Thursday, December 29, 2016

Gil Matignas: Gamefowl Doctor ng Baras, Rizal

Si Gil Matignas ng Baras, Rizal habang naggagamot ng sugatang manok sa Araneta Coliseum.
Kung mayroong duktor para sa mga tao ay hindi rin mawawala ang duktor para sa mga manok-pansabong. Dahil dito ay natutuwa ang mga magsasabong dahil mayroong silang mapagdadalhan ng kanilang mga sugatang manok. Hindi sila mga lisensiyadong mga beterenaryo kundi pangkaraniwang mamamayan lamang, na walang ibang hangad kundi ang mamuhay ng marangal sa pamamagitan ng pagtratrabaho sa sabungan. Subali’t may kakayahan silang manggamot ng mga sugatang manok. Isa na rito si Gil Matignas, limampu’t anim na taong gulang at taga-Baras, Rizal. Masasabing dalubhasa na siya sa ganitong larangang dahil na rin sa matagal na niya itong ginagawa.

    Ang kaalaman niyang ito ay kanya lamang nakuha sa pamamagitan ng pag-oobserba sa mga naggagamot ng sabungan. Dahil wala namang paaralan hinggil dito, nakukuha lang ito sa karanasan. Aniya ay madali lang naman itong matutunan basta’t pag-aralan mo lang mabuti kung anu-ano ba ang mga kinakailangang gawin. Hindi na rin naman bago sa kanya ang makakita ng manggagamot ng mga manok dahil ganito rin ang trabaho ng kaniyang ama. Ang paggagamot ng mga manok ang bumuhay sa kanilang anim na magkakapatid. At tatlo sa kanila ang nalinya sa ganitong uri ng trabaho. Ang isa nga lang niyang kapatid ay tumigil na sa pagggagamot ng mga manok buhat nang ito ay sumemplang sa motor. Nabalian ito ng buto sa balikat at nahihiya nang makita pa ng mga tao sa sabungan. Isa itong titser at pagkatapos ng klase ay dumidiretso na dati sa sabungan para sumadlayn.

    Katulad ng kanilang ama, ang trabaho ring ito ang ipinantaguyod ni Mang Gil sa kanyang pamilya. Hindi na siya umiba pa ng linya tutal ay gamay naman niya ang panggagamot ng mga manok. Mayroon siyang dalawang anak na lalaki, ang isa ay sa Singapore na nagtratrabaho. Samantalang ang isa niyang anak na nagngangalang Gilson ay sumunod naman sa kanyang yapak. Naggagagamot din ito ng mga manok sa sabungan, kasa-kasama ang isa niyang pamangkin na nagngangalan namang si Jun. Hindi naman niya tinuruan ang mga ito, “Isinasama ko lang sila dati sa sabungan, natututo naman sila ng sa kanila.”

   Tatlong daang piso ang bayad sa bawat manok na ipinapagamot sa gaya niyang naggagamot. Ang importante lang naman dito ayon kay Mang Gil ay ang makarami ka ng gagamuting manok. Aniya, “Kapag marami kang kostumer at nagpapanalo, maganda ang pasok sa iyo ng income.”Siyempre, kailangan ay mabilis kang kumilos. Pero dapat ay pulido para matuwa naman ang mga kostumer. Inaalam lang niya kung ano ang schedule sa isang sabungan na kaniyang pinupuntahan. Kapag nakita siya roon ng kanyang mga kakilala ay automatic na sa kanya agad dinadala ang mga sugatang manok nila. Isa sa kanyang mga suki ay ang pamosong sabungera na si Osang dela Cruz ng Gold Quest Game Farm. Mapa-panalo o talunang manok ay kaniyang ginagamot. Malas nga lang kung puro patay ang mga manok ng kanilang mga kakilala dahil wala rin siyang gagamutin. Pero kahit ‘di pa kakilala ay nagiging suki rin niya. Kung sino kasing makita nilang manggagamot ay iaabot na lang dito ang manok. Ang maganda pa, kung minsan ay nabibiyaan pa siya ng manok ng kanyang mga kakilala. “Nakakahingi rin kami, basta tabla o talo minsan ibinibigay na lang sa amin,” masayang sabi ni Mang Gil.

    Ayon kay Mang Gil, ang unang ginagawa sa paggagamot ng manok ay pinapainom muna niya ito ng anti-biotic. Nililinis din niya ang sugat ng manok, kailangan ay maalis ang lahat ng dugong lumalabas dito. “Ang importante lang naman dito ay mapalabas mo ang dugo para h’wag magbalantukan ang manok,” paliwanag pa niya. Matapos linisin ay tatahiin na ang sugat at saka papahiran ng pampatuyo. Kapag maraming tama ang manok ay umaabot ng mahigit sa isang oras ang ginagawang panggagamot. Ang isa pang dapat tandaan kapag naggagamot ng manok, “Ang importante hanapin mo ang tama ng manok, sa leeg,sa tagaliran, sa kili-kili. Kailangan saraduhin mo agad ‘yan.”  Kung papanuorin mo nga ang ginagawa ni Mang Gil ay para siyang siruhano na nag-oopera ng pasyente. Madali lang diumanong gumaling ang sugat ng manok, depende ‘yun sa pinsalang natamo nito. Kapag matindi ay inaabot ito ng hanggang tatlong linggo. Kapag bahagya lang ay wala pang isang linggo ay magaling na agad ang sugat ng manok.

    Mayroon ding mga alagang manok sa bahay si Mang Gil. Paminsan-minsan ay nagsasabong din siya sa Baras Cockpit Arena. Pero nilinaw niya na ‘di na siya roon naggagamot kundi sa ibang lugar na. Ipinaubaya na lang niya sa mga taga-roon ang paggagamot ng mga manok. Aniya, “Mga cock fight lang ang sinasalihan ko, ‘di puwede sa derby at wala akong kapital” Nang tanungin kung ano ang paborito niyang manok, “Wala naman akong paborito basta manok puwede sa akin, basta magaling pumalo. ”

    Sa ngayon, sa loob ng isang linggo ay dalawang beses na lang nakakapanggamot si Mang Gil. Hindi na raw kasi niya kaya ang laging nagpupuyat. Hindi kagaya noong araw na anim na beses siyang kung manggamot sa loob ng isang linggo. Kung saan-saang sabungan pa nga siya nakararating noon. Kahit pa sa mga probinsiya basta’t may malalaking derby ay pinupuntahan niya. Hindi kagaya ngayon na hanggang sa mga sabungan lang sa Metro Manila ang kaniyang pinaggagamutan. Wala pa naman siyang balak na tumigil sa trabaho niyang ito. Hangga’t kaya ng kanyang katawan may patuloy siyang maggagamot ng mga manok. May apila si Mang Gil, sa mga sabungerong gustong magpagamot ng manok ay maaari siyang tawagin at gagarantiyahan niya na pulido ang kaniyang pagbibigay serbisyo. 

Ang Pagsikat ng Jet Sweater Gamefarm

Photo Credit: Jet Sweater Fb fan page
     
            Matunog na matunog ngayon ang pangalan ni Jet Olaguer, 31-taong gulang ng Iloilo, Panay Island dahil sa kanyang manok na Jet Sweater. Bukod kasi sa guwapo na ay mahusay din ito. Pero ayaw niyang solohin ang karangalan dahil ibinabalik niya ang papuri kung saan nanggaling ang kanyang Sweater.

            Nagkahilig si Jet sa manok dahil nabibilang siya sa pamilya ng mga sabungero. Ang lolo pa nga niya noon ay nagmamay-ari ng sabungan. Nang una ay 'di niya gaanong siniseryoso ang pagmamanok dahil patigil-tigil siya. Medyo bata pa siya noon kaya't mas gusto niya ang dumalo sa mga party. Isa rin kasi siyang disc jockey sa mga club. Pero nang manalo sa Candelaria derby noong 2005, doon na siya nagseryosong magmanok. Aniya, "Na-aapreciate ko kung gaano kasarap ang mag-champion. Iba talaga ang pakiramdam, eh". Mas tumutok siya sa pagmamanok nung makakuha na siya ng magandang materyales.

            Nabanggit ni Jet na noong nagkampeon sila sa Candelaria, ang nakalaban ng kanilang manok na Black ay Sweater. Parang gusto pa nga niyang manalo ang manok ng kalaban dahil ang guwapo kumpara sa kanilang manok. Nung manalo sila laban sa Sweater, tinawagan niya agad ang kanyang mga tito na nasa Amerika at humiling siya na ibili siya ng guwapong manok. Sabi niya, "Bumili sila ng Sweater kay Bruce Barnett. Then,after na ma-breed 'yung mga Sweater, nakakuha rin ako ng Sweater kay Sonny Lagon na galing din kay Bruce tapos kay Nene Abello rin". 

            Noong 2008 ay nakilala niya ang Escolin Brothers na sina Martin at Marlon Escolin at nakakuha siya rito ng Sweater na Dink Fair 5k line pati na rin ng Boston Roundhead. "Noong makakuha ako sa kanilang ng Sweater, nag-heavy na ako run. Lahat ng manok ko ngayon, heavy sa 5k line pero may Bruce pa rin, Nene Abello at Sonny Lagon tapos may konting Joe Sanford," paliwanag niya. Dito na nabuo ang kanyang linyada na tinatawag na Jet Sweater.

            Simula diumano nang makakuha si Jet ng manok sa Escolin Brothers ay doon na naging maayos, guwapo at magagaling ang kanyang mga manok. Habang nagbi-breed siya ay ginagabayan siya nang magkapatid. Kaya't malaki ang kanyang pasasalamat sa kanila dahil sa walang sawang pagsuporta ng mga ito sa kanya. Masuwerte raw siya dahil malapit lang ang farm ng Escolin Brothers mula sa kanila. Nasa mahigit isang oras lang ang biyahe.

            Inilarawan ni Jet ang kanyang Sweater, kapag pumalo ito ay mapaa, malakas mag-break at magaling ding tumiyempo. Saka isa pa, guwapo. Aniya, "Maraming guwapong manok d'yan, pero 'di magaling. Itong ginawa kong Jet Sweater kumpleto na". Nagamit na raw niya ito sa World Slasher Cup 2016 kung saan ay nakakuha siya ng 6 wins, 1 draw at 1 loss. Ang tumabla na manok ay naputulan lang ng tari. Pero winasak naman nito ang kalaban, 'di nga lang napatay.

            Nang tanungin si Jet kung bakit pumutok nang husto ang kanyang pangalan, sinabi niyang sinuwerte siya dahil na rin sa tulong ng Escolin Brothers. Masuwerte rin siya at nakakuha siya ng magagaling manok. Bukod sa maganda na ang bloodline, sinabayan pa ito ng magandang pedigree kaya't naging healthy ang kanyang manok. Aniya, "Sisiw pa lang ay B-Meg Integra na ang ginagamit ko kaya't 'di nagiging sakitin ang mga ito. Sisiw pa lang sila, pero kapag hinawakan mo para silang billiard ball na buong-buo. Umulan man o bumagyo 'di sila basta magkakasakit".

            Sa palagay din ni Jet, tumunog ang kanyang pangalan dahil tuwing may gamefowl expo ay mga manok na de kalidad ang kanyang ibinebenta sa mga costumer. Dahil dito ay nakukuha niya agad ang tiwala ng mga tao. Kaya't 'di na rin nakapagtataka kung bakit nagiging bukambibig ng iba ang kanyang pangalan.

           Talagang nagpapakatotoo si Jet dahil kahit ultimo mga laban na natalo siya ay ina-upload niya. Para kasi sa kanya, natural lang naman ang natatalo. "Kasi kung ang manok ko, 'di natatalo matagal na tayong milyonaryo, natatawang sabi niya". Ang importante ay mas lamang ang panalo kaysa talo.

            Si Jet ay isang full-time breeder, pero 'di niya maiaalis ang kanyang pagiging-dj. kaya't kapag may oras siya ay binabalikan niya ito.

            Ang cording area ni Jet ay nasa tatlong ektarya. Mayroon din siyang tatlong range area na tig-iisang ektarya. Magkakahiwalay ang mga ito, pero nasa isang lugar lang. Sa isang breeding season, nakakapagpalabas siya ng 2,500 ulo kasama na ang mga babae.

            Walang ibang binabalak sa hinaharap si Jet kundi ang pagbutihin pa lalo ang kanyang pagmamanok. Gusto niya ring paramihin pa ang kanyang produksyon dahil 'di niya mabentahan lahat nang mga gustong kumuha sa kanya. 'Di nga rin siya makapagpagulang ng manok dahil sa dami ng order. Ang pinapagulang lang niya ay 'yung mga isinasali niya sa World Slasher Cup at Candelaria derby.

            Nabanggit niya rin na gustung-gusto niyang mapagwagian ang BAKBAKAN. Kaya lang ay mas inuuna niya ang mga buyer. "Kung mag-champion sila sa BAKBAKAN parang ako na rin ang nag-champion. Saka gusto ko happy ang mga buyer ko para magpabalik-balik sila sa akin", seryosong pahayag niya.

            Maraming buyer si Jet sa Pilipinas, pero ang pinakamalakas niya raw na buyer ay taga-Indonesia. Seasonal lang ito kung bumili, pero kapag bumili ay bultuhan. Kumukuha ito sa kanya mula 200 hanggang 300 heads. Nagpi-finance rin ito sa kanya sa World Slasher Cup. Minsan, pinustahan ng Indonesian ang kanyang manok ng 18 million pesos. Noong manalo, pagkalipas ng isang linggo isinabong nito ang manok ni Jet at pinustahan naman ng 28 million pesos, panalo pa rin!

            Maliban sa Pilipinas at Indonesia, mayroon din siyang mga costumer na sa Malaysia, Vietnam, Cambodia pati na rin sa Mexico. Thirty percent nga raw sa kanyang mga follower sa FB ay mga Mexican.

            Sa mga baguhang magmamanok, ipinapayo ni Jet na mas mabuting bumili ng materyales sa mga breeder na 'di lumalaban. Aniya, "Kasi kapag lumalaban parang itinatago ang materyales. Kapag breeder talaga ang kukunan mo, may tendency ka talaga na makakakuha ka nang maayos na manok gaya sa Escolin Brothers". Ang materyales daw kasi nila ay totoo. Sa tingin pa ni Jet, malaking porsyento ng mga sabungero sa FB ay galing sa Escolin Brothers ang mga manok nila. "Kung bibigyan ako ng chance na magsimula uli at wala ang manok ng Escolin Brothers, ayoko nang mag-breeder," pagwawakas niya.

Maaaring kontakin si Jet sa 0917-688-8028.

Ruben Escover: Sakripisyo sa Pagmamanok


            Ang pagkakaroon ng farm ay maituturing na sakripisyo dahil maraming kailangang gawin para ito ay mapatakbo nang maayos. Siyempre, pangunahin na rito ang usaping pinansiyal dahil hindi biro ang gastos kapag mayroon kang farm. Pero kung talagang hilig mo ang pagmamanok, anumang hirap ay hindi mo iindahin. Ito ang mensaheng ibig iparating ni Ruben Escover ng RRJA Gamefarm.

                Si Ruben ay 55-taong gulang, may pitong anak at tubong Alfonso, Cavite. Dise siyete anyos siya noong magtrabaho siya sa pabrika ng tela. Nang mawalan ng trabaho ay kinarir na niya ang pagmamanok. Pinasok niya ang pagiging mananari at noon pa man ay naglalaban na rin siya ng mga manok. Pero bata pa lang ay namulat na siya sa sabong. Naimpluwensiyahan kasi siya ng kanyang mga kaibigan na mahihilig sa manok. Ikinuwento niya, noon diumano ay Texas at Balulang pa ang usong mga manok. Base sa kanyang obserbasyon, mamagaling lang ang mga manok noon sa angatan, pero 'di gaanong nakatatagal sa basaan at mahina ring uminda ng sugat. Hindi katulad ngayon na hybrid na ang mga manok at talaga namang matitindi pagdating sa labanan; mapa-angatan man o sa ibaba.

                Naisipan ni Ruben na magtayo ng farm dahil sa ganda ng performance na ipinapakita ng kanyang mga manok. Kaya't nagpasya siyang paramihin ang mga ito dahil maraming buyer ang naghahanap matapos nilang mapanuod ang laban ng kanyang mga manok sa sabungan. Sa ngayon ay nakapokus na siya sa pagpapalahi ng manok. Kasosyo ni Ruben sa farm ang kanyang kumpare na si Ryan Mendoza. Ang RRJA ay hango sa pangalan nilang dalawa at iba pa nilang mga kumpare (Ruben, .Ryan, Juanito at Albert).

                Nagsimula lang sina Ruben sa dalawampung mga manok hanggang sa umabot na ito ng isang daan at limampu. Tatlong linyada lang ang kanilang pinapaikot dito at ang mga ito ay ang Irish Dome na galing kay GenGen Arayata, Mel Sims at Big Pyle na Richard Bates. Napili niyang palahiin ang nasabing mga linyada dahil subok na nila ito. Nakakuha rin sila ng manok kay Eddie Ballesteros ng Bacolod. Ibinida ni Ruben ang kanilang Bulik, "Talagang maayos ang performance ng Bulik namin, may cutting. Saka ang Bulik 'di na nawawala sa laban. Bihira lang sa kanila ang pangit lumaro". Nito lang Marso ng taong kasalukuyan ay dalawang beses silang nagkampeon sa 3-cock derby gamit ang Bulik.


                Noong una, kapag lumalaban ay sila lang ang nagpi-finance ng sariling mga manok. Pero nang makita ng iba na magandang lumaro ang kanilang mga manok ay nakakakuha na sila ng financier. Sa ngayon ay halos lingu-linggo na kung sila ay magsabong. Kung may laban man siya na 'di malilimutan, ito ay noong bago magsimulang magkaroon ng farm si Ruben. Nagkampeon sila ng kanyang mga kumpare sa 6-cock derby sa Pasig noong 2012. Napakasaya ng sandaling 'yun dahil sila lang ang nag-finance ng kanilang mga manok.

                Kung ikukumpara ni Ruben ang pagtatari at pagiging farm owner, sinabi niyang mas madali ang pagtatari. Kapag may laban ka lang kasi magtatrabaho, pagkatapos magtari ay puwede ka nang magpahinga. Aniya, "Kapag farm owner ka, kailangan mo talagang magsakripisyo. Gaya rito sa amin, bukod sa owner ay ako rin ang nagsisilbing manager, boy atbp. Bihira na nga lang akong umuwi sa bahay namin". Palibhasa ay itinuturing niyang passion ang pagmamanok kaya't bagama't mahirap ay masaya niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Sa farm na nga rin siya natutulog. Paggising sa umaga ay nagtitimpla siya ng pagkain ng manok. Bahagya lang magpapahinga sa tanghali, pagkatapos ay balik na naman sa gawain. Titigil lang siya kapag maggagabi na. "Kung iiwan ko ang pagmamanok tapos wala na akong ibang trabaho; sigurado 'yung katawan ko babagsak. Eh, napakalaking excercise sa akin ng pagmamanok", dagdag pa niya.


                Naniniwala si Ruben na kung may sakripisyo, siyempre aanihin mo rin ang mga itinanim mo. Kumbaga ayon na rin sa kasabihan, kung may tiyaga, may nilaga. Kapag magtatayo ka ng farm, kailangan mo talagang mamuhunan. Pero natutuwa siya dahil ngayon ay nakabawi na sila. Minsan nga sa dami ng mga buyer ay tinatatanggihan na nila ang iba dahil baka sila naman ang maubusan. Kapag kakapusin ng budget, dito na sila nauobligang magbenta ng manok. Ang kanilang stag ay mabibili sa halagang limang libo habang ang bullstag naman ay nagkakahalaga ng pitong libong piso. Sa ngayon, ang balak lang ni Ruben ay i-maintain ang farm. Pero kapag dumami pa ang kanilang mga manok ay magtatayo sila ng farm sa Cavite.


                Sa mga gustong pasukin ang pagmamanok, ipinapayo ni Ruben, "Pumili kayo ng magandang materyales dahil ang iisipin mo rito ay ang gastos mo". Pareho lang diumano ang iyong gagastusin, maganda man o pangit ang manok mo na nakuha. Kaya para 'di masayang ang gastos ay magandang materyales na ang kunin mo.

Wednesday, December 28, 2016

World Gamefowl Expo, Muling Aarangkada!


Ang Enero ay maituturing na buwan ng mga sabungero dahil may malalaking event na isinasagawa kabilang na rito ang World Gamefowl Expo. Ito na ang ika-pitong taon ng expo at gaganapin ito sa World Trade Center sa may Pasay City mula Enero 20 hanggang 22, 2017.

Muli na namang magsama-sama ang mga kumpanya na may kinalaman sa manok-panabong para mag-showcase ng kani-kanilang mga produkto. Ilan lang sa mga kumpanyang kalahok dito ay ang B-Meg Integra, Sagupaan Gamefowl Feeds, Salto, Excellence Poultry Livestock Specialist at iba pa. Siyempre pa, makikita nating muli ang ilang kilalang breeders na galing pa sa iba't ibang sulok ng Pilipinas para ibahagi sa bayang sabungero ang iniingatan nilang mga linyada. Kaya't 'di mo na kailangan pang pumunta sa kanilang farm dahil tinipon na nga sila ng expo sa iisang venue.

Magkakaroon din ng mga seminars, mga pa-raffle at auction ng manok. Siyempre pa, 'di kumpleto ang expo kung wala ang presensya ng mga naggagandahan at nagsiseksihang mga modelo ng bawat gamefowl company.

Maliban sa manok, idi-display din sa expo ang iba't ibang uri ng breeds ng kalapati at exotic animals.

Ang World Gamefowl Expo ay inorganisa ng World Exco, sa pakikipppagtulungan ng Pit Games Media, Inc. na pinamumunuan ni Manny Berbano.

Panoorin ang videos ng mga WGE Beauties:

2017 World Slasher Cup 9-Cock Invitational Derby, Malapit na!

World Slasher Cup 1 2017

    Muli na namang isasagawa ang taunang World Slasher Cup 9-Cock Invitational Derby na kinikilala na isa sa mga prestihiyosong pasabong sa bansa. Ang unang edisyon ng naturang torneo ay gaganapin sa may Smart Araneta Coliseum mula Enero 23 hanggang Pebrero 1.
Gaya nang dati, inaasahang dudumugin na naman ito ng mga manunood na sabik makakita ng magagandang laban. Pawang mga bigtime gamefowl breeders kasi ang karaniwang sumasali rito, mapa-Pinoy man o dayuhan. Kabilang na rito sina Biboy Enriquez, Patrick Antonio, Boy Marzo, Nene Abello at marami pang malalaking pangalan sa mundo ng sabong.

Matatandaan na sa unang edisyon ng WSC noong nakaraang taon ay nagback-to-back champion ang grupo nina Engr. Sonny Lagon na may entry name na Blue Blade Farm AA at Atty. Art de Castro na may entry name naman na ART ED AS Thunderbee. Sino kaya ang papalit sa kanilang puwesto ngayon bilang kampeon sa unang edisyon ng WSC? Mangingibabaw pa rin kaya ang mga sikat na sa sabong o bagong pangalan ang makakasungkit ng kampeonato?

Ang World Slasher Cup ay inoorganisa ng Smart Araneta Group of Companies na pinamumunuan ni George "Nene" Araneta. At inisponsoran naman ng Thunderbird Gamefowl Feeds, B-Meg Integra at ng Petron.





Tuesday, December 27, 2016

Tanya Nacion ang Modelong Gamefowl Breeder

Si Tanya Nacion na bukod sa pagiging modelo ay isa ring gamefowl breeder.

Hindi maikakaila na ang sabong o pagmamanok na dating pinangingibabawan ng kalalakihan ay pinapasok na rin ng kababaihan. Bakit naman hindi? Wala namang batas na nagsasabi na ang sabong dapat ay para lang sa mga lalaki. Marahil nagustuhan ito ng ilang kababaihan dahil nakita nila ito na magandang pampalipas-oras at marami ring taong natutulungan.

Siyempre, iba-iba ang background ng mga babae na pumapasok dito. Halimbawa na lang, ang tinaguriang prinsesa ng tari na si Robie Yu Panis ay dating receptionist sa isang wellness center. Si Rhona Bullecer naman ay isang OFW. Ito namang nakilala namin na babaeng gamefowl breeder ay isang modelo. Siya si Tanya Nacion ng Sta. Cruz, Laguna at isang brand ambassadress ng Iron Claw Feeds.

  Wala sa hinagap ni Tanya na malilinya siya sa pagmamanok. Ang pananaw niya kasi noong una hinggil sa sabong ay isa lamang uri ng bisyo. Pero nang maging modelo siya ng nasabing gamefowl feeds company ay nagkaroon siya ng mga kaibigan na sabungero. Napatunayan niya isa palang napakalaking industriya ng sabong at maraming mga tao ang lubhang nakikinabang dito. Hanggang dumating ang isang araw na naisipan niyang mag-breed ng manok, sa tulong ng kanyang kaibigan na s Rj Palconit ng Maghahalap Gamefarm na matatagpuan sa Agoncillo, Batangas.

Alam n'yo ba na sa pagmamanok din natagpuan ni Tanya ang kanyang forever? Ito ay sa katauhan ng Peruvian breeder na si RitzQui ng Indonesia. Kung gusto mong malaman ng buo ang kuwento ni Tanya, puwes panoorin mo ang kanyang mga video sa You Tube...

Panoorin ang videos ni Tanya na naka-post sa Youtube Channel na SN Network:

Bangis ng Aswang Bloodline ni Audie Avenido

 
        Kasalukuyang lumilikha ng ingay sa internet partikukar na sa isa sa mga Youtube channel ng Sabong Ngayon ang manok ng rakistang gamefowl breeder na si Audie Avenido ng sikat na rock na Greyhoundz at lider ng Blues Metal Team dahil sa kanyang manok na tinatawag na Aswang Bloodline. Paano kasi ay kakaiba ang hitsura ng manok na ito. Kung titingnan mo ay medyo 'di maganda ang hitsura. Kung itatabi mo ito sa guwapong manok, malamang mas pipiliin ng ibang sabungero ang guwapong manok. Alam naman natin na karamihan ng sabungero ay mas pabor sa guwapong manok.

Pero ibahin natin si Audie, hindi sa minamaliit niya ang kakayahan ng mga guwapong manok. Katunayan, mayroon din siyang mga guwapong manok. Siya kasi, mas tumitingin sa laro ng manok kaysa hitsura. Aanhin mo nga naman ang hitsura ng manok, mapapa-pangit man o guwapo kung wala naman itong ibubuga sa ibabaw ng ruweda. Eh, 'di doon na siya sa alam niyang magaling. Ito na rin ang dahilan kung bakit pinalahi niya ang Aswang bloodline dahil nakitaan niya ito ng potensiyal.

Marami tuloy ang naku-curious ano nga ba itong Aswang bloodline na ito? Bakit sa dami-dami nang puwedeng itawag ay ito pa ang ibinansag sa kanila ni Audie? Halimaw nga ba ito kung lumaro sa ruweda? Puwes mabuti pang alamin mismo natin kay Audie ang kasagutan sa katanungang ito. Mabuti pang panoorin natin ang videos ni Audie...

Loading...

Recent Posts