Sunday, July 30, 2017

Sabong, Kalupitan nga ba sa Hayop?

May mga indibiduwal o grupo partikular na ang animal right activists na nagsasabing ang sabong ay kalupitan sa hayop. Atin daw pinaglalaban ang mga manok nang walang pakundangan. Hindi nila matanggap na ito ay isang lehitimong isport dahil madugo raw. Kaya’t ipinagpapalagay nila na ang sabong ay laro ng mga barbaro. Maliban dito, para sa kanila ito lamang ay isang sugal o pag-aaksaya ng salapi.

Wala tayong magagawa kung negatibo man ang pananaw ng ibang tao sa sabong. Wala namang higit na makakaunawa kung ano ito kundi ang isang sabungero mismo. Totoo namang madugo ang sabong, pero ‘di nangangahulugan na bayolente ang mga sabungero. Sadyang kasama lang ito sa isport dahil mayroong armas ang mga manok. Ano ang gusto nilang paglabanin, mga tao? ‘Di ba’t mas brutal pa nga ang UFCC , boxing, wrestling at iba pang isport dahil mga tao na ang nagkakasakitan?

Ang mga manok-panabong ay likas na ang pagiging matapang. Hindi naman sila tinuruan na magalit at kalabanin ang isa’t isa. Pero kapag nagkalapit ay maggigirian agad sila. Ang ginawa lang naman ng mga sabungero ay pinalabas pa lalo ng ang kanilang pagiging mandirigma nang ito ay dalhin na nila sa ruweda. Kung natural na sa kanila ang pagiging matapang, mapipigil ba natin ito? Hindi naman pupuwede na i-cross sila nang i-cross sa native na manok hanggang sa mawala ang kanilang tapang.

Sadyang may mga nilalang na likas na ang pagiging matapang. Ang manok-panabong ay maihahalintulad sa isda na kung tawagina ay ‘Betta fish’. Kapag nagkakalapit sila ng kanilang kauri ay nag-aaway sila. Parang aso’t pusa kung tutuusin, pero ang pinagkaiba nila ay magkauri sila. Minsan, ang aso’t pusa ay nagkakasundo rin. Eh, ang manok-panabong habang panahong nang magkagalit.

Kung kalupitan sa hayop ang sabong, eh ‘di wala rin sanang kinakatay na manok. Ilag sana ang mga tao sa pagkain ng fried chicken. Sasabihin ng mga kontra na magkaiba naman ang manok-panabong sa kakataying manok.  Pero ano ang pinagkaiba kung pareho lang naman silang hayop? Ang mga manok na kakatayin ay namamatay nang walang kalaban-laban. Samantalang ang manok-panabong ay nabibigyan ng pagkakataon na ipaglaban ang kanilang sarili. Bago sila ilaban ay talagang alagang-alaga sila mula sa pagkain, gamot at vitamins. Kapag nailaban at nanalo ay ginagawa pang materyales sa pagpapalahi. Nabibigyan pa ng pagkakatao na humaba pa ang kanilang buhay.

           Isa pa, ang sabong ay isa ng kulutura o tradisyon sa ating mga Pinoy. Kahit saan ka magpunta ay ‘di nawawala ang sabungan. Hindi ito basta-basta maipagbabawal dahil suportado ito ng mayorya. Kaya’t tigilan na sana ng mga animal rights activist ang kanilang hangarin na maipatigil ang sabong sa Pilipinas gaya nang kanilang ginawa sa Amerika. Bakit ang bullfighting ay ‘di nila maipatigil sa Mexico? Nakaukit na kasi ito nang malalim sa kultura nang nasabing bansa. Ganito rin naman ang sabong na minamahal at patuloy na pinuprotektahan ng nakararami.

            Kung panunoorin, medyo may pagka-malupit nga ang sabong. Pero kung titingnan natin sa kabuuan ay napakabuti ng sabong. Masasabi ba nating malupit ang sabong, kung maraming natutulungan ang industriyang ito sa pamamagitan nang pagbibigay ng maraming trabaho sa mamamayan? Malupit ba ang sabong kung pati gobyerno ay nakakakuha ng buwis mula sa mga negosyong may kinalaman rito? O baka naman malupit lang talagang mag-isip ang mga kumukontra sa sabong dahil pilit nilang pinapasama ang imahe ng sabong gayunng tanggap na tanggap ito sa atin.

            


Friday, July 28, 2017

Ang Maging Kampeon sa Sabong


“We are the champions, my friends/ And we’ll keep on fighting ‘til the end/ We are the champions/We are the champions/No time for losers/’Cause we are the champions/Of the world.”- Queen
Marahil kung tatanungin ka kung ano ang memorable experience mo sa sabong, siguradong babanggitin mo ang mga napanalunan mong derbies. Aalalahanin mo bigla ang naging pakiramdam mo noon na ‘di maipaliwanag dahil parang nakalutang ang paa mo sa mga ulap. Tila ba gusto mong ipagsigawan sa mundo ang iyong tagumpay. Marahil ay mahirap kang kausapin ng mga oras na ‘yun dahil lutang ang iyong isip. Kung hindi man ay sobra mo sigurong daldal ng mga oras na ‘yun dahil wala kayong tigil sa kuwentuhan ng iyong grupo kung paano n’yo nakuha ang kampeonato. Pakiramdam mo ay bidang-bida ka sa sabungan ng mga sandaling ‘yun.

Masaya ka dahil bigla ka na lang naging instant celebrity. Ang mga taong nakapalibot sa iyo ay bigla na lang na-curious dahil panay tanong kung ano ang ginamit mong bloodline sa iyong laban. Ano raw ang iyong sikreto at nanalo ka sa derby? Dahil dito nagkaroon ka bigla ng mga tagahanga at ang iba ay naging mga buyer mo pa.

Kung ikaw ay isang sabungero na low profile lang, humble ka lang sa nakuha mong tagumpay. Ang sasabihin mo lang ay sinusuwerte ka lang. Pero sa katotohanan, katakut-takot na preperasyon din ang inyong ginawa. Sumali ka sa derby dahil mayroon kang gustong patunayan, sa sarili mo man o maging sa ibang tao. Paano mo naman kasi masasabi sa sarili mo na successful breeder ka kung isa ka namang talunan. Kaya’t kailangan mo talagang maging kampeon kung hindi man ay makakuha ng magandang score para masabing nasa tamang landas ang iyong pagmamanok.

Ano nga ba ang memorable championship na iyong nakuha? Nanalo ka ba sa 3-cock, 4-cock, 5-cock o 6-cock derby? Hindi na mahalaga kung nanalo ka man sa isang small time derby. Ang mahalaga ay masaya ka at nakakuha ng respeto mula sa mga kapwa mo sabungero. Gaya nga nang sinasabi ng iba, ang premyo ay pangalawa na lang lamang. Bagama’t sabihin na nating ang premyo ay nagbibigay ng motibasyon para sumali sa isang palaban. Pero ang sigurado, ang trophy na iyong nakuha ay pinakaiingatan mo na tila isang kayamanan dahil ito ang sumisimbolo sa iyong tagumpay. Ipinapaalala nito na minsan ay nagkampeon ka sa isang laban na iyong sinalihan. Sa kabila ng maraming hamon at kakumpetensya ay isa ka sa mga nanalo o ‘di-kaya’y naging solo champion!

Ang kumpetisyon ay isa lamang natural na aspeto sa ating buhay kaya’t gusto natin ang makipagkumpetensya. Nagsisilbi kasi itong hamon sa atin para mapalabas ang ating talino at lakas. Bilang isang sabungero, nais natin na laging umabante. Oo, may mga pagkakataon na natatalo tayo, pero alam natin na pansamantala lang ito at hindi pa katapusan ng career sa sabong. Isa lang ang sigurado, isa ka rin sa libu-libong sabungero na nangangarap na manalo sa malalaking derby gaya ng BAKBAKAN, World Slasher Cup at iba pa. Kapag nangyari kasi ‘yun ay maitatala na ang iyong pangalan sa kasaysayan ng sabong.





Tuesday, July 25, 2017

Manok ni Totoy Biboy


Marami sa mga sabungero ay nahilig sa pagmamanok noon sila ay nasa elementarya o ‘di-kaya’y haiskul pa lamang. Pero ibahin natin ang batang si Jayden Gabrielle Toleco na nagama’t 1 year and 7 months old pa lang ay nakikitaan nang interes sa pagmamanok. Kung iisipin, laru-laro lang ang kanyang ginagawa, pero hindi malayo na balang-araw ay maging masugid na magmamanok si Biboy.

Ang tatay ni Biboy na si John Dominic Toleco at ang namayapa niya nang lolo na si Arman Toleco ay parehong nagmamanok. Naging handler pa dati ang kanyang lolo para kina Nene Abella, Patrick Antonio, Fred Reyes at iba pa. Marami nga raw naipanalong derby ang lolo ni Biboy. Sa ngayon ang tatay at tiyuhin ni Biboy na si Kim sun ay magkasamang nagbi-breed ng manok. Ang kanilang farm ay tinatawag na AVT  Gamefarm.


Ang lolo ni Biboy na si Arman Toleco
Si Biboy ay bunso sa dalawang magkapatid at siya lang sa kanila ang mahilig sa manok. Mayroon na rin siyang sariling mga manok na bigay mismo ng kanyang tatay. 

Ayon kay Kim, napansin nilang nagkaroon ng interes sa manok si Biboy noong ito ay isang taong gulang pa lamang. Kapareho rin ng ibang bata ang kanyang pamangkin na mahilig maglaro at magsulat. Ang pinagkaiba lang nito ay mahilig humawak ng manok at nanonood din ng sabong sa Youtube. Kapag nasa farm si Biboy, ‘di puwede ‘di siya humawak ng manok. Marunong na nga itong magbitaw at kumuha ng manok sa talian. Siyempre, inaalalayan siya ng matatanda para masigurong ‘di siya masaktan. Inaawat nila ang bata na hawakan ang manok kapag alam nilang ito ay salbahe.

Siyempre, tuwang-tuwa ang tatay ni Biboy dahil mayroong magmamana ng kanilang hilig. Ipinagkikibit-balikat na lang nila kung mayroon mang magsasabi nang ‘di maganda sa kanila dahil ang bata-bata pa ni Biboy para ma-expose sa sabong. Eh, sa ‘yun ang nakahiligan ng bata at wala namang masama sa paghawak-hawak ng manok. Sabi ni Kim, “Lagi naman namin siyang kasama kapag nagpupunta sa farm. Siyempre, wala pang masyadong alam ‘yung bata. Gusto n’ya lang talagang humawak ng mga manok at sisiw”.


Si Biboy at ang tiyo niyang si Kim Sun




Minsan nga raw kapag umiiyak si Biboy, dadalhin lang siya sa farm ay titigil na ito sa pag-iyak. Ganito na ka-attach ang bata sa mga manok. Kung nagpatuloy pa ang hilig ni Biboy sa manok hanggang sa kanyang paglaki, lagi raw ipapaalala nina Kim na unahin ang pag-aaral nito. Kumbaga, gawin lang na libangan ang pagmamanok katulad nila ng kanyang tatay.

‘Yan si Biboy, totoy na totoy pa lang manok na ang kanyang toy!

Panoorin ang pagbibitaw ng manok ni Biboy:

Sunday, July 23, 2017

Mga Sabungerong Pulitiko

Si Gov. Eddie 'Bong' Plaza sa World Slasher Cup
           Marami sa mga pulitko sa atin ay mga sabungero rin. Hindi naman ito nakapagtataka dahil kahit sino naman ay puwedeng mahumaling sa isport na ito anuman ang kanilang katayuan sa lipunan. Lahat kasi rito ay pantay-pantay lang, walang mahirap at wala ring mayaman. Pero ano nga ba ang kaugnayan ng sabong sa pulitika? Paano nagkalapit ang nasabing magkaibang larangan?

          Kahit saan ka yatang sabungan magpunta ay ‘di mawawala ang presensya ng mga pulitiko. Mapa-barangay captain man ‘yan, konsehal, mayor, governor, congressman kahit pa senador, lahat sila ay nilalasap ang sayang dulot ng sabong. Ang nagpapatakbo pa nga sa ilang sabungan ay mga pulitiko. Nangyari ito matapos na ipaubaya ng Philippine Gamefowl Commission sa lokal na pamahalaan ang pag-regulate sa mga sabungan.

          Ang mga pulitiko ay iba’t iba ang background kung paano sila napasok sa sabong. Ang ilan sa kanila tulad din ng iba, bata pa lang nang mamulat sila sa sabong dahil mayroong sabungero sa kanilang pamilya. Mayroon din namang mga pulitiko na dati ay hindi naman nagmamanok. Pero nang malaman nila ang importansya ng sabong sa pulitika ay pinasok na rin nila ang pagsasabong. Meron din namang madalas maimbitahan ng mga kaibigan sa sabungan kung kaya’t nahawa na rin sila. May mga sumasakay lang at meron din naman na nagustuhan na talaga nila ang sabong dahil nga sa isa itong magandang isport.

          Ang ilan ngang pulitiko, nagbi-breed sila ng manok para ipamigay sa mga sabungero na kanilang nasasakupan. Mistula na rin itong pangangampanya para sa kanila dahil ‘di na sila malilimutan ng taong nabigyan nila ng manok. Siyempre, paraan na rin nila ito para makatulong sa mga kababayan nilang gustong mag-breed , pero wala namang pambili ng manok.

          Ayon sa ilang pulitiko, ang sabong ay malaki ang naitutulong sa kanilang karera sa pulitika. Dahil sa pagpunta-punta nila sa sabungan ay nakikilala sila ng mga tao. Kaya’t pagsapit ng eleksyon ay pamilyar na ang kanilang mukha’t pangalan sa maraming botante. Sino pa ba ang magtutulungan kundi ang mga sabungero? Ang isa nang magandang halimabawa rito ay si Cong. Patrick “Idol” Antonio ng AGBIAG Party List. Sa dami ng mga tumakbong party list ay nanalo siya. Siyempre, sa dami ba ng mga sabungero na bumoto sa kanya, eh. Banggitin pa natin ang mga lokal na kandidato na sinuportahan din ng mga sabungero sa kani-kanilang bayan. Siguradong napakarami n’yan.

          Ilan lang sa mga pulitikong sabungero ay sina Cong. JB Bernos ng Abra, Gov. Eddie Bong Plaza, dating gobernador ng Palawan na si Baham Mitra na ngayon ay chaiman ng Gaming Amusement Board (GAB) at napakarami pang iba. Si Baham ay anak ng namayapa at dating senador na si Ramon Mitra na minsang kumandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas. Kung nagkataon, nagkaroon sana tayo ng sabungerong presidente. Katulad sa Amerika kung saan ilan sa mga naging presidente nila ay mga sabungero nangunguna na rito si Abraham Lincoln. Ayon sa mga kuwento, noong araw diumano ay nagdadaos sila ng sabong  sa White House. Kung nagkataong may naging presidente tayo na sabungero baka nagkaroon din ng sabong sa Malacanang.

          Kapag ang pulitiko diumano ay sabungero ay madali lang itong lapitan o ‘di-kaya’y kausapin. Pumunta ka lang kasi ng sabungan ay mahahanap mo na sila. Kapag nilapitan mo sila ay hindi puwedeng hindi ka nila pansinin. Kilala kasi ang mga sabungero bilang maginoo.  Dahil dito, mas madaling nailalapit ng isang sabungerong pulitiko ang kanyang sarili sa mga tao kumpara sa pulitiko na nakakulong lang lagi sa loob ng opisina. Sa sabungan na mismo naipaparating sa kanila ang ilang mga karaingan o problema mula sa mga nasasakupan. Isa pa, ang sabungerong pulitiko ay mayroon ding isang salita. Kung ano ang kanilang  sinabi ay tiyak na gagawin. Ganito rin kasi ang kaugaliang nakasanayan nila sa loob ng sabungan.

          Paano naman kaya kung parehong sabungero ang kandidato? Sino naman kaya ang susuportahan ng mga kababayan nilang magmamanok? Nakadepende na lang siguro kung sino ang mas napupusuan nila o ‘yung mas may malasakit para sa kanila. Wala naman itong problema sa magkatunggaling kandidato. Dahil sa nagkikita naman sa sabungan ay nakakapag-usap pa sila kaya’t walang tensyon na namamagitan sa kanila. Kumbaga sa magkaribal sa babae ay ‘may the best man win na lang’.


          Kung may bentahe ang pagiging sabungero ng isang pulitiko, siyempre meron din itong disadvantage lalo na sa mga ‘di nakakaintindi sa sabong. Iniisip kasi ng iba na ang sabong ay puro sugal lang. May mga nagdududa pa nga sa kanila na baka pera na ng taumbayan ang kanilang ipinangsasabong. Kung magsusuri lang ang mga kritiko ng sabong ay malalaman nilang mali ang ganitong klase ng pananaw. Unang-una, kahit sino’ng sabungero ay magsasabi na hindi lang basta sugal ang sabong. Kumbaga, sa pagkain ay nagsisilbi lang itong appetizer o pampagana. Dahil ang totoong itinuturo ng pagsasabong ay ang pagiging maginoo at pagkakaroon ng katapatan. Ito ang prinsipyong taglay ng mga sabungerong pulitiko. Kaya’t malabong gamitin nila ang pera ng taubayan para lang ipusta nila. Kung masama ang sabong, sana ay hindi na nila ipinangangalandakan o ipinagmamalaki pa ang kanilang pagiging sabungero!

Saturday, July 22, 2017

Jawo Agdalipe: Tatak ng JDA Gamefarm

Kuha ni Rod Valenzuela
Ang bawat breeder ay may kani-kaniyang signature line. Mayroong mga breeder na nakilala sa Kelso, Hatch, Dom, at iba pa. May kani-kaniyang dahilan kung bakit ang ganitong klase ng bloodline ang ginawa nilang foundation line sa kanilang manukan. Kung mababanggit ang Sweater, huwag nating kalimutang isama si Jawo  Agdalipe ng JDA Gamefarm na iniingatan ang naturang linyada na nagbigay na ng magandang reputasyon sa kanya bilang isang magmamanok.

Nasa elementarya pa lang nang magkainteres sa manok si Jawo. Naimpluwensiyahan kasi siya ng kanyang lolo at ama na parehong nagmamanok. Nang panahon na ‘yun ay nagbi-breed ng manok ang kanyang ama, pero pakunti-konti lang. Pero ang itinuturing niyang highlight nang kanyang pagbi-breed ay noong 2010 nang magkaroon na sila ng farm ng kanyang ama. Ang JDA Gamefarm ay matatagpuan sa Roxas City.

 Ang una nilang manok na ginamit ay ang Karachi Hatch at Dink Fair Sweater. Kinalaunan ay nagkaroon na rin sila ng Gilmore Hatch at Yellow Legged Hatch. Meron din silang Mel Sims. Ang kanyang Sweater  ay pinapaikot niya lang sa Boston Roundhead, Dan Gray Roundhead, hinahaluan niya rin ito ng konting Gilmore Hatch o ‘di-kaya’y Mel Sims.

Nagustuhan ni Jawo ang Sweater dahil mayroon itong gameness. “Maganda itong i-cross sa Dan Gray Roundhead that’s why meron akong manok na ‘yun,” sabi niya. Ayon sa kanya, kapag nai-cross ang Dan Gray sa Sweater ay nagkakaroon ito ng ilag. Medyo may pagka-agresibo raw kasi ang Sweater. Pero ang mini-maintain niyang Sweater ay may pagka-salto.

Para kay Jawo, ang Sweater ay masasabing halos kumpleto na. Marami kasi itong pumalo at mautak din. “Depende na lang ‘yun sa selection ng breeding materials mo kung paano ka pumili ng fighting style ng manok,” sabi niya. ‘Di raw kasi ibig sabihin na porke’t Sweater ay ganun na lahat.
Sa ngayon ay nakakapagprodyus sina Jawo ng 1 thousand heads kada taon.

Marami nang big event sa atin, pero sa mga ito ang gusto niyang salihan ay ang World Slasher Cup at Araw ng Davao. Katunayan, taun-taon ay sumasali siya rito. Hindi lang naman mismong ang sabong ang masaya kundi marami ka rin daw makikilalang mga tao. Dito mo mararanasan na makasalamuha ang malalaking tao sa larangan ng sabong.

Kung record lang ang pag-uusapan, ‘di rin pahuhuli si Jawo. Nagkampeon siya noong 2015 sa 5-cock derby ng Capiz Gamefowl Breeders Association (CAGBA). Pagkatapos ay naging runner up siya sa 6-stag derby nang nasabi pa ring asosasyon.  Noong 2013 naman ay nagkampeon siya sa 5-cock derby sa may Tacloban. Nakakuha rin siya ng 6 points sa WSC noong 2016.

Sa kasalukuyan ay miyembro si Jawo ng PAGBA at nagsisilbi bilang board of Director ng CAGBA. Nabanggit niya na matindi ang labanan sa Roxas City. Ilan sa kanilang ginagawa ay tinatrabaho nila na maging maganda ang labanan sa kanilang asosasyon lalo na sa stag derby. Aniya, “Ini-encourage namin ang mga backyard breeder na sumali sa mga palaban namin. Marami kasing makukuhang benefits. Kapag member ka ng isang asosasyon, makaka-attract ka ng buyers”.

Maliban sa pagiging breeder, si Jawo rin ay isang negosyante. Pero ang maganda, ang kanyang negosyo ay may kinalaman sa kanyang hilig dahil poultry supply ang itinayo niyang negosyo. Mayroon kasi siyang farm. Pero hindi lang ang sarili ang kanyang natutulungan kundi pati na rin ang kanyang mga kaibigan na nagmamanok sa pamamagitan nang pagsu-supply ng feeds at ng mga gamot.

Naniniwala si Jawo na ang pagbi-breed ay parang edukasyon, “It is a continuous learning process. Kapag breeder ka dapat huwag kang huminto sa pagri-research. Pag-aralan mo kung paano makapag-prodyus ng quality at competitive na mga manok”.

Si Jawo ang tipo ng breeder na ‘di mahilig sa sugal. Minsan mo lang daw siyang makikitang magsabong. At kung lumaban man siya at doon lang sa kanilang association at sa ilang piling big event. Masaya siya at maganda ang itinakbo ng kanyang pagbi-breed. Hindi lang dahil sa maganda ang kinalabasan ng kanyang mga palahi kundi naidi-dispose rin niya ang kanilang naipuprodyus.

Sa mga mahihilig mag-breed, may mensahe si Jawo. Dapat daw maging maselan sa pagpili ng breeding materials. Aniya, “Kailangan mong paglaanan ng oras o pag-isipang mabuti kung kanino ka kukuha ng bloodline. Dapat alam mo rin kung ano’ng klase ng manok ang kailangan mo”. Maliban dito, sinabi rin ni Jawo na importante na maganda ang iyong feeds  para maging healthy o ‘di sakitin ang mga manok. Kasi kung hindi, doon pa lang talo na tayo.

Maaring kontakin si Jawo sa numerong 0939-916-7545.






Thursday, July 20, 2017

Karisma ni Janine Gonzales ng Jarhead Gamefarm

Photo from Janine Gonzalez' FB account
Iba talaga ang karisma ng babae na nagmamanok o nagsasabong. Kasi naman ‘di maikakaila na ang sabong ay sport pa rin ng kalalakihan kung paramihan lang ng bilang ang pag-uusapan. Kaya’t kapag babae ang nagsasabong ay kapansin-pansin agad ito. Isa sa kababaihan na umuusbong ang pangalan sa larangan ng pagmamanok  sa Pilipinas ay si Janine Gonzales ng Jarhead Gamefarm.

Bakit ba naman hindi sisikat si Janine, bukod sa malakas na ang karisma ay makikita siya ang mismong nagbibitaw ng manok sa ibabaw ng ruweda. Nag-viral na rin ang isa niyang laban sa social media. Habang isinusulat ang artikulong ito ay nasa mahigit 93 thosand na ang kanyang followers sa Facebook. Minsan na rin siyang naitampok sa Sabong TV show at naging endorser din ng Lakpue Drug, Inc. (LDI). Dahil dito, madalas siyang maging speaker sa mga pa-seminar nang nasabing kumpanya.

Para kay Janine, ang pagsasabong ay hindi isang sugal kundi isang passion. Sabi niya sa kanyang FB post, “Minsan ang pag sasabong or pagmamanok hindi dahil sugarol ka, kundi ‘yun yung tinatawag na passion. Yun yung gusto mong gawin, dahil manok lover ka, hindi kayang tumbasan yung saya mo sa mga ginagawa mo sa pagmamanok at saya din na naishare mo sa iba”. Nakakapagod daw ito pero hindi ka magsasawa dahil palagi kang excited na gawin. Mahimas niya ang kanyang mga manok, pakiramdam nya ay may kakampi siya palagi.

Ayon pa kay Janine, iba rin ‘yung nakikita mo kung paano ka ipaglaban ng manok mo. Pero noong una, ayaw niyang manood ng sabong lalo na’t paborito niyang manok ang lumalaba. Kinalaunan ay nai-inlove na siya sa manok kasi handa ka nitong ipaglaban hanggang kamatayan kahit walang kapalit. Hinding-hindi sila susuko para sa iyo.  Aniya, “Kahit matalo man sila, proud pa rin ako dhil natalo silang hndi mabilis nag-give up para sakin.

Si Janine ang tipo ng sabungera na walang pakialam sa pusta o sa kung magkano man ang kanyang matatanggap. Ang mahalaga kasi para sa kanya ay ang manalo ang kanyang manok at masaya siya sa kanyang ginagawa. Kung may mga nag-iisip man o nagsasabi man sa kanya ng ‘di maganda dahil kababae niyang tao ay nagsasabong siya ay wala siyang pakiaalam sa kanilang opinyon. Basta’t ang iportante ay wala siyang nakikitang masama sa kanyang pagmamanok. Katunayan ay suportado siya ng kanyang pamilya. Proud sila sa kanyang ginagawa. Kaya’t inspirado siya na lalo pa niyang pagbutihin ang ang kanyang pagmamanok.


Ipinapayo ni Janine sa iba na magpapakatotoo lang sila sa kanilang sarili. “And don't chase your dreams, let your dreams chase you!!!,” giit niya. 

Ang nag-viral na video ni Janine: 
Loading...

Recent Posts