Wednesday, May 31, 2017

Frank Berin, Anthony Lim at Escolin/Escoban Brothers, Wagi sa 2017 World Slasher Cup-2 Invitational 9-Cock Derby

Kuha sa World Slasher Cup
Katulad nang dati ay naging maaksyon at kapana-panabik mula ang World Slasher Cup na itinuturing na isa sa pinakamalaki at prestihiyosong pasabong sa bansa. Ito ay isinagawa sa Smart Araneta Coliseum mula Mayo 25 hanggang 31.

Nasa mahigit dalawang daang entry ang naglaban-laban sa ikalawang edisyon ng WSC ngayong taon at tatlo ang nakakuha ng kampeonato. Ang mga nagkampeon ay sina Frank Berin ng Mulawin entry , Anthony Lim ng Lucban enty at ang Escolin at Eslabon Brothers ng Escolin Eslabon entry. Lahat sila ay nakakuha ng 8 points.

Sadyang dikdikan ang naging laban dahil nagkatapat pa ang Mulawin at Escolin Eslabon Brother sa kanilang unang laban sa finals ang dalawa. Natalo rito ang Mulawin, pero sa huli ay magkasama pa rin silang naging kampeon. 

Si Frank Berin ay itinanghal nang kampeon sa unang edisyon ng WSC ngayong taon. Si Anthony Lim ay ang isa sa mga ipinagmamalaking breeder ng Quezon Province at isa ring promoter ng sabong. Samantalang sina Martin at Marlon Escolin ay matagal nang kilala sa larangan ng sabong. Ito ang unang pagkakataon na mapasama ang kanilang pangalan sa hanay ng mga kampeon sa WSC. 

Ang WSC ay inisponsoran ng Thunderbird kasama ang Excellence Poutry and Livestock Specialist at sa pakikipagtulungan ng kanilang media partner na Pit Games Media Inc. 

Saturday, May 20, 2017

Ed Jaraba: Primero Klaseng Peruvian Breeder sa Pinas!

Kuha sa World Gamefowl Expo
Talaga namang sikat na sikat ngayon ang Peruvian sa mga sabungerong Pinoy. Pero dati-rati ay ‘di gaanong pinapansin ang manok na ganito. Ito ay base na rin sa obserbasyon ng isa sa mga pioneer na Peruvian breeder sa bansa na si Ed Jaraba ng Kate & Kurt Game Farm.

Ayon kay Ed, napakabilis ng pagtanggap ng mga Pinoy sa Peruvian. May limang taon pa lang nang umpisahan niyang mag-brreed nito. Kapag nagsi-search nga raw siya noon sa Facebook ay wala siyang makita na kahit ano tungkol sa Peruvian o walang magmamanok na nagdadala ng pangalan ng manok na ito. Ang pagkaaalam pa nga ng mga tao noon sa Peruvian ay Asil ito. Ibang-iba na talaga ang situwasyon ngayon dahil nagkaroon na rin ng pasabong para sa malalaking manok. Sa kanyang palagay, nasa 50-70-% ng mga sabungero sa bansa ang nakakakilala na sa Peruvian. Kahit nga malalaking farm ay nag-iinvest o nagbi-breed na rin ng ganitong manok.

Dating nagbi-breed ng American fowl si Ed, pero nahirapan siya. Nang mag-breed siya ng Peruvian napag-alaman niya na mas madali itong alagaan kumpara sa Western fowl. Hindi kasi sila sakitin.  Ang maganda pa, madali lang itong paramihan. Ito na rin ang mga dahilan kung bakit ituon na lang niya ang kanyang pansin sa pag-aalaga ng Peruvian. Nagustuhan niya rin ang Peruvian dahil malakas silang pumalo. Mayroon silang speed, power at saka angat.

Dati-rati ang kanyang mga Peruvian ay mayroong crosses. Pero ngayon ay pinili niyang mag-pure. Aniya, “Ang mga kaibigan kasi nating Cambodian, Indonesian at Malaysian hinahanap talaga nila ‘yung pure. Kaya ngayong taon na ito ay nagpu-pure na ako”.  Pero hindi ibig sabihin na kinalimutan na niya ang pagku-cross. Ginagawa niya pa rin naman ito para mapaliit ang Peruvian nang sa gayun ay makasali siya sa BAKBAKAN o ‘di-kaya’y sa Digmaan at sa kanilang local association.

Malakas diumano ang Peruvian sa Vietnam, Indonesia, Cambodia , Malaysia at sa iba pang bansa. Pero mahirap daw ang mag-import ng manok doon. Dati ay sa US lang nag-i-import ng Peruvian si Ed. Pero ngayon ay nakakapag-import na rin siya direkta sa Peru.  Sabi niya, “Naghanap ako ng mga breeder sa Peru na medyo magaganda ang record. ‘Yun ang mga bagong materyales ko ngayon”.

Para kay Ed, mahirap tukuyin kung pure o hindi ang Peruvian dahil ang talagang nakakaaalam lang nito ay ang mismong breeder. Sa Peru raw ang mga Peruvian ay talagang malalaki, pero iba-iba ang kanilang infusing. Mayroong matutulis ang buntot at meron din namang malalaki. “Minsan sinasabi nila na kapag malaki ang buntot may cross na o ‘yung matulis lang ang pure. Pero hindi ‘yun ganun,  breeder lang talaga ang nakaaalam kung pure o hindi ang isang Peruvian”, giit niya.



Photo Credit: Kate & Kurt Peruvian Philippines Fb page

          Sa farm ni Ed ay nasa 40 bloodlines ng Peruvian ang mayroon siya. Pero ang pinaparami niya lang ay ang mga bagong import na manok. Sinabi pa niya na mas marami pa nga raw ang bloodlines ng Peruvian kumpara sa American fowls.

Nang tanungin si Ed kung magkano ang kanyang Peruvian, nakadepende ito sa pagkaka-import ng kanyang materyales. Meron kasi siyang mga manok na nasa 300 hanggang 400 US dollars ang presyo kasama na ang shipping papunta rito sa Pilipinas. D’yan pa lang ay magkakaideya na ang kahit na sino na hindi biro ang presyo ng Peruvian sa merkado.

Sa huli, sinabi ni Ed na ang pag-aalaga ng Peruvian ay hilig-hilig lang din. Gaya nga nang kanya nang nasabi, “Ang Peruvian kasi madali lang talaga alagaan. The best ito dahil ‘di kayo mahihirapang alagaan sila dahil ‘di sila sakitin. Siguradong matutuwa ang mga sabungero kapag nag-breed sila ng Peruvian”.

Maaaring kontakin si Ed sa kanyang personal Fb account pati na rin sa kanyang FB page na Kate & Kurt Peruvian Breeder Philippines. Maku-contact din siya sa kanyang cellphone number na 0908-352-6401.


Thursday, May 18, 2017

Sabong Mula Dekada '60 Hanggang '80

Ernie Santiago
Paminsan-minsan ay masarap din ang makipag-kuwentuhan sa matatanda. Hindi lang dahil marami tayong mapupulot na aral sa kanila kundi malalaman din natin kung ano ang mayroon sa kapanahunan nila. Nakakuwentuhan ng Sabong Ngayon si  Tatay Ernie Santiago hinggil sa sabong mula dekada ’60 hanggang ’80.

Si Tatay Ernie ay pinsan ng pamosong gamefowl breeder na si Charlie Cruz ng Candice Jean Gamefarm. Siya ang nakaimpluwensiya kay Charlie kung bakit ito nagkainteres sa pagmamanok. Si Tatay Ernie ay dating nagtatrabaho sa San Roque Cockpit Arena bilang tagabantay ng mga manggagamot at ng mga taga-himulmol ng manok. Pero nang maibenta ang sabungan ay sumama-sama na lang siya kay Charlie tuwing pupunta ito sa farm para malibang siya. Masaya na kasi siya kapag nakakakita ng manok. Minsan ay pumupunta pa rin naman siya ng sabungan. “‘Di naman ako pumupusta ng malaki, andun lang ako para malibang. Minsan nga kahit wala akong pera, napunta pa rin ako para manood lang,” kuwento niya.

Ayon kay  Tatay Ernie, 1960 pa lang, labing-walong taong gulang pa lang siya noon ay suma-sama na siya sa kanyang ama kapag nagsasabong ito sa Marikina. Mais at palay na ibinababad lang diumano sa tubig ang ipinapakain noon sa manok. Tapos ang ipinampupurga lang ay ampalaya na binudburan ng konting asin saka isusubo sa manok. Kung hindi ampalaya ang ginagamit ay bunga naman ng nganga o ‘yung paboritong nguya-nguyain ng ilang matatanda.

Sabi ni Tatay Ernie, “Wala pang bloodline noong araw. Kapag sinabing Batangas, Balulang ang manok. Kapag galing naman sa Pangasinan- Bolinao. Kapag galing Bicol- Camarines”. Meron din daw manok na tinatawag na Malaking Pulo, pero kinalaunan ay ‘di na rin ito ginamit pa ng mga sabungero kapag naglalaban. Masyado kasing mahina ang ganitong klase ng manok dahil natutulog sa laban.

Kung ilalarawan ang mga labanan, sinabi ni Tatay Ernie na parang ganito na rin sa ngayon. Ang pinagkaiba lang ay mahina ang pustuhan. Pumupusta lang ang mga sabungero noon ng onse o ‘di-kaya’y bente dos pesos. Hindi kagaya ngayon na umaabot pa ng milyunan ang pustahan sa mga bigtime derby.
Dekada ’80, dumating ang Texas sa Pilipinas. Sa pagkakaalam ni Tatay Ernie, isa ang Amerika breeder na si Richard Bates sa mga unang nagdala nito sa Pilipinas. Dito na tumindi ang labanan ng mga manok. Aniya, “Kapag inilaban mo sa pangkaraniwang manok ang Texas, wala na. Sa pupugan pa lang talo na”.  Kabilang daw sa mga sikat na sabungero noon ay si James Chongbian ng South Cotabato. Sa sabungan naman, mangilan-ngilan lang ang sikat na sabungan gaya ng Teresa Garden at Roligon. Hindi kagaya ngayon na napakarami nang sikat na mga sabungan kabilang na ang San Juan Coliseum, Pasay Cockpit, Kapitolyo sa may Pasig at marami pang iba.

Naikuwento ni Tatay Ernie na nakikita pa niya noon si Chongbian sa Teresa na kapag nagkukundisyon ng manok ay pinapakain nila ang manok ng mansanas at pinapainom pa ng gatas. Kung anu-ano ring gamot ang isinasaksak nila. Kumbaga, medyo advance na ang ganito kumpara sa iba na mais at palay ang ipinapakain sa manok. Hindi pa rin uso ang mga kung anu-ano’ng gamot sa manok noong araw. Sa ngayon, malalayung-malayo na ang ganung sistema. Marami ng gamot at mga patuka na mabibili sa merkado. Ang mga sabungero na lang ang bahalang pumili kung ano ang gusto nilang gamitin.

Bilang nakatatanda, ipinapayo ni Tatay Ernie sa mga batang sabungero na may kapital na huwag silang magpakalulong sa sugal. Dahil ito ang magiging dahilan ng kanilang pagbagsak. Aniya, “Marami na akong nakitang sabungero na bumagsak dahil nagpakalulong sa sugal. Kaya maghinay-hinay lang pagdating sa pagpusta. Kapag ‘di mo ito ginawa, walang mangyayaring maganda sa iyo”.








Wednesday, May 17, 2017

Battle of the Heavy Weights 4-Cock Derby, Kasado na!


Matapos nang matagumpay na First Philiippine's Peruvian Derby challenge noong buwan ng Perbrero na ginanap sa Talisay, Cebu, heto na naman ang isa pang magandang palaban- ang Battle of  the Heavyweights 4-Cock derby ni Emmanuel “Manny” Berbano, presidente ng PitGames Media Inc. Ito ay gaganapin sa Imus Sports Arena sa May 20.

Maglalaban-laban sa challenge ang mga manok na Peruvian, Western Fowl at Asil Graded. Ang mga manok na kalahok dito ay may minimum weight na 2.5 kgs. at ang maximum ay hanggang 4.5 kgs. Nakataya rito ang papremyo na aabot ng mahigit three hundred thousand pesos. Ang pot money ay 11 thousand pesos samantalang ang bet money naman ay nagkakahalaga 5,500 pesos.
Si Raymond at ang kanyang Gallo Negro

Kasama ang kaibigan na si Joylan

Kasama ang kaibigan na si Melecio Demate
Isa sa mga lalahok dito ay ang dating naging manager sa isang farm sa Bali, Indonesia na si Ramond Ocampo ng Emongski Gamefarm na nakabase sa Cainta, Rizal. Ka-partner niya sa laban ang mga kaibigan na sina Joylan Nadal ng Cavite at Melecio Demate Rubi ng Tacloban. Ang kanilang entry name ay JJN UMCGBA/EMONGSKI RUBI. Gagamitin ng grupo ang ass-kicker ni Raymond na Gallo Negro. Ang nasabing linyada ay subok na at nailaban na niya ito sa Indonesia kung saan ay naging maganda ang kanyang record.

Dahil sa pagsasagawa ng ganitong klase ng pa-derby, naniniwala si Raymond na masusundan pa ito at dadami pa sa darating pang panahon. Ayon sa kanya, “Maganda ang ganitong pa-derby dahil mayroong outlet ang mga nag-aalaga ng Peruvian saka baka dahil dito ay mag-alaga na rin sila ng ganitong klase ng manok”.


Tuesday, May 16, 2017

Michael Decena: Lupet ng MJD Palawan Gold Gamefarm


Kapag pinag-usapan ang manok na Gold, marahil ang isa agad sa sumasagi sa isip ng mga sabungero ay si Michael Decena ng MJD Palawan Gold Gamefarm. ‘Di ba’t sa pangalan pa lang ay malalaman na ang kanyang signature line? Nakilala kasi siya sa ganitong bloodline kaya’t ito na ang ginawa niyang base line sa kanyang manukan.

Tubong Negros ang pamilya ni Michael, pero sa Palawan na sila nanirahan. Nakapagtrabaho siya bilang isang computer engineering, pero ninais niyang ituon ang kanyang sarili sa pagmamanok dahil mas nalilibang siya rito. Ang maganda pa, bukod sa nalilibang na ay mas malaki pa ang perang nakukuha niya sa pagmamanok kaysa dating trabaho.

Matagal nang nakatayo ang farm ni Michael, ang tatay pa niya ang nagpasimula nito. Pero ang lolo niya talaga ang unang nag-breed ng manok sa kanilang pamilya. Ang farm ni Michael ay may sukat na siyam na hektarya. Kada taon ay nakakapagprodyus siya mula 700 hanggang 800 stags. Maliban sa Gold, meron din siyang Kelso, Sweater, Hatch at Roundhead. Ipinapares niya lang ang Gold sa mga nasabing linyada. “Ang Gold ko basically Lemon sila. Kapag naglaro sila salto, sarado at medyo off-beat ang style. Maganda ang cutting saka may power sila,” kuwento niya.

Kapag namimili ng materyales si Michael, ang una niyang tinitingnan ay ang balanse ng katawan ng manok. Siyempre, kailangan din na magaling ito. Wala naman diumanong pinagkaiba ang Gold sa ibang manok. Natural nga lang dito ang pagiging salto.

Si Michael ang tipo ng breeder na hands on mula kasi sa pamimili ng materyales, pagbi-breed, pagpapalaki ng sisiw hanggang sa paghahanda at pagtatari ay ginagawa niya.



          Binanggit ni Michael na kaya naging Palawan Gold ang tawag sa kanyang manok ay dahil sa dating gobernador at ngayon ay GAB Chairman na si Baham Mitra. Gusto raw kasi nito na kapag nag-entry siya sa Maynila ay dala-dala niya ang pangalan ng kanilang probinsya. Noong mga panahon daw na ‘yun kasi ay nakikilala na ang kanyang Gold dahil nagpapanalo ito sa mga laban.

         Marami-rami na ring nakuhang championship si Michael, kabilang na rito ang international derby na inorganisa ni Manny Berbano kung saan ay naging solo champion siya. Nagkampeon na rin siya sa MVLGBU na ngayon ay mas kilala bilang SABAYAN DERBY ng FIGBA. Minsan na rin siyang itnanghal na Breeder of the Year sa asosasyon na kanyang kinabibilangan.

      Sa ngayon, si Michael ay nagsisilbi bilang secretary at board member ng United Palawan Breeders Association. Ayon sa kanya, hindi kalakasan ang sabong sa Palawan kaya’t karamihan ng kanyang mga laban ay nasa Maynila. “Usually, ang gumagamit ng manok ko sa Maynila ay si Toto Sevila. Sumasali kami sa UFCC, NCA, WSC at LGBA,” sabi niya.

      Sa pagkakaalam ni Michael ay kalat na sa buong Pilipinas ang kanyang Gold. Aniya, “Marami kasi akong inilabas at marami rin akong natatanggap na magagandang feedback mula sa mga nakabili. Nakagagaan ng pakiramdam na nakatutulong tayo sa iba”. Karamihan ng mga costumer ni Michael ay sa Luzon kaya’t balak niya na magtayo ng farm, kung hindi sa Cavite ay sa Batangas. Magsisilbi itong showcase area kung saan ay nasa 200 hanggang 300 heads ang maaaring i-cord.


     Sa mga gustong magsimulang mag-breed, ipinapayo ni Michael na magsimula lang ng tama. “Mag-breed kayo ng manok na sa tingin n’yo ay magaling talaga. ‘Yung kayang makasabay. Ako I emphasize na ‘di kailangan dito ang guwapo”. Maganda naman daw ang guwapo at magaling, pero kung baguhan ka pa lang dun ka na sa magaling na kayang sumabay sa malalaking labanan. Lalo na’t ang labanan ngayon ay ‘di biro dahil very scientific at sa genes na ng manok nakasentro. Kaya importanteng mag-invest sa bloodlines at sa manok na magaling maglaro.


     Maaaring kontakin si Michael sa numerong  09178422226 

Meron o Wala: Sabong, Biyaheng Bali, Indonesia

Ang sabungerong Balinese na si Doggy

Isa sa mga memorable na karanasan ko sa career ko sa pagmamanok ay ‘yung nakapagbiyahe ako ng Bali, Indonesia. Naimbitahan kasi ako roon para gamitin ng ilang respetadong mga sabungero ang dinebelop kong pang-kundisyon na manok na kung tawagin ay Supermedz. Nagkainteres sila rito nang mabalitaan nila na marami akong mga suki na nagpapanalo sa Pilipinas gamit ang aking gamot. Ang nakatatawa, dahil medyo alanganin na magpasok ng gamot sa Bali ay doon na lang ako nagpabili ng materyales saka ko tinimpla. Hindi naman sa pagyayabang, natuwa rin ang mga kaibigan namin sa Bali matapos nila itong masubukan. Nanalo rin kasi sila sa kanilang mga laban. Tinuruan ko sila ng aking feeding grade na napakadaling sundin ang proseso.


Ang napansin ko sa Bali, medyo napag-iwanan na sila sa sabong kung ikukumpara sa atin. Kulang na kulang kasi sila sa mga gamot, suplemento at gamefowl feeds. Nag-aangkat sila sa atin, pero mahal na ang presyo pagdating doon. Samantalang sa atin ay napakaraming mga kumpanya na nagninegosyo na may kinalaman sa manok-panabong. Bukod dito ay ‘di rin ganun ka-moderno ang kanilang sistema sa pag-aalaga ng manok. Hindi kagaya sa atin na very scientific na ang pag-aalaga. Ni wala nga silang magasin at tv show sa sabong. Nakapako pa rin sila sa  samu’t saring pamahiin. Marami pa rin namang ganito sa atin na nakakapit sa mga lumang paniniwala. Pero sa kanila, mukhang ‘di na gaanong umusad pa. ‘Di rin naman natin ito puwedeng kuwestiyunin dahil baka bahagi na ito ng kanilang tradisyon. Kapag nagsasabong nga sila ay nakasuot pa sila ng sarong at may mga takip pa sa ulo na tinatawag nilang ‘udang’.  


 Idagdag ko na rin na mangilan-ngilan lang ang kanilang mga linyada roon. Uso sa kanila ang Peruvian, Asil  pati na rin ang Kanching chicken na katumbas ng native chicken sa atin. Pero ang maganda, mayroong mga taga-Bali na nag-iimport ng manok dito sa Pilipinas kaya’t darating din ang araw na magagaya rin sila sa atin. Kaya’t huwag magtataka kung nakapasok na rin sa kanila ang mga Western fowls. Ang ibang farm nga doon, ang set up ay nai-pattern na rin sa atin. Hindi naman ito nakapagtataka dahil may mga kababayan tayo na nagtatrabaho bilang handler doon. Mataas ang tingin o respeto ng mga breeder sa mga Pilipinong magmamanok. Alam kasi nilang marami tayong teknik na maibabahagi sa kanila.

Siyempre, iba ang rules nang pasabong sa Bali, dito kasi sa atin kung sino ang huling tumuka ay ‘yun ang panalo. Samantalang sa kanila kung aling manok ang unang sumayad ang tuka sa lupa ay talo na agad kahit malakas pa ito tapos wasak na ang kalaban. Kung titingnan din, parang magulo ang kanilang pasabong. Mayroon silang ruweda, pero puno ng tao at mga sultador. Magulo pero masaya ‘ika nga!

Tapos iba rin ang tari nila na tinatawag nilang ‘Surat knife’ na ‘di na ginagamitan pa ng sapin. Tinatalian lang na parang gantsilyo ang tari.

Bagama’t ganun ang kanilang pasabong, hindi natin sila puwedeng maliitin. Pagdating kasi sa pustahan, ang lalakas nilang tumaya. Kung sasabayan mo sila, naku mamumulubi ka lalo na’t hindi naman tayo milyonaryo. Puwede siguro kung kagaya tayo ng ilang mga big-time na sabungero sa atin na kung tumaya ay parang wala ng bukas, hehe.

Ibang klase rin ang sabungan sa Bali, ginagawa kasi ito sa loob mismo ng compound ng kanilang mga templo. At take note, ilan pa sa mga ito ay gawa sa ginto. Yayamanin ‘di po ba? Pero kung iisipin ng iba na pambabastos ito sa kanilang relihiyon, aba’y hindi po. Una, tradisyon na ito sa kanila at isa pa, ang nalilikom na pondo sa sabong ay ginagamit nila sa pagpapaganda ng kanilang templo. Ayon sa aking nakaututang dila roon, naniniwala silang nalulugod o natutuwa ang kanilang mga diyos dahil nagsisilbing alay ang dugo ng naglalabang mga manok. Isa pa, nagsisilbi rin itong pantaboy sa masasamang espiritu.



Wish ko lang, sana makabalik ulit ako sa Bali, Indonesia dahil kakaiba talaga ang experience sa sabong roon. Kapag nakabalik ako, mag-iinterbyu ako ng mga breeder  o ‘di-kaya’y idu-dokumento ko ito para maibahagi sa aming blog at Facebook fan page. Kung hindi man sa Bali, puwedeng sa ibang bansa basta mayroong sabong. Sana ay may mag-sponsor uli sa aking biyahe sa tulong uli ng Supermedz…

Maaring kontakin si Makuri Makuru sa numerong 0915-577-9379 at 0949-121-2050.




Sunday, May 14, 2017

Bayanihan sa New Art of Gaffing (NAOG)


Kung inaakala mo na ‘di na uso ang bayanihan na isa sa magagandang kaugalian nating mga Pinoy ay nagkakamali ka. Buhay na buhay pa rin ang diwa nito sa New Art of Gaffing (NAOG): Lahat ng Asinta Pumapatay. Ang  NAOG ay grupo ng mga mananari na makikita sa Facebook. Pero hindi lang sila hanggang sa social media nag-uusap, paminsan-minsan ay nagkikita rin ang mga miembro sa personal tuwing mayroon silang seminar o workshop.

Layunin ng NAOG  na matulungan ang mga sabungero na gustong matutong magtari. Pinamumunuan ito ni Jake Quintana o mas kilala bilang Jake Speed sa Facebook. Dati siyang admin sa Art of Gaffing. Pero binura ito ng may-ari kaya’t naisipan niyang magtayo ng sariling grupo. Nanghihinayang kasi siya dahil humigit kumulang na sa anim na libo ang mga miembro. Naisip niya, paano na lang ang mga gustong matutong magtari? Dahil dito ay agad niyang binuo ang NAOG para maipagpatuloy ang hangarin niyang makatulong sa mga aspiring tadero.

Jake Speed

Ayon kay Jake, “Sa dati kasing grupo isang asinta lang ang pinag-uusapan. Pero sa NAOG lahat ng asinta, welcome rito. Sabi nga sa pangalan ng grupo namin- Lahat ng Asinta Pumapatay!” Idinagdag pa niya na ang kanilang grupo ay makabagong henerasyon sa pagsasanay sa pagtatari. Noon daw kasi, ang  ginagamit pa ay mahabang sapin. Samantalang ang uso na ngayon ay leather boots. Kumbaga, nakatutok ang grupo sa bagong istilo ng pagtatari.

Ang unang workshop ng NAOG ay isinagawa sa Cavite at ang sumunod naman ay sa Quezon City. Tuwing mayroong workshop ang grupo ay kitang-kita sa kanila ang pagtutulungan. Hindi ito basta ordinaryong seminar lang kung saan may nagsasalita sa harapan at nakikinig lang ang mga audience. Sa kanila kasi para higit na matuto ang mga miembro ay ginagawa nila ito nang one-on-one. Hindi lang isa ang nagtuturo kundi marami. Pipili na lang ang mga miembro kung saan nila gustong makinig at magtanong.

Ang kagandahan sa NAOG dahil ang grupo nila ay nasa Facebook kaya napakadaling sumali. Isang click mo lang ay makikita mo na lahat ang kanilang diagram at uri ng asinta na gusto mong malaman. Kapag mayroon kang ‘di maintindihan, magtanong ka lang at marami ang sasagot sa iyo.

Bukod sa pagtuturo sa pagtatari, inaalalayan din ng NAOG ang kanilang mga miembro sa pagbili ng tari. Ito ay sa pamamagitan nang pagrirekomenda kung saan makakakuha ng maganda at de kalidad na tari. Lalo na’t marami ngayong mga bogus na nagtitinda ng tari sa social media.

Ikinuwento ni Jake na noong araw ay nagpapatari rin siya sa iba. Pero napansin niya na ang manok niya ay palo nang palo, pero ‘di man lang nakakasugat sa kalaban. Ito ang nagtulak sa kanya para mag-aral ding magtari. Malaki diumano ang bentahe kapag ikaw ang nagtari sa manok mo dahil alam mo ang kalidad at asinta ng tari na ginagamit mo. Mas maganda ito kaysa mag-ala-tsamba sa pagpapatari sa iba.

          Para kay Jake, ang pagtatari ay continues process of learning. Aniya, “‘Di porke’t nanalo ka ay ‘yun na lang ang the best na aisnta. Lahat naman ng asinta na umiikot sa sirkulasyon ng mga mananari ay effective”.  Kumbaga, sumubok din ng ibang asinta at huwag tumutok lang sa isa.

         Inaaanyayahan ni Jake ang mga gustong matutong magtari na sumali sa NAOG. Sinisiguro niya na kapag pumasok sila sa grupo ay ‘di sila lalabas na walang alam.
Maaaring kontakin si Jake sa 0935-549-1418.

Friday, May 5, 2017

Dink Fair, Beteranong Breeder sa Amerika


             Si Dink Fair ng Spring Creek Gamefarm ay maituturing na isa sa mga beteranong magmamanok. Ang kanya kasing mga palahi ay kinikilala ng mga sabungero sa buong mundo.

            Siyam na taong gulang pa lang noon si Dink nang mamulat siya sa mundo ng sabong. Naengganyo siya rito matapos makapanood ng naglalabang mga manok. Natuwa siya habang pinanuod ang mga ito. Nagustuhan niya ang hitsura at tapang ng mga manok-panabong.

            Pero alam n’yo ba bago maging sikat na gamefowl breeder si Dink ay nagtrabaho muna siya sa isang farm bilang tagapag-painom ng mga manok? Maliit man ang kanyang kinikita mula rito ay masaya naman siya at nalilibang sa kanyang ginagawa. Pero natigil siya sa pagmamanok nang magsundalo siya at naisabak sa Vietnam War.  Nang umalis sa pagkasundalo ay agad siyang bumalik sa pagmamanok. Naging maganda naman ang karera niya sa sabong dahil laging siyang nagpapanalo sa mga derby.    

            Isang araw, minalas siya nahulog kasi siya sa puno matapos manghuli ng stag. Nabalian tuloy siya ng buto sa braso. Hindi siya nakapagtrabaho ng kung ilang linggo kaya naman nagipit siya. Nang maka-recover ay naisipan niyang ilaban ang kanyang mga White Hackle sa sabungan sa Kansas, Texas. Pinalad naman siya na manalo at ang premyong napanalunan ay ginamit niya para mabayaran ang kanyang renta sa bahay at para isa iba pang mga gastusin.

            Iba’t ibang linyada ang mayroon si Dink. Kabilang na rito ang Albany na nakuha niya mula kay Johnney Moore. Mayroon din siyang Kelso at Chocolate Grey na nakuha niya kay Johnnie Jumper. Ang Chocolate Grey ay ipinares niya sa Roundhead na galing kay Junior Belt.

            Ang kanyang Pussom at Sweater naman ay nakuha niya kay Carol Nesmith. Sa mga ito ay ang Sweater ang kanyang pinakapaborito dahil sa nakitaan niya ito ng galing sa pakikipaglaban. Minsan na rin silang naging mag-partner ni Carol sa pagmamanok dahil sa hilig niya sa Sweater. Hanggang sa nagkaroon na rin ng Dink Sweater na nakapangalan sa kanya.

            Meron ding 5,000 Dollars na manok si Dink. Ipinares niya ito sa inahin na Radio sa loob ng isang taon. Nakapagprodyus siya ng apatnapu’t supling. Ang mga ito ay nakapagbigay sa kanya ng tatlumpu’t anim na panalo, dalawang talo at dalawang tabla sa long knife derby sa Sunset.


                        Dahil sa dami ng naging tagumpay ni Dink, iniisip ng iba na ganap  o kumpleto na ang kanyang pagpapalahi, pero hindi pa. Bagama’t beterano na ngang maituturing ay patuloy pa rin niyang pinag-aaralan ang kanyang mga linyada na mayroon siya. Para sa kanya, mahalaga na maging pamilyar ka sa mga linyada na iyong hinahawakan. Wala namang masama na sumubok ng bago, pero huwag mong baguhin ang dating sistema na nakasanayan mo lalo’t subok na ito. Nasubukan na rin niya kasing magpares ng ibang manok sa pamilya na kanyang minamantini. Pero hindi maganda ang kinalabasan. Ang mahalaga, panatilihin ang linyada para kapag hindi maganda ang resulta ay hindi mawawala ang buong pamilya.

Tuesday, May 2, 2017

Ulderico Zonio: Ekspertong Mananari ng Antipolo

Si Ulderico habang nagtatari
           “Isa lang ang mananari sa nagpapanalo ng manok lalo na at eksperto na siya sa pagtatari. Pero ang masasabing suwerte at magbibigay sa iyo ng limpak-limpak na salapi ay nasa dala mong sasabungin kung ito ay nasa mood o dapat na talaga siyang ilaban”. Ito ang naging pambungad ni Ulderico Zonio, isang eksperto sa pagtatari ng manok-panabong nang amin siyang kapayanamin.

      Si Ulderico ay 37-taong gulang at tubong Kalibo, Aklan, sa kasalukuyan ay naninirahan sa Sitio Kaysakat, Barangay San Jose, Antipolo City. May labinlimang taon na rin siyang nagtatari ng manok. Nang  dumating siya sa kanilang baryo,  ang naging pangunahin niyang hanapbuhay ay ang pagkakaingin.

          Noong una ay nagsasabong lang si Ulderico, pero nang lumaon ay pinag-aralan niya ang pagtatari hanggang sa naging bihasa siya rito. Nakita ng kanyang mga kaibigan at kakilala kung gaano siya kahusay magtari kaya’t simula noon ay marami nang mga sabungero ang  umaarkila ng kanyang serbisyo. “Hindi basta-basta ang maging mananari, kailangan mo ring mamuhunan. Hindi naman lahat ng manok ay pare-pareho ang laki at haba ng paa”, sabi niya.

          Ipinagmamalaki ni Ulderico na dahil sa pagtatari ay napagtapos niya sa pag-aaral, sa kursong accountancy ang isa sa kanyang mga anak. Habang ang kanyang panganay na anak na nagngangalang Denmark ay tinuruan niyang magtari at ngayon ay isa nang ganap na magtatari at umiikot na sa mga sabungan.

          Halos araw-araw diumano ay pinupuntahan o ‘di-kaya’y tinatawagan si Ulderico ng kanyang mga parokyano. Pinapupunta siya ng mga ito sa kung saan mang sabungan sila maglalaban para magtari ng kanilang mga manok-panabong. Minsan, kapag piyesta sa mga karatig-lugar ay nagkakaroon ng tupada ay dumadayo rin siya para magtari.

          Kung saan-saan ding sabungan nakararating si Ulderico. Pero mas madalas ay sa Texas at Blue Mountain siya pumupunta. Minsan, kapag kursunada niya ang manok na kanyang tinatarian ay pinupustahan niya rin ito. Kaya naman talagang nag-i-enjoy siya nang husto sa kanyang trabaho.

            Talagang marami ang may gusto sa serbisyo ni Ulderico dahil kahit malayo pa ang derby ay may mga kumukontrata na sa kanya. Sa dami nga ng gustong kumontrata sa kanya ay ‘di na niya napagbibigyan pa ang iba. Pero may mga araw din naman na walang sabong kaya’t nagpapahinga lang siya sa bahay at nagbabantay sa kanyang mga anak. Ang misis niya kasi ay nagtitinda sa isang canteen sa bayan ng Marikina. Maganda raw ito na pareho silang may trabaho, nagkakatulungan sila sa mga gastusin at pagatataguyod ng kanilang pamilya. “Hindi kasi araw-araw may  nakukuha akong patuka”, pagbibiro pa niya.

          Kapag nananalo ang manok na tinatarian ni Ulderico ay binabayaran siya ng limang daang piso. Kapag natalo ay wala siyang ibang naiiuwi kundi ang kanyang mga gamit sa pagtatari. Kapag sa magagandang pa-derby ay mas malaki ang bayad na natatanggap niya. Aniya, “Binabayaran nila ako ng one thousand five hundred pesos, ‘di pa kasama roon ang tip. Mas malaki ang naiuuwi ko kapag kasangga ko ang nanalo sa laban”.

       Sinabi ni Ulderico na hindi biro ang halaga ng sasabunging-manok na inilalaban ng mga sabungero. Isama pa ang oras na kanilang iginugol sa pag-aalaga ng kanilang mga panlaban. Halos pamilya na nga raw ang turing nila sa mga ito. Kaya’t bilang isang mananari, napakahalagang gawin mo ng tama ang iyong trabaho dahil kapag nanalo ang tinariang manok ay makikinabang ka rin. “Ang tangi ko lang masasabi sa mga katulad kong magtatari, kung makikita ng mga sabungero na maayos ang pagtatrabaho o pagtatari mo ay sila na mismo ang lalapit at kukuha sa iyo”, pagtatapos niya.
Loading...

Recent Posts