa proper management lang ‘yan. Panatilihin din na laging malinis at tuyo ang kanilang lugar. Kailangan ay ‘di masyadong binabangga ng malalakas na hangin ng manok. Siyempre, kailangan ding bigyan ng tamang nutrisyon ang manok.

Pagdating naman sa business side, lagi niyang ipinapaalala sa kanyang mga kliyente na huwag masyadong magsugal. Magpokus lang sa iilang laban at kapag sasali sa derby ay mga dekalidad lang na manok ang ilaban.

Saan nga ba nakuha ni Doc Joel ang kanyang hilig sa manok? Nasa elementarya pa lang daw siya nang maipluwensiyahan siya ng kanyang mga kaibigan na magmanok. Aniya, “Mahilig talaga ako sa mga hayop tapos may mga kaibigan ako na mahilig sa manok. Noong nasa haiskul na ako nagbi-breed na ako pero konti lang. Nang makatapos ako ng college doon na ako nagseryosong mag-breed”.

Ang farm ni Doc Joel ay tinatawag na Bushfire Gamefarm na naitayo noong taong 2004. Pinangalan niya itong ganito dahil sa dati nilang farm ay taun-taon na nasusunog sa kanilang likuran. Nangyayari ito tuwing summer. Marami kasing talahib at maliliit na puno roon.

Ang farm ni Doc Joel ay may sukat na 1.5 at 1.8 hectares. Nakakapg-prodyus siya ng 300 stag kada-breeding season. Sa hinaharap ay plano niyang magmanok pa sa mas malawak na lugar para makapagprodyus siya ng 500 hanggang 800 stags.

Ang Yellow Legged Hatch, Gold at Mel Sims ang nagsisilbing pinakapundasyon ng farm ni Doc Joel. Pinaikut-ikot lang niya ang nasabing mga bloodline. Iniingatan niya ang mga ito dahil nagpapanalo sa kanya. Ayon kay Doc Joel, “Yung Yellow Legged Hatch ko, medium breaker lang siya, pero magaling tumiyempo ng palo saka may power at gameness.” Ang kanya namang Gold ay angat sarado, stylish, magaling ding umilag at matiyempo kapag pumalo. Habang ang kanyang Mels Sims naman ay may medyo angat at mayroon ding power at gameness.

Bukod sa nasabing mga bloodline, meron din siyang Kelso, Boston Roundhead, konting Dom at Whites.

Si Doc Joel ay kasalukuyang kasapi ng Gamefowl Breeders of Nueva Ecija. Nakapokus lang siya sa pagsali sa mga pa-derby ng kanilang local association. Paminsan-minsan ay nakakapaglaban din siya sa Manila. Mas pinagtutuunan niya nga lang ang pagku-commercial breeding kaysa paglalaban. Nasa breeding daw talaga ang kanyang passion. “Kung maglaban man ako hanggang minimum lang ang pusta ko. Pinakamalaki na sa akin ang 11 thousand,” sabi pa niya.

Ipinapayo ni Doc Joel sa mga papasok pa lang sa pagmamanok na mag-alaga lang ng kaya, huwag masyadong marami. Pumili ng magandang bloodlines. Hangga’t maaari, magpatulong din sa marunong na. Kumunsolta sa mga successful breeder. “Ang pagmamanok, passion ‘yan. Kung gugustuhin mo ay puwede rin na maging negosyo. Hindi ‘yan ganun kababaw, bukod sa passion kailangan may pagmamahal ka rin sa mga alaga mong manok,” pagtatapos  niya.

Maaaring kontakin si Doc Joel sa numerong 0939-927-3783







Tuesday, August 22, 2017

DVH and Sons Gamefarm: Kampeon sa Larangan ng Sabong

Kuha ni Rod Valenzuela
                                                
         Aba’y hindi ito ang dating grupo ng mag-aamang mang-aawit na Father and Sons na sumikat noong dekada 90 na nagpasikat ng kantang ‘Miss na Miss Kita’. Ang DVH and Sons Gamefarm ay ang sikat na gamefarm ng pamilya Hinlo ng Bacolod. Matatagpuan ito sa  Bagong Silang, Salvador, San Benidecto sa Negros Occiendental. Talaga namang napakaganda ng tanawin sa farm ng mga Hinlo dahil mistula kang nasa isang forest park. May madadaanan kang falls papunta sa kanilang area. Napakaswabe at napaka-organisado kahit napakalawak ng lugar. Wala ngang duda na maganda ritong mag-alaga ng manok dahil lahat ay nasa ayos. Maganda rin ang temperatura dahil sariwa ang hangin.

          Ang DVH and Sons Gamefarm ay napakakapagprudyos ng libu-libong manok kada-season. Ang pinakapundasyon ng kanilang palahi ay nagmula kina Billy Abott at Jimmy East. Ang mga ito ay binubuo ng Kelso, Dan Grey, Roundhead, etc. Ang Black ang nagsisilbi nilang signature na naging paborito ng namayapang si Danilo Hinlo, ama ni Dante Hinlo. Ang Black ay nakuha lang ni Danilo sa isang backyard breeder, pero sinabi sa kanya na nagtinda na nakuha niya ito mula kay Gary Gulliam. Bago ito ay nasaksihan na ni Danilo kung paano maglaro ang Black.  Mayroon itong gameness at magaling din pagdating sa cutting. Kaya naman hinangad nito na magkaroon din siya ng naturang linyada. Dnibelop na lang niya ito, inihalo niya sa Hatch at Roundhead. Hindi naman siya nagkamali sa desisyon niyang ito dahil nagbigay sa kanila ang Black ng ‘di mabilang na kampeonato.

          Sa kabilang banda, kung tatanungin si Dante Hinlo kung paano siya pumili ng panlaban ay katulad din siya ng ibang breeder. Nagbabase rin siya sa timbang at body confirmation ng manok. Gusto niya ng manok na katamtaman lang ang pangangatawan. Naniniwala siya na nasa tamang pamamahala at pagkukundisyon ay isang malaking puntos sa sabong. Mahalaga rin ang suwerte dahil minsan ito ang nagdidetermina kung mananalo ka ba o hindi sa laban. Alam naman kasi natin na sa panahong ito, halos lahat ng mga sabungero ay marunong nang tumingin ng magandang manok. Pero kahit naniniwala sa suwerte ay hindi naman puwedeng magpabaya na lang. Kumbaga, mahalaga pa rin na gawin ang nararapat at ‘di lang basta aasa sa suwerte.

          Ang pamilya Hinlo ay maituturing nang isang trademark sa larangan ng sabong, hindi lang sa Bacolod kundi sa buong Pilipinas. Marami kasing mga breeder ang naghahangad na makakuha ng kanilang bloodlines dahil na rin sa naging maganda ang kanilang records sa derbies na kanilang sinasalihan. Minsan ay naging Breeder of the Year sila sa Negros Gamefowl Breeders Association (NGBA).

          Si Danilo Hinlo ang nagtayo ng DVH and Sons Gamefarm. Noong nabubuhay pa ito ay magkatuwang sila ni Dante sa pagpapatakbo nito. Dati, magka-back-to-back pa sila kung lumaban sa mga pasabong. Hanga talaga si Dante sa kanyang ama dahil ito ang nagturo sa kanya ng maraming aspeto sa pagbi-breed at pagsasabong na rin. Ngunit nang pumanaw ang ama ay naiwan sa kanya ang responsibilidad na patakbuhin ang farm. Ang maganda, ang anak ni Dante na si Paul Hinlo ay may interes din sa pagmamanok kaya’t ngayon pa lang ay mayroon nang susunod na tagapagmana ng DVH and Sons Gamefarm. Hindi na rin naman ito nakapagtataka dahil namulat ito na ang ama at lolo ay nagsasabong na rin. Kaya’t patuloy lang ang sa tradisyon ng pagmamanok ang pamilya Hinlo.

Saturday, August 19, 2017

Roberto Seelin Jr.: Tagumpay ng 482 Gamefarm


Hindi lahat ng breeder ay nakapokus sa paglalaban dahil ang ilan sa kanila ay mas nakatuon ang pansin sa pagku-commercial breeding. Isa kasing magandang hanapbuhay ang pagmamanok basta’t alam mong tama ang ginagawa mo. ‘Di rin sukatan kung bago o matagal mo na itong ginagawa, ang importante ay marami ang nagtitiwala sa iyo. Gaya na lang ni Roberto Seelin Jr., 33-taong gulang na bagama’t may limang taon pa lang ang nakararaan nang pasukin niya ang pagku-commercial breeding ay naging matagumpay agad siya rito.

Bakit  sa dinami-dami ng sport ay sabong ang nagustuhan ni Roberto? Sa tingin niya kasi ito ay gentleman’s sport. Maliban dito ay maraming natutulungan ang sabong mula sa maliliit hanggang sa pinakamalalaking tao. “Saka ang sabong passion na nating mga Pilipino,” dagdag pa niya.

Bata pa lang si Roberto ay madalas na siyang isama ng kanyang tatay sa manukan nito. Apat silang magkakapatid at nag-iiisa lang siyang lalaki. Aniya, “Talagang ‘yun na ang hilig ng father ko, naipasa sa akin”. Naging madali na sa kanya nang magkaroon siya ng sariling farm dahil tumutulung-tulong na siya noon sa pag-aalaga ng mga manok ng kanyang ama.

Ang manukan ni Roberto ay tinatawag na 482 Gamefarm at matatagpuan ito sa Bustos, Bulacan. Mayroon itong dalawang ektarya at sa loob ng isang taon ay nakakapagprodyus siya ng mahigit sa limang daang stag. Lahat ng kanyang mga bloodline ay galing sa Escolin Brothers gaya ng Sweater, Boston Roundhead at Gilmore Hatch. Pinapaikot niya lang ang mga nasabing linyada. Two way hanggang three way crosses ang ginagawa niya. “Yung mga bloodline kasi na nakuha namin sa Escolin Brothers ay tested na nila. ‘Di na kami nanghuhula ng crossing. ‘Yun na rin ang iku-cross namin,” paliwanag niya.


Sweater Boston (Larawan mula sa 482 Gamefarm Fb page)
                       
Gilmore Hatch (Larawan mula sa 482 Gamefarm Fb page)
 
Ang Sweater diumano ng Escolin na Dink Fair kapag naihalo sa Boston ay nagiging high breaker at nagiging multiple shuffler. Mas nagiging matalino rin ito. Kapag Sweater-Gilmore naman ay magaling tumiyempo at ‘di marunong mag-aksaya ng palo.

Sa ngayon, miyembro si Roberto ng Bulacan Gamefowl Breeders Association at ng Luzon Gamefowl Breeders Association. Marami silang mga miyembro ng local association sa Bulacan kaya’t ang labanan ay ‘di rin basta-basta. Paminsan-minsan ay lumalaban din siya sa Metro Manila. ‘Yun nga lang ay mas naka-concentrate siya sa commercial breeding. Kung ano lang ang matirang mga manok sa kanya ay ‘yun lang ang nailalaban niya.

Masaya si Roberto at naidi-dispose naman niya ang kanyang mga pinapalahing manok. Kahit tira-tira na lang ang kanyang nailalaban ay maganda pa rin ang kanyang nagiging score sa mga pasabong na kanyang sinasalihan. Ilan lang sa tagumpay na nakuha niya ay noong maging solo champion siya sa 4 Stag Derby sa may Pasay, nanalo rin siya sa NTC 5 Stag Derby pati na rin sa UFFC 16th-Leg 6 Stag Derby noong 2016 at noong nag-champion sa 5 Cock Isabela ngayon lang taon na ito.
Ang mga manok na nakukuha kay Roberto ay inilalaban din sa mga big event. “Sina Atty. Amante Capuchino sumali sa big event sa Pasay gamit ang manok na nakuha sa amin. Sina Magno Lim, kumukuha rin ng stag sa amin,” kuwento niya.

Hindi lingid kay Roberto na sadyang napakatindi na ng kumpetisyon sa ngayon. Kaya’t dapat diumano ay bukas ang iyong isipan para makasabay sa improvement. Kailangan din na tuluy-tuloy ang pag-upgrade mo ng bloodline. “Thankful talaga kami sa Escolin Brothers dahil sinusuportahan nila kami at ‘di pinapabayaan lalo na sa breeding,” pahayag niya.

Bilang modernong sabungero, masasabi ni Roberto na isa siyang scientific breeder dahil gumagamit siya ng battery breeding, nag-i-incubate na ng sariling itlog. Kumbaga, sumasabay siya sa takbo ng panahon. Pero ‘di niya tinatawaran ang mas nakatatandang mga breeder dahil marami na silang karanasan sa pagmamanok na maaaring kapulutan ng kaalaman. Ang sa kanya lang, sa larangan ng sabong lahat ay pantay-pantay. Mapa-bata man o matanda, mapalalaki o babae lahat ay may puwang sa mundo ng sabong.

Wala namang ibang pinakakaasam si Roberto kundi ang tumagal pa sa industriya ng sabong.Hangga’t kaya niya ay magmamanok siya. Sa ngayon ay masaya siya sa mga bloodline na nakuha niya mula sa Escolin brothers. Kaya’t tuluy-tuloy lang niya itong ibi-breed. Aniya, “Sila talaga ‘yung mentor, sila ang tumutulong sa amin sa lahat. Lahat nang naibi-breed namin, lahat ng success na nakukuha namin sa kanila namin ibinabalik.

Sa mga magsisimula pa lang mag-breed, “Siguro ang pinakamaganda ay mag-start ng tama. Unang-una ‘yung bloodline. Pangalawa ‘yung feeds. Kailangan, mapalabas mo ang potensyal ng manok na mayroon ka”.

Maaaring kontakin si Roberto sa mga numerong 0917-524-2378 at  0998-547-6911.


Thursday, August 17, 2017

Charlie Cruz: Kampeon at Simpleng Magmamanok


Kung mayroon mang kilalang breeder na gusto lang palaging maging simple, ito ay walang iba kundi si Charlie Cruz ng Candince Jean Gamefarm. Bilang isang breeder, naniniwala siya na ‘di na kailangan pang magpaliguy-ligoy pa. Mas simple, mas maganda. ‘Di na kailangan pa ng mabibigat o mabubulaklak na salita para magmukha kang magaling. Kumbaga, si Charlie ang tipo ng breeder na straight to the point.

Nagsimulang magkaroon ng interes sa manok si Charlie noong siya ay nasa elementarya pa lang. ito ay dahil na rin sa impluwensiya ng kanyang pinsan na si Erning. Binibigyan kasi siya nito ng sisiw na kanya namang aalagaan at kapag malaki na ay ilalaban ng pinsan niyang ito sa sabungan.

Noon pa man ay mahilig na siya sa hayop. Katunayan, nag-aalaga siya ng aso at sumasali pa siya sa mga dog show. Nag-aangkat pa siya ng aso sa ibang bansa. Naisip niya na gawin din ang ginagawa niya sa manok. Kaya’t nag-angkat din siya ng manok sa ibang bansa para maimprub ang kanyang breeding.

Minsan, may Hapon na umupa sa kanyang mga manok at inilalaban ang mga ito sa Mandaluyong Shaw. Nagpapanalo naman ang kanyang mga manok. Bukod sa Hapon ay inarkila rin ang kanyang mga manok ng amo ni Shio at inilalaban ang mga ito sa San Juan Coliseum. Sadyang masaya si Charlie dahil bukod sa upa ay mayroon pa siyang porsiyento kada panalo. Dahil sa madalas magpapanalo ang kanyang mga manok ay naging matunog ang kanyang pangalan.

Hindi lang basta isang breeder si Charlie, naging national sales manager din siya ng isang kumpanya na may kinalaman sa manok-panabong. Naging daan ito para makilala niya ang ilang mga sikat na breeder sa bansa. Maliban dito ay napasok din siya sa sabong media, ito ay nang minsang makasama niya ang nasira nang si Emoy Gorgonia para mag-voice over sa TV show nito na Sultada. Nang magkahiwalay ang dalawa, napunta naman siya sa Cock House para gumawa ng mga DVD. Hanggang sa maging TV host siya ng sabong show ng San Juan Coliseum na ipinapalabas sa cable.


Ang pinakamalaking break na itinuturing ni Charlie ay noong manalo siya sa International Candelaria Derby noong 2012 kung saan ay naging financier niya ang pamasong sabungera na si Osang dela Cruz. Masuwerte si Charlie ng taon din ‘yung dahil naging runner up din siya kasama si Tj Marquez sa San Juan International Derby.

Bukod sa sariling panalo, marami ring nakakakuha ng manok kay Charlie na nababalitaan niyang nagpapanalo. Patunay lang na magagaling talaga ang kanyang mga manok.

Sa ngayon ay abala pa rin si Charlie sa pag-aasikaso ng kanyang manukan na matatagpuan sa Brgy. Kutyo, Tanay, Rizal. Ang kanyang farm ay malapit lang sa Firebird Gamefarm ni Biboy Enriquez. Kung wala sa farm, abala siya sa paglibut-libot sa Pilipinas para magbahagi ng kaalaman sa mga pa-seminar ng LDI. Isa kasi siya sa mga endorser ng nasabing kumpanya. Siyempre pa, ‘di pa rin nawawala sa kanya  ang paghu-hosting. Isa siya sa mga host ng Agri TV. Bukod sa pagmamanok, siya rin ay nag-aalaga ng baka at kalabaw sa kanyang farm.


Ang bilin ni Charlie sa mga magmamanok, huwag gawing kumplikado ang pagmamanok. Gawin lang itong simple gaya nang ginagawa niya. Sabi nga sa komersiyal ng isang alak, gawin mong light. ‘Yan si Charlie Cruz, simple pero rock!

Panoorin ang sparring session sa Candice Jean:

Sunday, August 13, 2017

Biboy Enriquez: Pag-usbong ng Sabong sa Pilipinas

                          
Isa ka ba sa mga nagtatanong kung paano lumago ang industriya ng sabong sa Pilipinas? Kagaya nang nakikita mo ngayon na kahit saan ka pumunta ay may mga nagmamanok at sabungan. Ang kasagutan ay malalaman natin mismo sa isa sa mga beteranong breeder sa bansa na si Leandro ‘Biboy’ Enriquez. Malugod niyang ibinahagi ang kanyang nalalaman hinggil sa ilang mga kaganapan noon sa sabong sa atin.

Ayon kay Biboy, noong araw ay wala pang mga sabungan. Ginagawa lang ito sa mismong farm o sa pribadong lugar. Junior derbies pa lang ito kung kanilang tawagin. Dati, mayroon siyang farm sa Commonwealth. Mayroon din siyang mga katabing mayroong farm. Para makapagsabong, kailangan ay may permit mula sa munisipyo. “May gallery ako, may mga upuan, doon kami naglalaban,” kuwento pa ni Biboy.

Nakakalaban niya noon sina Jesse Cabalza, Sen. Baham Mitra, Cong. Jose Aldeguer,  Henry Tan at iba pang malalaking breeder. Mayroon na rin daw naitayong asosasyon noong panahong ‘yun- ang United Cockers Club. “Andyan na sina Cong. Peping Cojuanco, Esting Teopaco, Reyes Brothers at kung sinu-sino pa. Doon na nag-umpisa ang labanan ng derbies hanggang sa pumasok na sa sabungan”. Natatandaan pa ni Biboy na sa Roligon nag-umpisa ang mga derby. Dati, tinatawag pa nga raw itong 7 Up dahil nakatayo ito malapit sa factory nang nasabing brand ng softdrink. Pagkatapos ay unti-unti nang nagkaroon ng mga sabungan sa Pilipinas.

Naikuwento rin ni Biboy na totoo raw na ang mga taga-Bacolod ang nangingibabaw noon sa mga sabong. Ipinaliwanag niya kung paano ito nangyari. Noong araw daw kasi ang numero unong industriya ay ang pag-aasukal. Kaya’t sila ang pinakamayaman sa buong Pilipinas. Maraming hacienderos sa Negros, mayaman ang kanilang mga magulang. Pinag-aral sila sa pribado at magagandang eskuwelahan. Kumuha sila ng kursong agriculture. “Pagbalik nila  ng Bacolod, wala namang masyadong ginagawa dahil naka-set up na ang plantation ng mga magulang nila. Nagkaroon sila ng hobby sa pagmamanok. Dahil may pera at matatalino alam nila na sa Amerika magagaling ang lahi ng manok,” kuwento niya.

Nabanggit ni Biboy na si Don Carlos Montilla na isa sa mga taga-Bacolod ang unang nag-import ng mga manok bandang dekada 50. ‘Di pa raw uso ang pagsasakay sa eroplano ng manok noon, ibinabarko pa. Kaya’t halos 90 %  ng manok na ini-import ni Montilla ay namamatay. Pero ang naiwang 10%  ay sadyang naiiba dahil matatapang. Game na game ang mga ito. Kahit pa maunahan, kapag nakakapit ito sa mga manok natin ay siguradong patay.

Hindi pa uso ang pangalan ng bloodlines noon. Basta’t imported na manok, tinatawag itong Texas. Ang mga breeder diumano sa Bacolod ay nag-imbita ng mga kilalang American breeders para mag-seminar sa kanila kung paano magkundisyon. Ani Biboy, “Pumupunta rin sila sa Amerika para matuto. Talagang pinag-aralan nila tapos lahat nang mananabong doon bumibili sa Bacolod”.  Pero masisikreto raw ang mga taga-Bacolod kaya’t ang ginagawa ni Biboy ay nagsa-subscribe pa siya ng magazines gaya ng Greet and Steel at Feathered Warriors para ‘di mapag-iwanan.

Sa mga breeder na taga-Bacolod, si Paeng Araneta diumano ang sumikat nang husto dahil kay Duke Hulsey. Inisponsoran si Duke ng tiyuhin ni Paeng na si Don Amado Araneta, ama ni Jorge “Nene” Araneta nang minsang pumunta ito sa Pilipinas para magsabong. Minsan din itong nanirahan sa farm ni Duke sa Amerika at maging kay Red Richardson. Kung kaya’t talagang natuto sa pagbi-breed at pagkukundisyon si Paeng.

Samantala, inisponsoran naman ng Rivero Brothers ang pagpunta rito ni William Bill McRae, may manok na Claret Hatch na may Democrats. “Ang tindi nang labanan nun. Dun talaga umusok ang pagmamanok. Nakikita nila pilay na ay nananalo pa”, namamanghang kuwento ni Biboy. Pagkatapos ay nagsimula naman ang International Candelaria Derby.

Kinaibigan ni Biboy si Paeng at inimbitahan niya ito na mag-judge sa mga beauty contest. Naging co-founder kasi noon si Biboy ng Mutya ng Pilipinas at Miss Asia Pacific. Marami rin siyang mga kaalaman na natutunan mula kay Paeng. Tanong kasi siya nang tanong dito.

Alam n’yo rin ba na may kinalaman si Biboy sa pagsisimula nang prestihiyosong World Slasher Cup? Noong 1998 kasi ay ginusto ni Nene Araneta na magkaroon ng international derby sa Araneta Coliseum. Aniya, “Gusto ni Nene na maging successful kaya inimbitahan niya ako na maging co-promoter. Kami ni Jun Santiago, Boy Diaz, later on pumasok si Mario villamor. Pabor din naman sa akin dahil ang business ng family ko Sulu hotel, malapit sa araneta coliseum”.

Karamihan diumano ng mga tanyag na Amerikanong breeders ay sa Sulu Hotel tumira. Dahil dito naging kaibigan niya ang mga ito. Kapag nagdadatingan sila ay iniimbitahan niya ito sa cocktail lounge ng kanilang hotel para doon mag-chicken talk. Samantalang ang ilang mga taga-Luzon naman na nanunood ng WSC ay ay kinakausap ang mga Amerikano  kung hindi sa Araneta Colieum ay sa Sulu Hotel. Umuorder ang mga ito ng mga manok mula sa kanila. Dahil dito, unti-unting nakahabol ang mga taga-Luzon sa Negros.

Sa pananaw ni Biboy, “Ngayon marami ng tv shows, marami nang natuto. Kumalat na ang bloodlines kaya kahit backyard breeder hindi ka na nakasisiguro”. Noong araw diumano ay pumupunta sila sa isang sabungan dahil alam nilang kayang-kaya nilang lumaban. Doon sila manghaharang. Pero ngayon, wala nang ganito. Hindi mo raw masasabi na pipitsugin ang kalaban dahil may mga lahi na talaga. Ang antas nang sabong ngayon ay pataas nang pataas base na rin sa kanyang obserbasyon. Minsan daw may mga nagtsa-champion sa mga international derbies kahit ‘di masyadong kilala. Ito na rin ang isa sa mga dahilan kung bakit dumadami ang gustong magmanok.


Bagama’t palaki nang palaki ang industriya ng sabong may paalala si Biboy. Aniya, “Ang negatibo lang naman dito ay ang matuto kang magsugal. Walang yumaman sa sugal.” Sa kabila nang pagiging isa sa mga big boys sa sabong, hinay-hinay lang siya kung pumusta. Dahil ang alam niya kaya siya nagmamanok dahil nalilibang siya. Isa pa, pampahaba ito ng buhay!
Loading...

Recent Posts